Kabanata 2.0

865 36 2
                                    

High-Noon Heather

NATASHA

Naglakad kami ni Nay pababa ng spiral staircase. Meron ka pa ring maririnig na mga biglang pagsigaw, pero wala ka nang makikitang mga batang bumubulakbol sa mga pasilyo. Lahat kasi nasa kani-kanilang mga kwarto na. Kinuha ko ang cellphone ko mula sa bulsa ng bag at sinilip ang oras. Mag-aalas onse y medya na pala.

Nakarating kami ni Nay sa ground floor at dun na nag-sink in nang tuluyan kung anong nangyayari: aalis na ko sa bahay ampunan. Biglang parang nag-rewind ang mundo ko. Naaalala ko pa ang mga unang pag-apak ko sa gusaling 'to. Dito sa mismong pasilyo na 'to naganap ang mga pinakamaaga kong memorya. Napakabata ko pa nun. Kasing liit ko pa lang si Tanya. Pero sariwa pa saking isipan ang takot na naramdaman habang naglalakad, nakabuntot kay Nay, panay tingin sa kaliwa't kanan, sa mga sunod-sunod na pintuang di ko alam kung san hahantong. Ang lawak tingnan ng hallway na 'to nun. Tila lumiit. Mukhang abot ko na ang kisame kung iuunat ko ang mga braso ko paitaas. Parang Alice in Wonderland lang.

"Natasha," sabi ni Nay.

Natapos ang flashback. "Ho?"

"Tulad ng nabanggit ko sa iyo noon, mayaman at bata pa itong si Rolando. May pagkamaarte. Kaya ayusin mo ang iyong sarili kung gusto mong tumagal sa kalinga niya."

Napa-"Oho" na lang ako. Ang nosebleed kasi managalog ni Nay. Tsaka hirap kayang imagine-in ang mayamang medyo bata. Ano kaya yun? Mayaman, pero medyo bata. Tingin ko kasi kapag ganun, magulo. Mahilig mag-partey-partey. Palaging nakukuha lahat ng gusto niya. Spoiled kung baga. Pero nakuha ko lang naman yung ideya na yun sa mga pelikula.

Wala nang sumunod na sinabi si Nay kaya hinayaan kong lumawak ang distansya sa pagitan namin. Ayaw ko naman din muna siyang makausap. Medyo bitter pa kasi ako sa kaniya. Hindi ko aakalaing papayag siyang ipaubaya ako sa isang lalaking hindi ko man lang nakikita pa nang personal.

Inaamin kong hindi kami ganon ka-close ni Nay. Sa totoo lang wala akong ibang ka-close kundi si Tanya. Pero masakit pa ding isipin na basta-basta na lang akong ipamimigay. Masakit kasi naisip ko na baka 'to na ang pangalawang beses na ginawa yun sakin. Malamang ganun din ang ginawa ng mga tunay kong magulang, diba? Pinabayaan ako. Kung saan at kanino na lang mapunta.

Pinahinto ako ni Nay sa may pintuan ng guest room.

"Alam kong nawala ko ang tiwala mo, subalit—" sabi niya, habang may nilulusot sa kamay ko. Rosaryo niya. Yung kayumanggi't nangungupas na. "Subalit nais kong malaman mo na kahit hindi mo pa man mabatid kung bakit kita pakakawalan, iniisip ko lang kung ano'ng makabubuti sa iyo." Niyakap niya ako. Ang bango ng buhok niya. Amoy coconut shampoo. "Pagpalain ka nawa ng Dios," bulong niya, at nag-sign of the cross.

Naiiyak na naman ako. May kasalanan kasi ako sa kaniya. Nasigawan ko siya nung binalitaan niya kong balak ulit akong ampunin nung lalaki. Naaalala ko pa yung mga sinabi ko nun...

"Hinding-hindi ako sasama sa lalaking yun!" sigaw ko nung mga panahong yun. Minsan ko lang nabulyawan si Nay. As in minsan. Once. Isang beses sa buong buhay ko sa bahayampunan. Napuno na kasi ako. Nataranta din. Dapat kasi nung isang taon pa talaga ako ililipat bilang isang anak-anakan. Nang maayos na lahat ng papeles nung Enero, biglang bawi yung kukupkop sa akin. Tapos nung Marso, sabi sige daw. Pero dalawang linggo ang makalipas, umurong ulit. "Halatang manloloko siya!" sigaw ko pa.

"Wag kang mapanghusga, Natasha."

Masakit masabihan ng ganun a. Di ko naman sinasadyang manghusga. Feeling ko lang talaga pinaglalaruan ako, o parang may masamang balak sakin yung lalaki. Kahit sinong babae naman siguro na nasa matinong pag-iisip ay matatakot kung nasa sitwasyon ko.

"Paano kung..." Hindi ko natapos ang gusto kong sabihin. Ang dami ko kasing naisip na trahedyang pwedeng mangyari sakin kung basta na lang ako sasama sa di ko kilala. Kakapanuod ko pa lang naman ng Taken noon. Yung pelikula about human trafficking.

Kalmado lang si Nay nung nasigawan ko siya. Ganun naman siya palagi. Kalmado. Kapag kasi napagdesisyunan niya na ang isang bagay, malabo nang mag-iba ang isip niya. "Pigilan mo iyang kadangalan mo. Makabubuti sa iyo ang pagsama sa kaniya."

Hindi ako mahilig sumagot nang sumagot. Hindi ko lang naman talaga mapigilan minsan pero kung maaari ayoko ng away. Kaya kinagat ko na lang dila ko hanggang makalasa ng dugo.

Siguro tama naman si Nay. Siguro may mga di pagkakaunawaan na nangyari at mabilis lang akong nag-overthink. Siguro makakabuti nga talaga sakin ang pagpapaampon. Siguro ngayon wala nang bawian. Siguro totoo na this time.

Sana.

Huminga ako nang malalim. Yakap-yakap pa din ako ni Nay at hindi muna ako bumitaw. Kinundisyon ko na ang sarili ko: pagdating ng lalaki hindi ako papalag. Sasama lang ako. Mula nung nasigawan ko si Nay, napag-isipisip ko na baka naman kasi ayaw na din nila ko dito. Baka gusto na din nila akong madispatsa. Bawas gastos sa institusyon.

Ganito kaya feeling ni Tanya kanina?

Bumitaw si Nay at dahan-dahang binuksan ang pintuan ng guest room. Tinangka kong ayusin ang magulo kong buhok gamit ang mga daliri ko. Wala akong suklay. Hindi naman kasi ako mahilig dun. Mahirap gamitin sa buhok ko. Ang haba na kasi. Abot na hanggang sa may pwetan. Dalawang taon na yata akong hindi nagugupitan.

Pumasok si Nay sa silid at bumuntot ako.

Nakaupo sa silya ang lalaki. Nakadekwatro. Nagbabasa ng mga lumang dyaryo.

"Good evening, Mr. Roberto," ani Nay.

Mabiils na pinatong ng lalaki ang binabasa sa katabing lamesa.

Humigpit ang hawak ko sa strap ng bag ko habang tumayo ang lalaki. Makisig siya. Sa paningin ko. Ang lalaki ng mga balikat niya. At matangkad din siya. Tantsa ko mga almost six. Parang hanggang balikat lang ako sa kaniya.

Lumakad ang lalaki papalapit sakin, diretso ang likod, baba kalinya ng sahig. Ang sopistikado niya kumilos. Parang sundalo. Naaasar ako kahit wala naman dapat ikaasar. O siguro, automatic lang akong naiinis sa mga mukhang elitista.

"Natasha. This is Mr. Rolando Roberto, Jr. He's going to take care of you for the following months till he can legally adopt you." Naku. Mukhang Inglisero. Pati si Nay nagso-spokening dollars, e.

Ngumiti ang lalaki pero ang pilit tingnan. Batak na batak. "Blessed evening, Natasha," sabi niya. Inglesero nga. Alam na alam mo sa punto. Madalas kong marinig ang pangalan kong binibigkas na "Na-ta-sa." Kung ang punto ay napadpad sa dulong pantig, baka parang lapis lang. Na-ta-SA. Pero iba ang pagkakabigkas ng lalaki. Bigkas na bigkas niya ang SH. Na-TAWH-shah. May pahabol pang tunog ng H sa huli. Naartehan ako, pero inaamin kong maganda sa pandinig.

"Magandang gabi po." Ayokong mag-Ingles.

Nang nakalapit na siya sakin napansin ko na sa kabila ng maarte niyang punto't pagkilos hindi siya maarte sa pananamit. Naka-stonewashed jeans at white plain white V-neck shirt lang siya.

Tumingin ako pababa, sa may paanan niya. Naka-Converse din siya. Pero sa kaniya low-cut lang. Saka pula. Medyo nawiwirduhan lang ako kasi ang linis ng Converse niya. Hindi bagay sa Converse ang malinis. Dapat marumi para mukhang astig. Ganon din yung sinabi ng kaklase ko nun sa high-school. Kaya nga yung sakin hindi ko na nilinisan kahit hindi ako unang may-ari e. Yung loob na lang. In-alchohol ko ng konti.

Binalik ko ang aking tingin pataas. Tinitigan ko si Mr. Roberto. Kulay kape ang mga mata niya. Pati ang buhok. Tingin ko may iba siyang lahi. Espanyol. O kaya Amerikano. Basta ang halo niya ay puti. Pansin na pansin sa kutis niya.

O di kaya nagpapaturok ng Gluta 'to? Kunwari lang pala yung simple siya manamit.

"I'm glad to meet you," sabi niya, sabay angat ng kaniyang kanang kamay. Inunat niya papunta sakin.

Napapabuntong-hininga ako't inabot na lamang ang aking kamay. "Ako din po... nagagalak na makilala kayo. Sa wakas."

Kahit hindi.

The Missing FrameWhere stories live. Discover now