Kabanata 3.0

687 29 9
                                    

Smeared Cream

Yakap-yakap ni Natasha ang kaniyang bag habang nakatindig sa tabi ni Rolando sa elevator. Wala na silang ibang kasama. Madaling araw na kasi. Wala nang masiyadong tao sa condo.

Pareho silang nakatitig sa mga pintong stainless ng elevator— nasusulyapan ang kanilang mga sarili. Tinakpan ni Rolando ng kamay ang kaniyang bibig at humikab. Napanood ni Natasha kaya pinatong niya ang kaniyang bibig sa bag niya. Napahikab din siya. Bakit nga ba nakahahawa ang paghikab?

Tumingin si Natasha pataas, sa mga pulang numerong nasa loob ng maliit na rektanggulo, pinapakita kung anong palapag na. Ang bilis magbago ng mga ito.

10, 11, 12, 14, 15...

Diniinan at tinagalan ni Natasha ang kaniyang sunod na pagpikit. Antok na antok na yata siya at hindi na niya napansin ang panlabingtatlong palapag.

21, 22, 23, 24, 25...

Huminto ang elebeytor at bumukas ang mga pinto. Lumabas si Rolando. Sunudsunuran lamang si Natasha.

Pag-apak nila palabas, bumungad sa kanila ang isang malakas na amoy. Tila may nag-spray ng mamahaling perfume. Nahilo si Natasha kaya niyakap niya nang masmahigpit ang kaniyang bag at nagsimulang huminga sa pamamagitan ng bibig.

Ang mga ilaw sa hallway ay dimmed at kulay orange. Ang mga pader ay balot ng beige na wallapaper. Yaong mga pintuan naman ng mga yunit ay gawa sa kahoy na tipong mabigat; kulay ginto ang mga numerong naka-emboss. Dinilaan ni Natasha ang kaniyang mga labi. Walang kasigla-sigla ang mga kulay. Lasang tanso.

2501, yapak, 2502, yapak, 2503, yapak, 2504, yapak...

Ang tahimik. Maririnig mo lang ang mahinang pagkaskas ng mga sapatos nila sa sahig ng pasilyong nilatagan ng alpombra. Hindi sanay si Natasha. Sa bahay ampunan kasi may biglang sisigaw na bata. Halos parating maingay. Dito wala kang maririnig mula sa mga likod ng pintuan. Nagduda tuloy si Natasha kung mayroon ngang mga nakatira roon.

2505, yapak, 2506, yapak, 2507, yapak, 2508, yapak...

Binuksan ni Rolando ang pinto ng yunit 2509. Sinindi ang mga ilaw. Pumasok sila. Sinubukan ni Natasha na humingang muli sa ilong at nalaman niyang halos wala na ang amoy na nakasusuka.

Pinagmasdan ng dalaga ang salas. Maliit ang kwarto ngunit malinis tingnan. Puti kasi ang mga pader at ang kisame. Tapos wala nang mga gamit maliban sa mga patong-patong na kahon sa dakong kaliwa.

Ang kuwento ni Rolando lumipat na talaga siya sa isang akesorya sa Maynila; ngunit may mga gamit dito sa condo niya sa Makati. Bukas niya pa madadala ang mga naiwan. May mga iiwan na din talaga siya. Tulad ng kama kung saan matutulog si Natasha sa susunod na dalawang gabi. Dito sa condo na lang muna kasi mananatili si Natasha habang wala pa silang makakasama sa Maynila. Baka kasi mailang ang dalagita kung silang dalawa lang ni Rolando ang naroon. Wala pa yaong magiging katulong nila; sa susunod na linggo niya pa makakausap. Si Dolores naman ay sa isang araw pa ang dating galing Estados Unidos.

"Sorry," ani Rolando, habang inaayos ang pagkapatong-patong ng mga kahon. "Pretty messy. Can't bear it, too." Hindi maintindihan ni Natasha kung bakit humihingi ng patawad si Rolando habang inaayos ang pagkapatong ng isang kahon sa isa pang kahon. Hindi naman magulo tingnan. At saka sa loob-loob ng dalagita, wala naman siyang pakialam kung maayos na maayos iyon o hindi.

Pumasok si Rolando sa karugtong na kwarto. Hindi sumunod si Natasha. May napansin kasi siyang isang bunton ng mga kwadro sa isang sulok. Titingnan niya dapat ang mga ito nang sumulpot muli si Rolando.

"I turned on the air con in the bedroom. Don't worry, I've noted na mahina ka sa lamig, so it's only on number one. It'll automatically turn off at 3 a.m. In-on ko lang para 'di ka rin mainintan. Wala kasing electric fan dito."

Hindi nagsalita si Natasha. Wala naman din siyang sasabihin. Nakatayo lang siya, yakap-yakap pa rin ang bag, at sinundan ng tingin si Rolando habang lumabas ito ng pinto.

"I'll be back 'round six in the morning," ani ng lalaki. "If you ever get hungry, I've left some milk and cookies in the mini fridge in the bedroom."

Biglang nakaramdam ng gutom si Natasha sa pagkabanggit ng gatas at kukis.

"Blessed night." Sumandal sa balangkas ng pintuan si Rolando at tinitigan si Natasha, tila naghihintay ng sagot.

Ilang sandali ang lumipas umangat ang kilay ni Rolando. "You're not gon' answer?"

"Po?" Walang ipinahahayag na emosyon ang boses ni Natasha, miski ang kaniyang pananalita o anyo. "May tanong po ba?"

Ngumisngis ang lalaki at napailing pa habang sinasara ang pinto.

Mabilis kumilos si Rolando, pero nasagip pa ni Natasha ang pagtunog ng phone ng lalaki at ang kaniyang, "Hello?"

Nagmadaling naghilamos si Natasha. Hindi na siya nagbanyo. Doon na lamang siya sa lababo ng kusina naghugas ng mukha. Gusto na kasi niyang makita kung ano ang hawak ng mga kuwadro na nakita niya. Mukhang mga guhit.

Nagbihis siya ng pantulog sa kwarto. Sinilip niya ang nabanggit ni Rolando na ref. Natuwa nang may matagpuang tatlong kaha ng tig-250 ml Fresh Milk saka isang malaking pakete ng Oreo. Bitbit ang kumot at pagkain pumunta siyang muli sa salas. Habang ngumangatngat isa-isa niyang tiningnan ang mga kuwadro. Tama ang hinala niya, hindi litrato ang bumulaga sa kaniya kundi mga guhit.

Iba-iba ang mga sukat at kulay ng mga frames. Iba-iba rin ang mga guhit na hawak ng mga ito— may watercolor, oil, glass, charcoal, ink— abstract o realistic— at lahat gandang-ganda si Natasha. Lalo siyang namangha nang matuklasan na iisang tao lamang ang gumuhit ng mga ito. Lahat kasi ay may lagda na Maria R.

Nagulat siya sa huling kwadro na kaniyang napulot. Hindi kasi guhit ang laman kundi isang litrato— litrato ng dalagang nakabungisngis. Ang ganda niya— ang tangos ng ilong, pantay ang mga ngipin at buto ng kilay. Kahit walang kulay ang litrato halatang hindi itim ang buhok at mga mata nito. Ito siguro si Maria, isip ni Natasha sa sarili.

Hindi ba ang sabi ni Rolando ang kasama lang nila sa bagong tirahan ay isang katulong at si Dolores? Bakit kaya walang nabanggit sa kaniya na iba pang babae si Rolando? Sino kaya si Maria R?

Kung tama ang naisip niya, ang R ay tumatayo para sa "Roberto." Hula ni Natasha si Maria ay dating asawa ni Rolando. Diba tatlongpu't siyam na ang lalaki? Hindi naman mababa ang posibilidad na nagkaasawa na siya. Siguro, isip ni Natasha, hiwalay. Pero bakit hindi lamang niya itinatago ang mga gawa ng babae kundi tila dinidispley pa niya ang mga ito sa bahay? Siguro yaong babae ang nakipaghiwalay kahit si Rolando mahal pa siya. O baka naman balo, sabi ni Natasha sa sarili.

Sa kahuhula ni Natasha bigla niyang naramdaman ang antok kaya humiga siya sa sahig. Gawa ito sa kahoy ngunit hindi naman gaanong matigas. Kumportableng higaan.

Nalulunod si Natasha sa katahimikan. Naninibago siya. Nami-miss niya si Tanya at ang mga paangal ng pananalita nito. Ano kayang ginagawa ng bata? Nakatulog na kaya siya kahit mag-isa sa isang kwarto kung saan ang bumbilya ay umandap-andap at ang pagpatak ng ulan sa bubong ay parang pagputok ng baril? Kung may alam lang si Natasha sa mga lugar at kung may pera lang siya, siguro tumakas na siya ngayon at bumalik sa bahay ampunan.

Lumalamig na. Binalutan ni Natasha ang sarili ng kumot. Parang mag-isa na lang siya sa mundo. Pumikit na lamang siya at simulang lumuha.

The Missing FrameDonde viven las historias. Descúbrelo ahora