Chapter 95: Chick

1.1K 109 44
                                    

Ibinigay ni Jaesie ang number niya. Hindi ko naman hiningi kasi nagbigay na nga ako ng calling card. Ang gusto ko kasi, siya ang tumawag. Siya lang itong nangulit na kunin ko raw ang number niya kasi baka raw i-ghost ko.

Paladesisyon din 'tong babaeng 'to kahit kailan. Nangialam pa ng cellphone para mag-selfie. Ang katwiran niya, "Sa dami ng kliyente mo, baka makalimutan mo mukha ko."

Sabi ng babaeng hindi matandaang Clark ang pangalan ko.

Sabi ko, magkita kami sa Alabang Town Center, 8 a.m. Para sa akin, tanghali na 'yon para sa schedule na ibinibigay ko para sa babaeng ka-meeting. Kumbaga, bigay ko na yung 6 a.m. paggising tapos two hours sa pag-aayos at biyahe. Ako na nga ang sasagot ng almusal para hindi na rin matagal kasi sa Laguna raw siya manggagaling.

"Hi, Clark!"

Nagsalubong agad ang kilay ko nang sagutin ko ang call mula sa bluetooth earpiece.

"Jae?" Lumapit pa ako sa phone ko kung tama ba 'tong kausap ko. Si Jaesie nga, pota.

"Good morning!" Ang energetic ni gaga.

"Good morning," kaswal na bati ko. Katatapos ko lang kasing maligo at nagbibihis na lang. Alas-siyete pa lang naman. "Aga mong magising."

"Hehe, nae-excite kasi ako."

"Hindi ko feel." Sarkastiko akong natawa habang nag-aayos ng pantalon. "Paalis ka na?"

"Nandito na 'ko!"

Nahinto ako sa pagbubutones ng pantalon at napatingin sa bintana. "Na—as in, nandiyan ka na?"

"Yeah!"

"Huy, gaga, sino kikitain mo diyan?"

"Ikaw!"

"Ang sabi ko, 8 a.m.! Saang bansa ka ba nakatira? Anong timezone gamit mo?"

"Hahahaha! Inagahan ko na kasi ayokong ma-late."

Itong gagang 'to, hindi talaga 'to matino kausap. Magsama nga sila ni Rico, mga atat sa buhay.

"Nagbibihis pa lang ako! Taragis 'to, alas-otso, pupunta, alas-siyete. Maghintay ka diyan, bahala ka sa buhay mo." Napadali tuloy ako ng bihis ng polo. Hindi ko na na-tuck in. Pagsuot ko at pagsara ng iilang butones, nagsuot na ako ng relo at kumuha na lang ng messenger bag saka pumunta sa parking lot sa ibaba ng bahay.

"Wait na lang kita rito sa entrance, ha? Sarado pa kasi, e."

"Sino ba kasi'ng nagsabing pumunta ka diyan nang ganyan kaaga, ha? Sabunutan kaya kita?"

"Hahaha! Sorry na kasi. Akala ko rin kasi, traffic. Saturday nga pala."

"Tatagalan ko pagbihis para mamuti mata mo kahihintay diyan. Sabi na kasing alas-otso, tapos alas-siyete nandiyan na? Mahina ka ba sa numbers?"

"Hoy, sobra ka naman! Hihintayin na nga lang kita, di ba?"

"May magagawa ka pa bang iba?"

Hindi niya ibinaba ang call. Nag-start ako ng kotse at alam niyang paalis na nga ako.

"Ano'ng gusto mong breakfast?" tanong ko agad habang nagmamaneho.

"Kumain na 'ko."

Kapag kausap ko talaga 'to, natatahimik ako bigla-bigla, e.

"Di ba, ang sabi ko, magbe-breakfast tayo?" paalala ko.

"E, nakalimutan ko kasi. Naalala ko lang no'ng ubos ko na."

"Hindi. Alam ko na 'yang mga teknikan mo na 'yan, Jaesie," pang-asar ko. "Kumain ka na para hindi ka na o-order. Kasi, for sure, ikaw ang magbabayad na naman."

ABS Sides: Alabang Boys' AdventuresTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon