Kabanata 5.1

445 23 4
                                    

NATASHA


Pagmulat ko ng mata iba na ang itsura ng kalangitan. Mainit na ang pagkakaasul. Tapos yung mga malalayong bituwin pawala na. Sumasabog na ang kulay sa himpapawid dahil sa pagsikat ng araw.

At di lang yun ang nag-iba. Nakabalot na ko sa kumot at may unan na sa ulunan. Si Roy. Patay. Ano kayang reaksyon niya nang makita akong nakahilata dito. Sinubukan niya kaya akong gisingin? Malalim kasi ako matulog. Ano kayang sinabi niya kay Dolores? Nakakahiya. Nakatulog na naman ako sa hindi tulugan.

Ang sakit ng katawan ko. Di ako makabangon agad kaya nanatili na lang muna akong nakaratay sa sahig, nakikinig sa paligid.

Nakakatuwang makinig. Ang daming kulay e. Yung tunog ng mga motor sa malayo, aarangkada't mawawala, kulay asul na may konting berde. Yun namang tunog ng sumisipol na pitsel saka pagtatamaan ng mga plato, kutsara't tinidor ay mangupas-ngupas na asul. Tapos yung tubig na lumalagpak sa baldeng walang laman, habang napupuno at pataas nang pataas ang tono, patingkad nang patingkad na asul. Pure blue. Walang bahid ng ibang kulay. Maya-maya nagkaron na ng navy blue. Huni ng mga ibon. Nakakagaan ng kalooban. Ang ganda kasi ng tunog nila e. Binilang ko yung tono. Limang nota. Sana magpakita sila't malaman ko tawag sa mga ibon na 'yon.

Nakaramdam na ko ng gutom kaya pinilit ko nang tumayo. Siguro mahigit dalawang oras na din akong nakahiga't nakikinig. Pansin na pansin ang pagtaas ng araw. Tapos ang init pa. Pinagpapawisan na ko.

Dumaan muna ako sa kwarto ko para ihagis sa kama ang unan at kumot at para na rin maghilamos. Mabilis akong bumaba.

"Alas otso nandito na ko," sabi ng babaeng boses. Parang ang bata ng boses ni Dolores.

Napatigil ako sa pinakahuling baitang ng hagdan. Nagulat sa isang munting babaeng nakatitig sakin. Sa'n siya galing?

"Ta's alas singko ka uuwi?" sabi ng isang lalaking boses. Si Roy.

Naka-uniporme ang bata tapos naka-pigtails ang buhok. Tahimik siyang nakatindig, parehong braso nasa gilid, nanlalaki ang mga mata. Bumagsak mga balikat ko. Naalala ko kasi si Tanya sa kaniya.

"Hi," sabi ko sa bata, at nginitian. Biglaan at mabilis siyang tumakbo paalis. Lalong bumagsak balikat ko.

Sumunod ako. Nasa dining room sila Roy, yung babaeng kausap niya, at yung bata. Nandun siya sa may likuran ng babae, nakahawak sa t-shirt nito. Nang makita ang babae na naka-shirt at three-fourths na pantalon nagduda na kong si Dolores yun. Baka siya yung sinasabing katulong ni Roy.

Umupo ako sa dining table at bumunot ng tinapay. Sliced bread na naman. Wala pa ding pandesal. Gusto ko na ng pandesal. Yung nabibili kung san mang kantong bakery. At least marami ulit pagpipiliang palaman. Binuksan ko ang lahat: may peanut butter, chocolate spread, mayonnaise, blueberry jam, keso, at kung ano-ano pa. Ang dami. Nakakahilo. Sumandok ako ng chocolate. Ramdam ko ang titig ng bata. Inangat ko ang tingin ko. Nakatingin nga ang bata, isang hinalalaki nakapasak sa bibig. Pero pansin kong hindi na siya sakin nakatitig kundi sa hawak kong tinapay. Kaya inabot ko 'to sa kaniya at agad-agad naman niyang tinaggap.

"Pasensiya na, Roy. May sakit asawa ko e. Di ko maiwanan sa gabi," sabi nung babae.

"Walang kaso yun, Aling Linda. Wag kang mag-alala. Naiintindihan ko ho," sabi ni Roy. Nagulat ako nang mapansin ang suot ni Roy. Naka-shirt pero pajamas na plaids ang pangbaba. Himala. "Bale, eight to five?"

Pinanuod ko ang bata kumain. Pinigalan ko ang sarili kong hablutin siya't punasan ang tsokolateng nagkalat sa gilid ng bibig niya.

"Ay! Sa'n mo nakuha yan?" tanong ni Aling Linda sa bata.

Tinuro ako nung bata.

"Naku! Nanghingi ka?" pagtaas niya ng boses. "Pasensiya na," sabi niya sakin.

Umiling ako't ngumiti.

"Anong sasabihin mo?" sabi niya sa bata.

"Tenchu," sabi ng bata.

Natunaw ako. Gusto kong tanungin kung anong pangalan niya. Pero nahiya ako.

"Roy, babalik na lang ako mamaya. Ihahatid ko lang 'tong bunso ko sa eskwelahan." Kinuha ni Aling Linda ang kamay ng anak niya't lumabas sila, titig ng bata hindi naalis mula sakin.

Nang narinig ko na ang pagsara ng gate, binalik ko ang tingin sa dining area. Nagulat ako sa isang matandang nakatayo saking harapan, may hawak-hawak na maliit na tasa. Kahit matanda na siya, alam mong maganda siya non. Banyaga ang features niya. Siguradong may lahing puti din tulad ni Roy. Naka-robe na dilaw ang babae. Yung nangungupas na dilaw. Tapos gold yung belt.

"Morning, Dolores," sabi ni Roy. "Natasha, Dolores."

Ngumiti ako pero di man lang tumitingin si Dolores sakin. Nagbuhos lang siya ng mainit na tubig sa tasa't dinutdot ang isang tea bag.

"Roy, buy me five boxes of Lipton green tea when you go to the groceries," sabi niya na parang silang dalawa lang ni Roy ang nasa kwarto.

"Okay." Umupo si Roy sa tabi ko't humigop ng kape. "Dolores, won't you greet Natasha?"

Sa harap ko umupo si Dolores. Likod ay diretso, baba kalinya ng sahig. Parang si Roy. Patuloy niyang hinalo ang kaniyang inumin. Hindi nagtaas ng tingin.

Hindi ako papansin kasi ayokong napapansin. Sa klase ako yung tipong nananalangin kay Papa Jesus na wag matawag ng teacher hindi dahil sa di ko alam ang sagot sa tanong kundi dahil ayaw ko ma-segue ang atensyon papunta sakin. Palaiwas ako sa tao't ayaw kong nababati. Kahit ng crush ko. Kaya hindi ko inakalang darating ang araw na masasaktan ako dahil sa isang matandang di man lang ako mangitian.

Tumayo ako't pumanik sa kwarto ko. Di ko pinansin si Roy kahit tinatawag niya ako pabalik. Nawalan ako ng ganang kumain. Hindi ko alam kung papano ipoprosesa sa utak ko na ayaw sakin ni Dolores. Yung taong kailangan kong pasiyahin ay di man lang ako matingnan.

The Missing FrameWhere stories live. Discover now