Kabanata 19.0

271 6 1
                                    

           

Sleepy Sangria

NATASHA

Pumanaw si Dolores gabi ng bagong taon. Dahil daw sa pneumonia sabi ng doktor. Mula ng umagang yun, nang malaman ko ang nangyari, hindi na ako makakain nang maayos. Masakit isiping huling pag-uusap na namin yun, yung nag-sorry siya at sinabi niyang gusto niya pa akong makilala nang lubusan.

                        Aaminin kong nabigla ako. Di man ako naghalupasay o humagulgol, matindi pa rin ang lungkot na naramdaman ko. Nawalan ako ng isang taong tinuring kong lola (kahit na sabihin mong sa maiksing panahon lang).

                        Mabilis nailibing si Dolores dahil naisipan ni Roy na wag na siyang iburol. Isang art exhibit na lang ang mangyayari, RED: In Commemoration of Professor Dolores Taylor Hill-Roberto. Sabi niya kilala niya si Dolores at masgugustuhin niya yun.

                        Masikap na hinanap ni Rolando sa Internet ang mga dating katrabaho at estudyante ni Dolores, inabisuhan ang mga ito tungkol sa hindi kanaisnais na pangyayari. Sinabi na niya din na balak niyang humingi ng mga guhit na may theme na red, ang paboritong kulay ni Dolores. Hindi naman daw niya pagkakakitaan ang mga ito. Kung mabenta man, ibibigay niya ang pera sa kung sino ang gumuhit. Kung hindi, ibabalik niya.

                        Sa susunod na dalawang linggo, isa-isang dumating ang mga paintings galing Seattle, Paris, Sydney, Singapore, Frankfurt, Nairobi, Tel Aviv, at kung saan-saang sulok pa ng mundo. Ang gaganda ng mga guhit na natanggap namin. Dahil tribute kay Dolores ang mga ito, may mga portraits pa.

                        Sumatutal nakatanggap kami ng mahigit tatlong daang obra (hindi lahat paintings, may mini sculptures din at kung anu-ano pa). Mataas ang mga presyo ng mga ito ngunit halos lahat ng nagpadala, ayaw magpabayad. Nakakalulang pera sana yun kung sakasakali. Pero sabi ni Roy, ido-donate na lang daw niya sa charity ang kikitain ng gallery. Sabagay hindi naman niya yun kailangan. Mayaman naman na siya e.

                        Mahirap mag-asikaso ng exhibit kahit na sa mismong bahay na tinitirhan namin gaganapin ito. Kailangan pa kasing mag-install ni Roy sa living room ng mga pader na gawa sa plywood para may masabitan ng mga paintings na hindi na kasiya sa mga totoong pader (mula san tinanggal pansamantala yung mga guhit ng tunay niyang ina). At karamihan ng mga guhit kinailangan pa naming ilagay sa kwadro (maspraktikal kasing magpadala ng hindi framed dahil mahal ang shipping). Habang tinutulungan si Roy, naisip ko yung sarili kong burol. Kung mag-aasawa man ako at magkaanak, ibibilin ko na ganito na lang din gawin nila sakin. Kasi ang weird kayang isipin nung nasa ataul ka tapos wala ka na ngang malay, wala ka na ngang laman-loob, naglalagas na balat mo, pero isa-isa ka pa ring tinitingnan ng mga tao. Nakakapangilabot, diba?

                        Nagbukas ang gallery for ten days, 4 a.m. to 2 a.m. araw-araw. Mahirap dahil marami-rami rin ang dumalaw. Kahit mga local news na naiintriga lang at walang mabalitang matino ay dumalo ("Fil-Am professor and painter dies of pneumonia"). Si Roy grabe ang pag-aasikaso sa mga bisita. Sinigurado niyang nakakausap niya ang bawat isa. Buti stay-in na si Aling Linda at may katulong si Roy sa pag-aasikaso. Ako naman ay kung hindi sa kwarto ko, sa may hagdan lang umiistambay, takot na makausap at mautal-utal, nakikinig lang sa mga usapan ng iba. (May mga tsismis nga akong nahagip tungkol kay Dolores, tulad ng hilig niya sa performance art. Dati pala, nung estudyante palang siya, nag-shave siya ng... basta yung ano niya... sa harap ng klase niya at nakakuha siya ng almost perfect score kahit alam ng propesor niyang hindi siya ang unang gumawa nun dahil ang tapang niya raw. Oo nga. Hindi ko kaya yun kahit sa ngalan ng sining.)

                        Mabilis naman dumaloy ang panahon. Tila ilang saglit lang, dumating ang madaling araw ng last day. Kasasara lang namin at tinutulungan ko si Roy sa pagtanggal ng mga plywood pininturahang puti. Kailangan kasi ng masmalaking space at siguradong pinakadadagsa ang mga tao sa araw na yun. Marami na rin kasing nabenta kaya kasya na ang mga artworks sa mga totoong pader. Maya-maya nang matapos kami, nagpahinga muna si Roy at umupo sa isang silyang napadpad sa may sulok. Hindi tulad ng natural niyang upo, nakakuba ang likod niya. Pagod na pagod siya. Sa tingin ko nga lima hanggang sampung oras pa lang ang tulog niya mula nung nagbukas kami.

                        Umupo ako sa sahig, sa tabi niya. Sa unang pagkakataon mula nung bagong taon, kinausap ko siya para lang mangamusta. "Okay lang kayo?" ani ko. Halos mag-echo yung boses ko sa espasyo ng living room. Nakatulog na si Aling Linda at kaming dalawa na lang ng tatay-tatayan ang gising.

                        "Yeah," sabi niya. Ngunit nang sulyapin ko siya, pulang-pula na ang mga mata niya, pati ang dulo ng ilong niya.

                        Pero kung siya nagpipigil, ako nama'y di ko na kinaya. Hindi pa ako nakakaiyak nun para kay Dolores, at umagos talaga ang likido mula sa mga mata ko.

                        Ilang sandali pa, tinapik ni Roy ang likod ko, napasinghap at sinabing, "Get some rest, Natasha."

                        Pinunasan ko yung mga luha ko gamit ang harapan ng shirt ko. "Rose..." singhot ko.

                        "I can't call you that," mabilis at madiin niyang tugon.

                        Natameme ako. Ba't siya tila naasar sa sakin? Nami-miss ko lang naman si Dolores at kahit wala na siya, gusto ko lang naman respetuhin yung mga maliliit na bagay na binilin niya.

                        At gusto ko lang din namang makausap si Roy nang matino. Ilang linggo ko na siya iniisnab-isnab, kakausapin lang pag may kailangang pag-usapan. Ngayon feeling ko napalayo na kami sa isa't isa. Ika nga, back to square one. Ayaw ko yung feeling na yun. Walang kulay pero mahapdi sa mga palad ko. Gusto kong mawala yung sakit at marinig ulit yung mga pagbibiro niya, yung mga pangso-spoil niya sakin. Alam mo yung feeling na nami-miss mo kahit araw-araw kayong nagkikita? Kahit magkaharap na mismo kayo? Kasi alam mong hindi kayo okay? Kasalanan ko kung bakit to nangyayari, at nanghihinayang ako dahil parang nabuo ulit yung pader sa pagitan naming muntikan niya nang tuluyang matibag. Puro kabaitan lang ang pinakita niya sakin, pero ako, eto, parang wala man lang ako ni patak ng pasasalamat sa mga asal ko.

                        "Bakit?" tanong ko.

                        Hindi niya ako sinagot.

                        Tuloy ako sa pag-iyak. Higit sa lahat, gusto ko siyang yakapin. Pero ang nagawa ko na lang ay sabihing, "Kayo din. Magpahinga na kayo."

                        "I still have to think of a eulogy for later," mabilis niyang sinabi. Tas tumayo na siya at nagsimulang maglakad papalayo. Papunta man siya sa kwarto niya o sa library, hindi ko alam. Dahil hindi ko nagawang tumayo at sundan siya.

The Missing FrameWhere stories live. Discover now