Chapter 74

29.1K 787 41
                                    

Mira Jane Garcia

MABIGAT ang pakiramdam ko pagka-gising ko at tila madudurog ang mga buto ko sa sakit sa tuwing tatangkain kong kumilos. Hindi ko tuloy alam kung saan nanggagaling ang sakit na nararamdaman ko dahil pati ang ulo ko ay parang puputok sa tindi ng sakit nito. Nanatili lang ako sa kinahihigaan ko habang nakapikit ang mga mata ko, mas lalong sumasakit kasi ang ulo ko pag nakakakita ako ng liwanag.

"Magiging maayos po ba ang lagay ng anak ko, Doc?"

'Doc?'

Boses iyon ni Mama.

Kung ganon nandito ako sa hospital? Pero anong ginagawa ko rito?

Ang huling natatandaan ko lang ay kasama ko si Jean Kaye, pero nasaan siya?

"Sa ngayon stable na ang lagay niya pero under observation pa rin siya hanggat hindi pa lumalabas ang resulta ng blood test niya."

Ano bang nangyayari sa akin?

Mamamatay na ba ako?

"Doc, paki-usap gawin niyo po sana ang lahat para bumuti na agad ang kalagayan ng anak ko."

"Huwag kayong mag alala Misis gagawin namin lahat para sa agarang paggaling ng inyong anak. Pasalamat na lang tayo na naitakbo agad siya rito sa hospital bago pa mahuli ang lahat. Maaring ilang araw ng may dengue ang inyong anak pero mukhang binabalewala lang niya ito. Iyon kasi ang mahirap sa sakit na dengue saka lang magmamanifest sa katawan ang mga sintomas pag malala na. Sa ngayon, Misis magdasal lang tayo na hindi kasing lala ng iniisip ko ang lagay niya."

May dengue ako?

Kailan pa?

Akala ko simpleng lagnat lang ang nararamdaman ko.

"Sige misis maiwan ko muna kayo."

"Salamat po, Doc."

Naramdaman ko ang haplos ng kamay ni Mama sa braso ko kaya pinilit kong imulat ang mata ko.

"Ma?"

"Mira anak, buti nagising ka na. Diyos ko, ilang araw na akong nag aalala sa iyo."

"Umuwi na po tayo. Nasusuka po ako sa amoy dito sa hospital."

"Naku, anak hindi pa tayo pwedeng umuwi."

"Sarili mo lang yong naaamoy mo." Lalong napamulat ang mata ko at nakita ko si Kuya Seg. "Kung hindi kasi matigas yang ulo mo. Kung saan saan ka nagpupunta. Kung sino sino ang mga kasama mo. Hindi ka sana magkakadengue kung nanatili ka na lang sa bahay."

Nasermonan na naman ako. Ang sama na nga ng pakiramdam ko.

"Gusto ko pang matulog."sagot ko para tigilan ako ni Kuya sa panenermon niya. Isa pa, mabigat talaga ang talukap ng mata ko at ano mang oras ay pipikit na naman ito.

Hindi naman naging mahirap sa akin na umidlip.

Kung kanina liwanag na nagmumula sa mga ilaw ang nakikita ko ngayon naman ay liwanag na nanggagaling sa labas ng bintana ang nasilayan ko paggising ko.

Umaga na pala...

"Hindi pa ba gagaling si Mira Jane? Ano bang klaseng hospital 'to! Mga wala silang kwenta! Kahit magkano pa ang ibayad ko sa kanila pagalingin lang nila si Mira Jane! Hindi ba sila nakakaintindi?!"

Bigla tuloy akong napamulat ng mata at napakunot ng noo nong marinig ko ang boses na iyon.

"Huminahon ka nga Jean. Ginagawa naman nila ang lahat para maging maayos ang lagay ni Mira."

Sabi ko na nga ba. Yong impaktong yon ay nandito. At yong isa kung hindi ako nagkakamali boses iyon ni Jill.

"Paano ako hihinahon sabihin mo nga?! Gumawa ka naman ng paraan Jill!"

Miss Playboy 1 | Jean Kaye Emerson (GXG) ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon