Kabanata 15.2 [major revamp]

361 11 11
                                    

Buti na lang inabutan ko si Aling Linda na paalis kaya hindi ko na kailangang kumatok. Sumilip ako sa library. Nandun si Roy. Nagbabasa. Sabi na e. Sana hindi niya napansing umalis ako.

Nagmadali akong magtanggal ng sapatos sa may hagdan.

"Marunong ka nang tumakas a."

Napatayo ako at hinarap si Roy. Ramdam ko ang pamamawis ng batok at kili-kili ko.

"Saan ka galing?" Humalukipkip siya. Pagnakasuot siya ng salamin tumatapang itsura niya.

Pero mas gwapo din siya.

"Hindi naman po ako inabot ng gabi."

Umigting ang mga panga niya. "Sinong kasama mo?"

"Si Jake po."

"Ahh, kaya pala ang sweet ng ngiti mo a!"

Uminit ang mga pisngi ko. Kinagat ko ang labi ko. Yumuko para ipagpatuloy ang pagtanggal ng sintas.

"Di ba sabi ko sayo bawal pang lumandi?"

"Kasama po namin si Divine."

Narinig ko ang pagbuntong hininga ni Roy.

Tumayo ako, hawak-hawak ang sapatos. "Sorry po. Magpapaalam po sa susunod." Hindi ko siya matingnan nang diretso.

"Next time may parusa na." Tumalikod siya't lumakad paalis. "Dinner at five-thirty."

"Opo."

Nakakatawa kasi siya na nakakatuwa. Biruin ko sana siya, "Naks! Tatay na tatay ang dating!" Pero wag na lang. Napangiti na lang ako sa sarili ko at nagsimulang umakyat, bitbit ang mga sapatos ko. Ayaw kasi ni Roy na kung san-san lang nakakalat, at bawal din ilakad sa loob ng bahay maliban sa pasilyo. Yung shoe rack ko nasa loob ng kwarto ko.

Nangalahati na ako sa hagdan nang marinig ko ulit ang pagbuntong-hininga ni Roy. Nahinto ako't sinilip siya. Natalikuran na niya ako pero hindi siya gumagalaw. Nakahawak lang siya sa pader, tila patumba na.

Bumaba ulit ako ng hagdan. "Roy..." Pinatong ang mga sapatos ko sa isang baytang. "Roy okay ka lang?"

Hindi siya humarap kaya inabot ko ang balikat niya. Dun siya gumalaw. Dinungaw niya ang kamay ko, at mabilis at biglaang humarap sakin para yakapin ako. Yung mahigpit na yakap, talagang nilakip niya ako gamit ang mga braso niya. Ang malalakas niyang braso.

"Anong nangyari?" Hinihingal siya at alam kong pinipigilan niya lang ang pag-iyak.

"For some reason I feel like I've lost a sister," pabulong siyang nagsalita. Marahan. Mahangin. Siguro para hindi pumiyok yung boses niya. "Again."

Hindi ko naiintindihan. May nangyari ba sa kanila ni Rachel? Pero mas malakas ang kutob ko na mas may kinalaman ito kay Sara.

Nag-tiptoe ako para hindi siya mahirapan sa pagyuko at lalo kong hinigpitan ang yakap ko sa kaniya. Hindi pa rin nawawala ang pangangapos niya ng hininga. Parang sasaksakin na rin ako ng dinadamdam niya. Gusto kong itigil ang kung anumang sakit sa puso niya pero hindi ko alam kung paano at kung kaya ko nga ba. Ang sinabi ko na lang ay, "Okay lang yun."

Humigpit din ang pagyakap niya; at dahil sa galaw niyang yun bumaon sa leeg niya yung ilong kong sinalo naman ng kwelyo ng kaniyang polo. Medyo amoy ko pa nang konti yung matapang na panlalaking pabango niya, pero mas nangibabaw naman yung fabcon ng damit niya kaya di ko na gaanong pinansin.

Ipinikit ko ang mga mata ko. "Nandito naman ako e," dagdag ko pa. "Ako na ang pamilya mo, di ba, sabi mo?"

Naramdaman ko ang pagdiin ng baba niya sa balikat ko ngunit mabilis ding nawala. Alam kong pagtango niya yun.

Naging dilaw ang paligid namin. Hindi yung kupas na lasang tanso tulad ng pagtungtong ko ng condo nun. Hindi yung matamlay na parang mantuturok ng antok tulad ng kapeng barako. Hindi din yung maliwanag at halos puti tulad ng naranasan ko kay Jake. Kundi yung dilaw na matingkad. Masaya. Napaka. Yung dilaw na nagpapakalma sa pulang madalas mang-away sa akin – yung dilaw na gustong-gusto ko.

The Missing FrameWhere stories live. Discover now