Kabanata 19.1

235 9 2
                                    

Nakakatatlong hakbang pa lang si Rolando nang siya ay tumigil at ibinaling muli ang tingin sa lumuluhang dalagita. "At kumain ka nga. Napataba na nga kita, pumapayat ka ulit." Pilit man niyang ngumiti para ipakitang ito ay isa lamang biro, hindi niya nagawa.

"Palalayasin mo na ba ako?" tanong ng dalaga. Hindi na niya napigilan ang mga salitang gumugulo sa utak niya. Idinuwal niya ang mga ito—pagkaing hindi maisikmura.

Lumapit si Rolando kay Natasha. "What?"

Kitang-kita ng babae ang mga pulang guhit sa mga mata ng lalaki, makakapal, mababagsik, dala ng kawalan ng wastong pagtulog. Pero naisip ng dalagita na kahit ganoon, magaan pa rin sa pakiramadam ang tumitig sa maamong mukha nito; hindi siya nagsasawang ituon ang kaniyang tingin sa mga mata nitong kulay kape.

"Natasha?" sambit ng lalaki nang hindi na siya nagsalita.

Bumagsak ang tingin ni Natasha, dala na rin ng hiya na baka namumula na ang mga pisngi niya. Nakakahiyang bigla na lang niyang nabanggit iyon, na para bang malungkot siya dahil naiisip niya ang posibilidad na mapalayas, hindi dahil sa nangyari kay Dolores.

"Natasha..." umamo ang tono ng lalaki.

"Kasi—" simula ni Natasha. "Kasi wala na si Dolores. Hindi niyo na ako kailangan kaya—"

Hindi pinatapos ni Rolando ang sasabihin ni Natasha; mabilis niyang hinila ang dalaga papatayo at ikinulong sa mga bisig niya.

Nagulat ang dalaga kaya nung una hindi siya nakagalaw. Pero maya-maya'y inabot na rin niya ang kaniyang ulo sa leeg Roy at binalot ang sariling mga braso palibot sa lalaki. May init na nagsimulang gumagapang sa dibdib at likod ni Natasha, pero hindi niya masabi kung galing nga ba ito sa lalaki—sa higpit ng yakap nito, o galing mismo sa katawan niya. Hindi niya na pinagtuunan ng pansin ang kakaibang nararamdaman at naglakas ng loob na lamang siyang ilakbay ang mga palad niya sa katawan ng binata. Ngayon niya lang naramdam ang tunay na lapad at tigas nito.

"Don't dare say that," patuloy ni Rolando. "If you think it's because I barely talk to you, alam mo naman na busy lang ako. Pagod. Malungkot. And I'm sorry. It's been tough. Really, really tough. Pero wag na wag mong iisipin yang mga bagay na ganiyan." Dumaplis ang mga labi ni Rolando sa noo ng dalaga, at sunod na ipinatong ang baba sa bumbunan nito. "Dahil hinding-hindi ko 'yan gagawin."

Napapikit si Natasha. Paano siya makakatulog ngayong gabi kung alam na niyang magdamag niyang iisipin ang init ng yakap na ito? Tama nga ba si Dolores? Na may mga bagay siyang kimikimkim at inaasam na ayaw niya lang aminin kahit kanino, lalong-lalo na sa sarili niya? Na dapat niyang pigilan ang mga ito at hindi maganda ang patutunguhan sakali mang magpatuloy?

Lalong humigpit ang pagkapit niya sa lalaki. "Roy..."

"Now that I've found you," pabulong na habol ni Rolando, "I'll never let you go."

The Missing FrameWhere stories live. Discover now