Kabanata 1

1.3K 41 10
                                    

Wounding Wine

NATASHA

"Natacha?" isang maliit na boses ang nagtanong.

Dahan-dahan akong lumingon at nakita ko si Tanya, buhok ay basang-basa, nanininig nang kaunti, mga mata ay nanlalaki. Sinara ko ang bintana para tunog ng bagyo ay humina.

"Magpunas ka nga ng buhok," sabi ko. "Mababasa 'yang damit mo. Matutuyuan ka pa. Gusto mo bang magkasakit?" Humarap ako kay Tanya. "'Lika nga rito. Akin na 'yang t'walya." Sa sandaling binuksan ko ang mga braso ko nagmadali si Tanya na tumungtong sa kutson kung saan gabi-gabi kaming magkatabing matulog. Lumuhod siya't niyakap ako saglit.

"Six ka na. Dapat marunong ka nang alagaan 'yang sarili mo." Kinuha ko ang t'walya't sinimulang punasan ang kaniyang buhok. Pagkatapos binalot ko 'to sa kaniyang ulo. "Di na kita maasikaso simula bukas. Pano ka na?"

Si Tanya ay roommate ko. Kahati ko sa isang maliit na kwarto sa pinakamataas na palapag ng gusali mula pa nung una siyang matagpuan sa may Buendia limang taon na'ng nakakalipas. Baby pa lang siya nun. Ako ang naging ate niya. Ako nun ang nagpapakain, bumibitbit, nagpapaligo sa kaniya... hinintay dumating ang panahon na kaya na niyang gawin ang mga 'to nang mag-isa. Totoong may mga bagay na siyang ginagawa na di na kailangan ng gabay ko. Pero marami pa din siyang di nagagawa nang maayos. Tulad na lang ng pagpunas ng kaniyang buhok pagkatapos maligo. "Pag wala na ko, ewan ko na lang," dagdag ko pa.

"Nami-mich ko yung pag mabait ka," sabi ni Tanya. Hindi pa rin nade-develop yung S niya. Palaging nagiging tunog T, o kaya CH. "Ba't ba ang tungit mo?" Lumihis ang tingin ni Tanya mula sakin papunta sa kisame. Nawawala-wala kasi ang ilaw ng bumbilia.

"Wag mo nang pansinin," malumanay kong sinabi. "Sabi ni Nay papapalitan niya raw 'yang ilaw as soon as possible."

"Di ka na nangiti," sabi ni Tanya.

Hindi ko natago ang pagkagulat ko sa sinabi niya. "Ano?"

"Ngiti ka. Nami-mich ko ngiti mo." Nilabian niya ako. Palagi niya yun ginagawa pag meron siyang gusto mula sakin. Palagi kasing umuubra e. Gaya ngayon. Pilit kong inangat ang mga kanto ng bibig ko. Napakahirap ngumiti kapag wala dapat ingiti. Pero ngumiti pa din ako siyempre. Para kay Tanya.

"Nag-enjoy ka ba kanina sa birthday party ni Kate?"

Tumango siya, nakatitig sa bibig ko. Ang pangit siguro ng pagkakangiti ko. Halatang pilit. Kaya binitawan ko na lang, at sinabing, "Buti naman."

"Ba't ka ba kachi aalit? Ayaw mo na ba chakin?" angal ni Tanya. "Tiguro nahihirapan ka na chakin. Pataway kachi ako."

"Hindi 'yan totoo. Alam mong love na love kita." Niyakap ko siya. Mami-miss ko siya. Sobra.

"Pag di ka umalit, pramit di na kita aagawan ng pork chop."

Hindi ko na napigilan ang mga luha. "Hindi yun ganun kadali. Kailangan kong umalis."

"Bakit?"

"Di ba in-explain na namin ni Nay sayo yon?"

"Ba't ka nga kachi aalit..." Paangal ang tono niya.

"'Kaw din naman. Kahit kelan pwede kang biglang umalis. Nagkataon lang na mauuna ako."

"Kung ako ikaw di ako aalit no. Di kita iiwan..."

Kung siya ako makikita niya kung gano kahirap ang sitwasyon ko.

"Magkikita tayo ulit. Pramit ka." Tinitigan ako ni Tanya, mga mata'y nanlalaki pa din, ngunit matatag. Parang kakainin ako sa kaseryosohan.

Wala akong lakas ng loob na sabihing, hindi, baka hindi na kami ulit magkita. Baka hindi naman na din niya gustuhin. Pag-iniisip ko, siguro paglaki niya, ayaw na niyang balikan lahat ng naranasan niya bilang isang ulila. Kasama na ko don. Hinalikan ko na lang ang nuo niya't niyakap siyang muli.

Bumukas ang pinto. Dumungaw si Nanay Juanita, ang puno ng bahay ampunan. Hindi siya ang may-ari. Taga-asikaso lang siya saming lahat. Tawag namin sa kaniya ay Nay. "Nandito na siya, Natasha. Bumaba ka na. Dali."

Dahan-dahan kong hiniga ang katawan ni Tanya sa kutson. Ang ulo niya'y pinatong ko sa unan. Binalutan ko din siya ng kumot. Hindi siya kumibo.

Tumayo ako't pinulot ang bag at plaid jacket ko mula sa sahig. Isang lumang pink Jansport na brown leather and ilalaim. Nakuha ko sa isang donation box kasama ang mga paborito kong peras ng sapatos, yung Converse ko na hi-cut na itim. Halos lahat naman ng pag-aari ko'y bigay lamang kaya konti lang gamit ko. Nagkasya sa bag ko lahat ng mga kailangan kong dalhin, mga gamit pang-drawing at pang-pinta, toiletry, at mga damit na matino pa ang itsura (sabi kasi ni Nay wag ko nang dalhin ang sobra nang gusgusin). Cellphone pa nga pala. Isang lumang cellphone na walang SIM. Gamit ko lang pang-check ng oras. Tsaka pag kailangan ko ng flashlight.

"Tanya, aalis na ko," sabi ko habang sinusuot ang jacket.

Hindi siya lumingon.

"Sorry na kung nasigawan kita kanina." Lalapitan ko na dapat siya ulit kaso pinigilan ako ni Nay.

"Hayaan mo na," sabi ni Nay. Hindi naman pasigaw ang pagkakasabi pero halatang naiirita na siya.

Muling nawala-wala ang ilaw ng bumbilya. "Nay, wag niyo hong kalimutan palitan yung ilaw a. Baka biglang mapundi, di pa alam ni Tanya katabi na niya si Annabelle."

Expected ko mapapa-upo si Tanya, matatakot, mababanas, mambabato ng unan. Pero hindi talaga siya kumikibo. Nadismaya ako. Naasar sa sarili. Hindi ko naman masisisi ang bata kung ganun na lang ang kawalan niya ng reaksyon. Mawawala na ako sa tabi niya, kailangan man niya ko o hindi.

"Oo," sabi ni Nay.

Sinuot ko ang bag at tumingin sa paligid. Dito na talaga ako sa kwarto na to simula't sapul bago pa man dumating si Tanya. Wala naman masiyadong nagbago. Ang mga pader lang na nun ay walang laman ay tadtad na ng mga guhit. Tiningnan ko nang mabilis ang mga paintings ko. Halu-halong mga imahe, patong-patong dahil minsan di na kasya. For the last time ko na siguro makikita ang mga 'to nang personal. Wala namang dahilan para bumalik pa.

Ang balak ko talaga hindi na umalis rito. Ang plano ko hindi na maampon. Gusto kong mag-apply at magtrabaho para sa bahay ampunan habang nag-aaral sa kolehiyo. Pwede naman. Ilang beses ko na yon nabanggit kay Nay nun at pumayag naman siya.

Lumabas ako ng kwarto. Sinara ni Nay ang pinto.

Kaso hindi na matutupad ang mga hulwaran ko.

Dahil sa isang lalaking gusto daw akong ampunin.

The Missing FrameTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon