Kabanata 4.2

525 22 5
                                    

NATASHA


Nung unang taon ko sa bahay ampunan sinama ako ni Nay sa mall para bumili ng mga laruang pangregalo sa mga ulilang magpipitong taong gulang. Tanda ko Nobyembre din noon. Christmas season kuno. Naaalala ko pa ang pagpasok namin ni Nay sa parte kung saan tinitinda ang mga laruan. Maraming tao sa mall pero masmarami pa din don sa loob ng Toy Section. Mahigpit ang hawak sakin ni Nay nun para hindi ako mawala pero nag-panic ako sa sobrang dami ng tao. Sa sikip ba. Napapalibutan ako ng namumuong pula e. Pumiglas ako.

"Natasha!" narinig kong sinigaw ni Nay. Pero hindi ako lumingon. Ang alam ko lang nung time na yun ay dapat akong makaalis sa pulutong ng tao. Nasusuka ako't nahihilo. Nasisigawan dahil nakakabunggo ako ng ibang mga tao.

Simulat-sapul ang pinakaayaw kong lugar ay ang hindi pamilyar at maraming tao. Kaya nang magawa kong makaalis sa lipon, mahabol ang aking paghinga, at mapagtantong wala na si Nay saking tabi, muli akong nag-panic at nagsimulang humahagulgol. Buti kamo isang babaeng may mabuting loob ang nakakita sakin at dinala niya ko sa Customer Service. Naaalala ko pa ang pagtigil ng "All I Want For Christmas" sa mga ispiker, sumingit ang bell FX ng mall, hinihingi ang atensyon ng mga tao:

Calling Juanita Perez to Customer Service?
Juanita Perez to Customer Service, please...

Di na ko ulit sumama sa mall mula nun. Nagpapabili na lang ako kay Nay pag nagka-pera. Ngayon lang ako muling nakapunta at hindi ako dumidistansya kay Roy. Mahirap na ding mawala kahit kung tutuusin masyado na kong matanda para intindihin kung mawawala ba ko. Buti na lang wala namang masiyadong tao ngayon.

Una kaming pumasok ni Roy sa pwesto ng B.U.M. Napa-wow na lang ako sa sarili. Ang gaganda ng mga damit na nakasuot sa mga manikin.

"I'll buy anything you fancy," sabi ni Roy.

May nakita akong black hoodie. Nilapitan ko 'to't hinawakan ang sleeve. Grabe ang kyut. Kinikilig ako sa kakyutan.

"Yes, mam? Bili na." Nagulantang ako sa biglang sumulpot na saleslady. Naka-hoodie din siya't naka jeans. Ngumunguya ng chewing gum.

Pinilit kong ngumiti. "Tumitingin lang po."

"Mam, sukatin mo na yan." Tsinita siya kaya pagbungisngis niya para na siyang walang mata. "Eight, nine, nine, ninety-five lang yan, mam."

"Nine hundred?" Medyo tumaas ang boses ko. Napatingin ako kay Roy. Pero kalmado lang ang itsura niya, nakahalukipkip.

"Eight, nine, nine, ninety-five," ulit ng saleslady. Todo ngiti siya.

Sa totoo lang ayaw ko ng ganto. Kahit nung sa palenke pa ko nabili ayaw na ayaw kong may nakatutok sakin. Oo, trabaho nila yun, yung bigyang ng buong pansin ang customer at i-assist kuno. Di yun maiiwasan. Tsaka kailangan ko naman ding magtanong kung magkano yung tinitingnan ko. Pero naiirita lang talaga ako e. Nasa mall ako ngayon at kaya ko naman hanapin yung price tag. Tumitingin pa nga lang e ayaw na kong iwan ng saleslady. Mukha ba kong magnanakaw? Nakaka-pressure lang sila. Nakakawalang ganang tumingin tuloy.

Tinanggal ni Roy sa hanger ang hoodie at inangat niya ito sa direksyon ko. Hinawakan niya 'to sa mga parte kung san isusuot ang mga balikat. Parang inii-imagine niya kung anong magiging itsura ko pagsuot na to.

"Would look nice on you," sabi niya. "Pero mukhang malaki 'to sa 'yo. Pakuha ka na lang ng extra small."

Hindi ko na muna pinansin yung pasimple niyang pagpuna sa kapayatan at kapandakan ko. "Nine hundred?" sabi ko. "Para lang sa ganiyan?" Napailing ako. "Overpriced."

"Eight, nine, nine, ninety-five, mam," ulit ng saleslady, walang sawang nakangiti.

"Okay lang," sabi ni Roy habang binabalik ang hoodie. "Maganda ang quality."

Hindi. Sobra talaga yun. Ang dami kong naisip na mas-importanteng bagay na pwedeng mabili sa siyam na raan. "Titingin pa po ko sa iba," sabi ko nung napagmasdang lahat ng ibang damit sa shop na yun ganon talaga ang mga presyo. Kahit yung shorts lang na maong libo na.

Sumunod akong napadpad sa Forever 21. Madaming blusa't bistida dun pero may nakita din akong mga hoodie. May isa akong napansin na gustong-gusto ko ang style. May hearts na glitters.

May lumapit na saleslady,

"Magkano po 'to?" sabi ko.

Mga mata niya'y mapupungay at bored na bored niyang sinabing, "One, nine, nine, nine, ninety-five."

"Dalawang libo?" napasigaw ako.

Kumunot ang nuo ng saleslady. "One, nine, nine, nine, ninety-five," mariin niyang sinabi. Inayos niya yung hoodie kasi nagulo ko ang pagkakaayos sa hanger.

Tumalikod ako't hinarap si Roy. Busy siya sa phone niya nun pero tumingin siya sakin nang naramdaman ang aking titig.

Tinaasan niya ako ng kilay. "O?"

"Ang mahal. Grabe."

Napabuntong hininga siya. "Look, ang dami pa natin dapat bilhin. Pambahay pa, et cetera. Kung iisipin mo ang gagastusin ko wala tayong matatapos nito."

"Wala bang sale?"

"Sheesh, Natasha. Sayang ang punta natin. Tsaka nga, as I've told you, bukas na ang dating ni Dolores. Go. Sukatin mo na yung napilii mo. Kahit gano pa 'yan kamahal bibilhin ko 'yan basta gusto mo." Nakatingin siya ulit sa phone niya. Mukhang may katext na importante.

"Next time na lang ako bibili. Pag pumunta tayo ng tiyangge."

Hindi ko alam kung ako kinaiinisan niya, o yung katext niya, pero madiin niyang sinabing, "If you don't pick for yourself, ako mamimili."

Ayaw ko nang makipagtalo. Suminghap na lang ako't bumalik don sa B.U.M. Masgusto ko kasi yung saleslady don.

Nakangiti pa din siya nong pagpasok ko.

Mabilis kong hinanap ang jacket na gusto ko. Ngumiti na din ako sakaniya, at nagtanong, "Nasan po ang fitting room? Tsaka may extra small po ba nito?"

The Missing FrameWhere stories live. Discover now