Kabanata 4.1

592 24 7
                                    

NATASHA

Nagising ang utak ko sa amoy ng kape. Amoy dilaw. Oo, amoy dilaw. Yung pagkadilaw ng tinta ng Stabilo Highlighter. Ang bango. Medyo weird lang, no? Hindi naman mabango ang highlighter, so anong kunek? Ewan. Pero maswirdo siguro yung kahit bangong-bango ako sa kape, di naman ako umiinom nito. Di ko type lasa e. Maganda lang talaga ang kulay ng amoy nito. Minsan lang pala.

Iba-iba kasi ang kulay ng amoy ng kape. Yung kasing tapang ng black coffee kulay dilaw din. Pero yung pagkadilaw ng balat ng duryan, magulang at nakakalungkot. Meron namang kulay kupas na kahel. Cappuccino tsaka latté ganon. Di ko masiyadong trip yung mga yun. Pinakamaganda para sakin yung kulay dilaw. Yung tulad ng amoy ng timpla ni Nay. Ang alam ko tadtad ng creamer at asukal yon, e. T'wing makakaamoy ako ng ganung timpla, hindi ko maiwasan langhapin ang hangin, singhapin ang dilaw.

Gaya ngayon.

Nahirapan akong imulat ang aking mga mata. Puro muta. Naalala kong umiyak nga pala ako kagabi bago makatulog at di ko na pinunasan ang mga luha. Nahirapan din akong bumangon. Sa tingin ko hindi naman dahil sa nakatulog ako sa sahig, kundi dahil ni minsan di ako gumalaw kagabi. Kung anong pwesto ko nang makatulog, ganon din nang magising. Sa pagod siguro.

Nang nakatayo dumiretso ako sa banyo, naghilamos ng mukha't umihi. Dun na din ako nag-unat-unat.

Nakita ko sa kusina ang lalaki. Parang di siya nagbihis mula kagabi. Naka white shirt at pantalon pa rin siya, e. Nakasandal siya sa may kalan, umiinom ng kape. Nakangiti. Yung ngiti niyang batak na mukhang japeyks. Japeyks nga siguro.

"Good morning, Natasha. Breakfast?"

Narinig ko na naman ang maarte niyang pagbigkas ng aking pangalan. Pero hindi naman ako nairita. Nakakatuwa kasi yung amoy ng kape e. Masaya ang pagkakatingkad ng dilaw nito. Nakakasigla ng umaga.

"Magandang umaga po—" Hindi ko natapos ang aking sasabihin. Hindi ko alam kung anong itatawag ko sa kaniya. Ser Rolando? Ginoong Rolando? O Rolando lang? Inulit ko na lang, "Magandang umaga po..."

"Roy," aniya, tila nabasa ang iniisip ko. "You can call me Roy. I know it'll take a while before you can comfortably call me Dad." Natawa siya.

Hindi ako natawa. Sa tingin ko kahit maampon na niya ko nang tuluyan, kailanman ay di ako magiging kumportableng tawagin siyang "Dad."

Lumapit ako sa kaniya. Sa TV show pa lang ako nakakakita ng ganitong disensyo ng kalan. Yung nasa gitna ng kusina. May katabi 'tong lababo at lamesang gawa sa tiles kung saan nakalatag ang almusal namin. Nakita ko din ang coffee maker, tsaka isang lalagyan laman ay mga kutsilyong pangtinapay. Saan galing ang mga ito? Binitbit niya kaya? Walang upuan kaya nakatayo lang kami pareho.

"Bilisan mong kumain." Pansin kong kahit malumanay at mabait siyang magsalita, may awtoridad. May diin. "Punta tayong mall."

"Bakit po?" tanong ko. Wala ako sa mood na umalis at pumaysal. Tinapay ang nakahanda. Naghanap ng pandesal ang aking mga mata pero Gardenia wheat bread lang ang meron.

"Because Dolores arrives tomorrow. You have to buy new stuff," pahayag niya na kala mo alam na alam niya ang lahat ng bagay sa buong mundo. Gusto ko na ngang tanungin kung maari ba talagang nilikha ng Dios ang tao mula sa unggoy e. "—especially clothes."

Nahuli ko siyang nakangisi sakin, sabay tingin sa malayo. Naramdaman kong uminit ang aking mga pisngi.

"Di ko po kailangan ng mga bagong gamit..." Binaling ko ang aking tingin papunta sa sari-saring palaman na nasa mesa.

"Dolores would think otherwise," at biglang seryosong sinabi, "Maarte kasi yon." Naubos na niya yung kinakaing slice ng tinapay kaya kumuha siya ng panibago. Nilagyan niya 'to ng mantikilya tapos liver spread bago tiniklop para magkorteng tatsulok. Pansin ko talagang magkaibang kutsilyo pa ang ginamit niya para sa liver spread at mantikilya. Maarte din siya e.

Di na ko kumibo. Bumunot na lang ako ng tinapay at kinain 'to nang walang palaman. Anong klaseng tao ba kasi 'tong si Dolores? Kung mag-aampon na din lang si Rolando para sa kaniya ba't kasi ako pa ang napili?

The Missing FrameWhere stories live. Discover now