Kabanata 4.0

571 26 9
                                    

Bright Lemon

Nadatnan niya ang dalagita na nasa lapag. Tulog. Nakabalot sa comforter. Pati mukha nakatakip. Mukhang suman. Napasimangot ang lalaki. Ang kalat kasi ng paligid. Yaong mga balot at mumo ng kukis parang binatong konpeti. Napangisi naman siya nang mapansin ang mga nakakalat na mga kuwadro. Balita niya mahilig daw gumihit ang dalagita. Siguro natuwa ito nang makita ang mga artwork. Mukhang inisa-isa pa talaga. Anong oras kaya ito nakatulog?

Alas dyies na ng umaga kaya mainit na sa yunit. In-on ulit ng lalaki ang aircon bago sinimulang maglinis— winalis ang mga mumo at kinahon ang mga kuwadro. Matapos nito isa-isa na niyang binitbit ang mga kahong natitira papunta sa sasakyan niya. Nang isang kahon na lang ang bibitbitin, nagpahinga muna siya at umupo sa tabi ng dalagita. Tinanggal niya ang kumot mula sa mukha nito, hinawi ang buhok na tumatakip sa kaniyang mga mata. Pinagpapawisan na ang dalagita pero mahimbing pa rin ang tulog.

Naalala niya ang nagdaang gabi. Hindi niya pa rin maisalarawan ang mga naramdaman niya nang makita ang dalagita. Kahit walang sertipiko ng kapanganakang maipakita ang bahay ampunan halatang hindi pa ito nagdi-disi otso. At lalo lamang nasabik ang lalaki nang matitigan ang mga mata ng dalagita— sa unang tingin mukhang itim, pero pagtinitigan hindi mapagkakailang ang mga ito ay kulay biyoleta.

Napangiti ang lalaki. Pero yaong malungkot na ngiti— yaong may kaunting ninig, tila mahirap mapanatili. Nalulumbay siya sapagkat ngayon niya lamang nasamantala ang pagkakataon na maalagaan ang dalagita. At kahit na nandito na siya sa kaniyang tabi, tila mahirap nang maging malapit ang loob ng dalagita sa kaniya: wala kasi siya sa piling nito habang ito ay lumalaki.

Bumunot siya ng panyo mula sa likurang bulsa ng kaniyang pantalon at pinunasan ang noo at batok ng dalagita. Maingat siyang kumilos ngunit maliksi. May isa pa siyang kahon na kailangan bibitin pababa bago makababalik ng Maynila.

The Missing FrameWhere stories live. Discover now