Chapter 9: Course

1.3K 128 31
                                    


Wala akong extra-curricular activities. Batang lagalag na lang talaga ako kumpara kay Rico na mine-maintain ang standing niya bilang salutatorian dahil may mas matalino pa rin sa kanya sa bagong school niya ngayon.

Masaya na ako sa buhay ko nang hindi nakikipagkumpitensiya maliban sa bugbugan. Kapag sa school, wala akong pakialam kung sino ang mag-top. Basta kapag basagan ng mukha, mabasag nang lahat, huwag lang mukha ko.

Kapag hindi kompleto ang barkada ko sa public, deretso ako kina Rico. Papasok ako sa mansiyon nilang pagkalaki-laki, roronda ako mula sa entrance hanggang sa kabilang panig ng malaking bahay nila para lang makita ang mga babae sa bahay nilang nagpapahabaan ng sungay.

Mula sa gate, lalakad paikot para makaabot sa front door nilang parang Testing Gate sa Kukuroo Mountain. Mataas kasi saka ramdam mong maliit ka lang kahit gaano ka katangkad. Pero magaan lang 'yon kapag binuksan kasi light materials lang din ang gamit.

Pagpasok sa front door, may mahabang hallway na sunod-sunod ang chandelier sa itaas. May mga painting sa dingding at naka-wallpaper na may floral ornaments. Unang liko sa kaliwa, panibagong hallway na ang tumbok, exit papuntang pool area na kanugnog ng garden nilang madalas gawing activity area kapag may event.

Paglabas ko roon, naabutan ko agad si Sabrina na nakayukyok ang ulo sa rounded marble table at nakakalat ang mga libro sa harapan. Halatang buryong na sa ginagawa, nag-aaksaya na lang ng tinta ng sign pen niya.

Kaharap niya si Tita Tess na nagbabasa ng magazine, nakasuot ng puting blouse na mukhang T-shirt na luma pero may design na bulaklakin, saka shorts.

"Sab!" malakas na tawag ko.

Bumangon mula sa pagkakayuko sa mesa si Sab at nakangiti akong nilingon. "Kuya Clark!"

Nag-jogging na ako palapit sa kanya at binuhat ko siya para ikandong sa akin paglapit ko. "May assignment ka?"

"Meron po."

"Bakit hindi mo pa ginagawa?"

"Hmp!" Sumimangot lang siya kaya alam ko nang ayaw mag-aral nito.

"Tita, wala pa si Ron?" tanong ko kay Tita Tess na sinagot lang ako ng pagtaas ng kilay at pag-inom ng tsaa bago nabuntonghininga.

Dito sa bahay ng mga Dardenne, kapag tinawag si Rico na Rico, ang iniisip nila, si Tito Ric. Kaya dito lang namin natatawag na Ron o Ronie si Rico kahit pa ayaw namin siyang tawaging ganoon.

"Kailan ang graduation n'yo, Clark?" tanong ni Tita.

"March 25, Tita."

"Oh, earlier."

"April 10 pa raw sa HCU," sabi ko tungkol sa school nina Rico.

"Nakapag-entrance exam ka na ba for college?"

"Sabi ko po kay Dadi, magte-take muna ako ng NC II for caregiving bago mag-ND."

"That's good to hear."

Hindi ko masasabing nagbago ang treatment ni Tita Tess sa akin pagkatapos ng nangyari sa akin sa Zamboanga. Ganoon pa rin naman siya until now. Ang difference lang siguro, kung paano ko siya tingnan kumpara noon.

Hindi ko masabing nakakatakot siya. May sungit pa rin naman pero mas masungit pa rin ang registrar personnel namin sa school kung magkukumpara ako.

"Ito assignment mo?" tanong ko kay Sab, itinuro ko ang mga librong nasa harapan niya.

"Yes!"

"Bakit hindi mo pa ginagawa?"

Naglungkot-lungkutan lang siya para magpaawa sa akin. Ginaya ko naman ang reaksiyon niya saka ako tumawa. "Sige, sige, gawin natin assignment mo."

ABS Sides: Alabang Boys' AdventuresTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon