XVIII: A Pack of Chocolate

96.6K 3.8K 672
                                    

Chapter XVIII
A Pack of Chocolate


Canary




Ang buhay ay parang online game: maagang namamatay ang mga mahihina. Pero hindi gaya ng laro sa computer, walang respawn sa realidad. Kapag namatay ka, game over. Hindi ka na mabubuhay uli. At 'yan ang eksaktong nangyari sa mahinang gaya ni Rafael.



“'Wag mo nang gagamitin 'to. Ipapahamak mo lang ang sarili mo.” Inalis ng presidente ang papel na nakadikit sa noo ni Auriel na tulala naman sa katawang nakabitin sa puno. “Some places are restricted for a reason. Don't go looking for death.”




Hindi ko gusto si Auriel na lapitin ng gulo at problema lang ang dala. Hindi siya karapat-dapat paglaanan ng panahon ng presidente.




“Ms. Salazar, dalhin mo ang dorm reports sa opisina ngayon,” pukaw sa 'kin ng captain bago ibinalik ang mga mata sa babaeng kanina niya pa tinitingnan. “And you... go back to the dorm.” Saka niya kami walang anumang iniwan.



Sinundan ko ng tingin ang paglayo ng captain. Si Auriel naman ay 'di natinag sa pagkakatitig sa nakasabit na bangkay. Umalis akong hindi na siya kinausap pa at tinungo na ang dorm kung nasaan ang mga report. Ilang minuto lang, naglalakad na 'ko papunta sa opisina ng student council.



Ilang beses kong sinipat ang sarili bago binuksan ang pinto. Natuwa ako nang makitang mag-isa lang sa opisina ang captain. Walang Auriel sa paligid. Matagal na rin nang huli ko siya nakitang nag-iisa.



“Captain, ang mga report,” nakangiti kong bungad na sigurado kong hindi nito napansin dahil hindi niya naman ako tinapunan ng tingin.




“Iwan mo d'yan.” Matipid gaya ng kadalasan niyang tugon.



Kung walang iuutos o hihingin na may kinalaman sa faction namin ay hindi niya 'ko kinakausap. Hindi ko rin naman siya kayang kausapin ng ako ang mauuna.




Pasimple ko siyang ninakawan ng tingin bago pinihit pabukas ang seradura.




“Ms. Salazar, check if Ms. Fortalejo is in the dorm. Kung wala, hanapin mo at dalhin siya ro'n,” pahabol niya bago ko isara ang pinto.




Si Auriel pa rin kahit wala naman 'to!




Sinimulan kong libutin ang campus pero hindi para hanapin ang babaeng ipinapahanap ng captain kundi para makakita ng pagbubuhusan ng iritasyon. Papatayin ko ang unang makakasalubong gaya nang nakasanayan ko na para mapakalma ang sarili.




Hindi nagtagal nakarinig ako nang mahinang boses sa nilalakaran kong pasilyo na agad kong nilapitan.



“Totoo nga ang sinabi sa 'kin ni Stephan, may sa pusa ka.”



Tinig 'yon ni Yasmin Balmaceda. Kahit hindi ko sinilip, sigurado akong siya ang nagsasalita. Hindi 'to ang tamang tao para paglabasan ng sama ng loob. Ayokong maging captain ng Bloodlust.




“Lapitin ka ng suwerte, at the same time, ng malas.”



“Alam ko.”




Napigil ng pangalawang boses ang gagawin ko sanang pag-alis.



Umalingawngaw ang isang malakas na lagapak. “Ayoko sa lahat 'yong sinasagot ako at tinititigan na para bang kaya akong takutin.” Ang ingay ay pihadong galing sa palad ni Yasmin na tumama sa mukha ni Auriel. “Natututo ka nang sumagot at hindi ka na rin parang tangang tumatakbo sa takot. Lumaki na ba ang ulo mo dahil pinoprotektahan ka ng presidente?!”



“'Wag kang assumera, Yasmin. Gaya n'yo, pinaglalaruan niya lang din ako bago patayin,” may diing kontra ni Auriel. “Pero 'wag kang mag-alala, wala akong pagsasabihan ng tungkol sa inyo ni Stephan. Ikamatay ko man!”




Nagsalubong ang kilay ko sa narinig. Si Yasmin at si Stephan?




“I don't need you to assure me, dahil sisiguradihin ko naman talaga na hindi ka makakapagsalita!” Nasundan 'yon ng tuloy-tuloy na ingay nang lumalagapak na mga sampal.




Ito pala ang nakabangga ni Auriel. Mismong captain pa ng Bloodlust. Hahayaan kong patayin siya nito. Makakabuti 'yon para sa Hell's Scythe. Hindi namin kailangan ng mahinang miyembro.




Nagsimula akong humakbang palayo pero ipinagtaka ko ang kusang pagbalik ng mga paa ko sa kinatatayuan kanina. Nagtataka man sa sarili, ginawa ko pa rin ang nasa isip. Sinadya kong pumadyak ng malakas.




“Sino 'yan?!” pasigaw na asik ni Yasmin.




Hindi ako sumagot. Umpisa palang naman talaga ay wala akong balak magsalita.




“Pasalamat ka at hindi mo pa oras.” Nasilip kong itinulak nito sa pader si Auriel bago naglakad.




May umaagos na dugo mula sa labi at halata ang namamagang mukha ng huli. “Sino'ng nand'yan?” Nang marinig siya, saka ko lang naisip tumakbo paalis.




Magdamag akong ginulo ng tanong sa isip ko na umabot sa klase ko kinabukasan. Ang alam ko ay pumatay, hindi ang magligtas. At ang ginawa ko kahapon ay salungat sa paniniwala ko. Idagdag pa na ang kinaiinisan kong si Auriel ang tinulungan ko.




Bitbit ang binder ko, tinahak ko ang pasilyo papunta sa office ng student council. Ipinagwalang bahala ko ang biglang pagsulpot at paglampas ni Auriel sa paglalakad ko. Dahil maliwanag, halatang halata ang pamamaga ng mukha nito. Nauna 'tong pumasok sa loob ng opisina.




Pagbukas ko ng pinto, naabutan ko si Yasmin na tila pigil ang paghinga.




“Sino'ng may gawa n'yan?!”




Lahat kaming tatlo, napatda sa ginawang pagsigaw ng presidente. Nakaramdam agad ako ng takot dahil sa aura nitong handang pumatay.




“Sumagot ka, Ms. Fortalejo!”



Nangangatog na tumayo si Yasmin at akmang lalabas na para tumakas. Akala niya yata, matatakasan niya nga ang malupit na presidente ng K-High.




“Kinagat ng ipis.”





Pareho kaming napanganga ni Yasmin dahil sa rason na ibinigay ni Auriel para pagtakpan ang mala-siopao sa laki niyang mga pisngi. Tanga lang ang maniniwala sa kalokohang sagot niya. At hindi tanga ang captain ng Hell's Scythe.




Napapikit ang presidente bago napasandal sa upuan. Ang aura nitong kanina lang ay lalamon ng buhay na tao ay bigla na lang naglaho. “Nagrerebelde ka na naman ba, Ms. Fortalejo?” Idinilat na nito ang mga mata at itinuon 'yon sa katabi.



“Gano'n na nga.” Sinalubong ni Auriel ang titig ng kausap habang may inilalabas sa bag. Inilapag niya sa mesa ang isang pakete ng kung anong tsokolate.




Saglit na nangunot ang noo ng presidente bago ngumisi. Ngisi nga ba 'yon o isang normal na ngiti? “Sinusuhulan mo ba 'ko?”




Tumango lang ang babae.




“You better bring more next time,” dugtong pa ng presidente bago muling nagsalita nang may diin. “Palalampasin ko 'to ngayon pero kapag naulit pa, face the consequences of your stupidity!” Parang mas sinasabi niya 'yon kay Yasmin kaysa kay Auriel.





Saka lang nagawang makalabas ng opisina ang sekretarya.




K-High (Korosu High) Under RevisionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon