Prologo

1.9K 53 7
                                    

Nakaupo sa may bintana si Natasha, balot ng kumot at nilalamig. Tumatalsik sa mukha niya ang mga butil ng ulan at sumasama sa mga luhang dumadausdos pababa ng kaniyang mga pisngi. Habang sinasamyo ang mahalumigmig na simoy mula sa kadiliman sa labas, pinanonood ni Natasha ang sayaw ng lupon ng maliliit na puting bilog— ilaw mula sa mga lamparang nakahilera sa gilid ng kalsada; at ang mga kidlat na pasulpotsulpot sa kalangitan.

Pinakikinggan din ni Natasha ang malalakas na pagsabog ng kulog at ang bawat tili na umaalon sa gusali. Tili ng mga masbatang ulila. Natatakot siya, sapagkat tuwing naririnig niya ang mga ito may mga imaheng hindi malinaw na sumasangga sa kaniyang isipan. Mga saloobing kinasusuklaman niya ang panunukso. Tila may ipapahatid mula sa kaniyang nakaraan. Ngunit palaging halos lang. Muntikan. May mga bagay kasi na kailanman ay hindi maisasawalat mula sa kaniyang isipan gaano man niyang pilitin alalahanin ang mga ito.

Nasulyapan ni Natasha ang dalawang dilaw na ilaw na sumulpot sa may kanto ng kalye. Ang pintig ng puso ni Natasha ay mga hagod ng matitingkad na kulay: pula at dilaw— mabilis. Buong linggo niyang hinintay ang gabi na ito; hindi dahil nasasabik siya sa mga pangyayaring maaring maganap, kundi dahil nasisindak siya sa mga posibilidad.

Patuloy niyang pinanonood ang mga dilaw na ilaw. Palaki nang palaki ang mga ito— papalapit nang papalapit, hanggang sa tumigil sa may harapan ng gusali at doon ay tuluyan nang nawala.

Agad na mapwuersang suminghap si Natasha. Nakalimutan niya palang huminga.

The Missing FrameTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon