XXII: The President

94.7K 3.5K 275
                                    

Chapter XXII
The President

Auriel


Habang lumilipas ang mga araw simula nang mapatay si Dianne, madalas kong maramdaman na parang may mga matang laging nakasunod sa 'kin. At sa tuwing lilingon ako o hahanapin ng tingin ang pinagmumulan n'yon, wala akong makitang ibang tao. Sanay na 'ko sa mga camera na nasa paligid kaya sigurado akong hindi galing sa mga 'yon ang pagkabagabag ko.


Papunta ako sa Forest Park nang biglang gapangan ng kilabot. Napabilis tuloy ang paglalakad ko. Para akong nakikipag-unahan kahit wala naman akong ibang kasabay. Hanggang sa napaigtad na lang ako nang may humila sa balikat ko.


“Bakit ganyan ang itsura mo?” puna ni Canary dahil siguro sa ekspresyon sa mukha ko nang maiharap niya 'ko sa kanya.


Nakabawi naman agad ako nang mapagsino siya. “I-ikaw lang pala.” Aminado akong masyado akong naging nerbiyosa nitong mga nakaraan. Apektado ako ng tungkol sa Tagahatol. “Ano'ng ginagawa mo rito?” dugtong ko.


“Binabantayan ka. Utos ng captain.”

“Paano si Unnie?” Siguradong pupuntiryahin din kasi 'to ng Tagahatol.


Nangunot ang noo ni Canary. “Hindi na binabantayan ang mga tulad ni Eunice. Baka nga ang Tagahatol pa ang mangailangan ng bantay dahil sa kanya.” Natahimik siya sandali bago uli nagbuka ng bibig. “Pero ikaw, na takaw disgrasya, kailangang-kailangan mo.” May halo nang inis ang boses niya.


“May nagawa ba 'ko sa 'yo na ikinainis mo?” direkta kong usisa. Matagal ko na kasing napapansin ang pagkairita niya sa 'kin. Hindi ko lang alam ang dahilan.


“Ipagpalagay mo na lang na ganito, hindi mo 'ko kakampi at mas lalong hindi mo 'ko kaibigan! Pabigat ka lang, wala kang naitutulong sa faction.”


“Alam ko. Kung hindi nga tayo magka-faction baka matagal mo na 'kong pinatay.”


Saglit siyang natulala sa 'kin. Hindi niya yata inaasahan na sa 'kin mismo manggagaling ang katotohanan. Nahimasmasan lang siya nang may boses na tumawag sa kanya mula sa likuran. Isang lalaki ang tumatakbo papunta sa direksyon namin. Pamilyar ang mukha nito.


“Kiel!” nakangiting ganti ni Canary sa parating.


Nang makalapit sa 'min, saka ko lang tuluyang naalala kung saan ko 'unang nakita ang lalaki: ito ang parehong estudyanteng tumulong sa 'kin magbuhat ng mga notebook papunta sa faculty kailan lang.


Nagsimulang magkuwentuhan ang dalawa na matagal na yatang magkakilala. Pareho nilang hilig ang paglalaro base sa takbo ng usapan nila. Halata ring palagay ang loob ni Canary sa kausap.


“Pumasok ka na at 'wag ka nang lalabas. Galing sa captain ang utos na 'yan,” banat agad ni Canary nang maihatid ako sa hardin ng dorm.


Tahimik akong tumalima. Nasilip ko pang nginitian ako ng kasama niya bago ko naisara ang main door ng dormitoryo. Tinanaw ko sila mula sa bintana hanggang sa makalayo at tuluyan nang nawala. Saglit na nagtalo ang takot at kuryosidad ko kung susuway ba sa utos ng presidente o hindi pero kusa ring humakbang ang mga paa ko palabas. Hindi naman kasi talaga dapat sa dorm ang punta ko.


Ilang minuto lang nasa kasukalan na 'ko ng Forest Park, sa harap ng lumang gusali kung nasaan ang purgatoryo. Saglit ko lang tinapunan ng atensyon ang lugar bago ako pumihit pakanan at dumiretso sa greenhouse na nakita ko noon. May kakakihan pala ang istrakturang gawa sa salamin at bakal na hindi ko agad nahalata dahil sa layo nito mula sa lumang gusali.


Sinubukan kong silipin ang loob pero wala akong maaninag dahil sa kapal ng dumi sa mga salamin. Inikot ko ang kabuuan ng greenhouse sa labas hanggang sa marating ko ang pintong kinakalawang na suwerteng hindi naka-lock. Lumangitngit 'yon kahit dahan-dahan ko namang itinulak.

Pagpasok, ang unang sumalubong sa 'kin ay mga halamang mayayabong na ang mga dahon dahil napabayaan na. Halos ilang minuto rin akong sumingit sa pagitan ng mga 'yon. Iisipin ko na sanang abandonado ang lugar kung hindi lang sa hardin na bumungad sa 'kin paglabas ko sa mga halaman. Iba't ibang bulaklak ang naro'n. Lahat sila halatang inaalagaan. Natawag agad ang pansin ko ng mga puting rosas. Dinampot ko ang isa nang 'di nag-iisip at natusok ng tinik. Bago ko pa madukot ang panyo sa bulsa ko, may biglang humila sa kamay ko at sumipsip ng dugo sa daliri ko. Nanlaki na lang ang mga mata 'ko sa nangyari.


“I thought I ordered you to stay in the dorm, Auriel?” komento ng presidente bago bitiwan ang kamay ko. “Pagrerebelde na naman ba ang pagsuway mo sa utos ko?”


Napatda ako sa kinatatayuan. Hindi pa rin ako sanay na tinatawag niya 'ko sa pangalan. Idagdag pa ang ginawa niya ngayon-ngayon lang.


Hindi ako siya matingnan ng diretso dahil sa matinding hiya. Ramdam ko ang init sa mga pisngi ko pati na ang labi niya sa daliri ko kahit pa wala naman na 'yon don.


“A-ano'ng ginagawa mo rito?” pag-iiba ko sa usapan bago napansin ang kabuuan niya. Nakasuot siya ng plastic apron na may bahid ng lupa . “Ikaw ang nag-aalaga sa mga bulaklak?” usisa ko.


Nahuli ko ang pag-iwas niya ng tingin. Tama ba ang nasa isip ko na nahihiya siya?


Tumikhim siya bago nagsalita. “Libangan ko.”


Kaya pala laging may bulaklak ang vase sa opisina ng student council na 'di ko masyadong pinagtuunan ng pansin noon.


“Hindi ko alam na may greenhouse pala ang eskuwelahan.”


“This place is supposed to be a secret. So, keep it that way.”


Tinanguan ko siya.



“Gusto mo bang mag-ikot?”



Hindi ko inaasahan ang alok niyang 'yon. Ang akala ko kasi ay palalayasin niya na 'ko. Tumango na lang uli ako bilang sagot.


Sumunod ako nang magsimula siyang lumakad. Binabanggit niya ang pangalan kada bulaklak na madaanan namin. Naaliw akong pagmasdan siya habang nagpapaliwanag at nagbibigay kaalaman tungkol sa bawat isa. Halatang gusto niya ang ginagawa sa greenhouse.


“Libangan mo nga talaga ang pagtatanim. Ang dami mong alam tungkol sa mga halaman,” puri ko sa kanya na ikinatigil niya sa pagsasalita.


K-High (Korosu High) Under RevisionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon