LII: Broken

72.7K 2.6K 260
                                    

Chapter LII
Broken



Canary




Halos kaladkarin ko ang walang imik pa ring si Auriel maihatid lang siya sa kuwarto niya. Pagkabukas ng pinto, hinila ko agad siya papasok. Nanatili ako sa loob kasama niya. Ayokong iwan siya.






Ilang beses din siyang gigil na nagpalakad-lakad bago bigla na lang nagwala. Hinawi niya ang mga gamit na nakapatong sa side table. Pati ang bookshelves, itinumba niya. Nakahanda na ang kamay ko para pigilan sana siya pero hindi ko na lang din itinuloy ang balak.




Wala akong lakas ng loob na pigilin ang isang Auriel na sobra ang nararamdamang galit. Wala rin ako sa posisyon para pakalmahin siya. Lahat ng tao may kanya-kanyang tindi ng emosyon na hindi lang basta mapipigil ng mga salita.





Napatigil lang siya nang mapansin ang isang puting envelope na kasamang tumilapon ng mga gamit na laman ng bag niya. Kung hindi ako nagkakamali, 'yon ang nakita kong hawak ng presidente kamakailan.





Nakaluhod niyang hinablot 'yon, dali-daling binuksan at binasa. Saglit siyang natulala sa kinalalagyan bago nilamukos ang papel at hinayaang kusang malaglag mula sa kamay niya. Saka siya bigla na lang tumayo at lumabas ng kuwarto. Tahimik pero mas nakakatakot ang ekspresyon niya ngayon.






Nagdalawang isip man, sa huli ay dinampot ko rin ang nilamukos niyang papel at saka siya sinundan. Naabutan ko si Auriel na papalabas pa lang ng dorm eksaktong i-announce sa speaker ang tungkol sa bagong rank 14: si Janina Locsin ng Bloodlust. Nangunot ang noo ko sa narinig.






“Auriel, sa'n ka pupunta?” habol ko na sa kanya na hindi niya pinansin.





Ipinagpatuloy niya ang paglalakad hanggang sa bigla na lang siyang huminto sa tapat ng isang punong nasa hardin ng dorm. Walang sabi-sabi niyang iniuntog ang sariling ulo sa matigas na katawan n'yon. Ilang ulit niya 'yong ginawa. Sumunod ay ang mga kamao niya  naman ang salitan niyang isinuntok sa walang muwang na punongkahoy.





Tulala kong binuklat ang papel na pinulot kanina.



To my Auriel,


Anak, alam kong ikinagulat mo ang biglaan naming pagpapadala sa 'yo sa eskuwelahang pinapasukan mo ngayon. I'm sorry, sweetheart. Your Dad and I made a mistake. Hinayaan naming malinlang kami at maloko. Nakumbinsi kaming sumali ng iyong Tiya Hilda sa isang organisasyong tinatawag nilang Underground Government. We were too naive, Auriel.

There isn't a way for us to leave the organization. But believe us, anak, wala kaming kahit anong ilegal na ginawa. Pinagsisihan namin ng malaki ang kamalian namin lalo na nang malaman naming kinakailangan na ang lahat ng pamilyang kasapi ay ipadala ang mga anak nila sa eskuwelahang ang pinunong pamilya mismo ng Underground Government ang nagpapatakbo.

We had no choice. All of us will die helplessly if we don't oblige to their rules. Kahit sana ikaw na lang ang makaligtas, anak.



Base sa huling linya, hindi alam ng mga magulang ni Auriel kung anong klaseng eskuwelahan ang K-High. Inisip nilang mas ligtas siya rito. Wala silang ideya.




Huli na rin nang malaman namin ang totoong motibo ng iyong tiya. Huli na ng malaman namin na ang yaman ng pamilya natin ang habol niya at ng asawa niya.

Sa oras na mabasa mo 'to anak, siguro ay wala na kami ng iyong ama. I know how strong-willed you are my precious daughter, but please forgive us for leaving you all alone.

Lingid sa kaalaman ng iyong tiya, nakapagtabi kami ng kaunting halaga at ipinagkatiwala 'yon kay Atty. Ramiro na aming kaibigan. Graduate from that school and with that money, go as far away as you can from your aunt and from the underground government.  Live somewhere safe, sweerheart.

Always remember that we treasure you. I love you and I miss you so much my precious Auriel.




Nalukot ko na lang din ang papel bago ibinalik ang paningin kay Auriel na nagdurugo na ang mga kamay pero wala pa ring tigil sa pagsuntok sa puno na para bang isa lang 'yong punching bag. Ang sulat ang tuluyang nagpaguho sa katatagan niya.




Pinanood ko lang siya.





Kinaumagahan sa student council office ako dumiretso para asikasuhin ang mga gawain ko bilang sekretarya kahit pa puyat ako. Papasilip na kasi ang araw nang pumasok sa dorm si Auriel. Matapos mapagod sa kakasuntok sa walang labang puno, nanatili pa siya sa tapat n'yon at tinitigan lang 'yon hanggang sa magliwanag. Alam kong hindi mapangalanan ang mga nararamdaman niya ng mga oras na 'yon pero wala akong nahuli ni isang patak ng luha galing sa mga mata niya.




Papasok na 'ko sa opisina nang di sinasadyang mapaatras. Nasa loob na kasi ang presidente na abala agad sa mga gawain niya. Araw-araw naman siyang nauuna kaysa sa 'kin pero iba kasi ang sitwasyon ngayon. Hindi ko alam kung dapat sabihin sa kanya ang nangyari kay Auriel at ang tungkol sa sulat na siguradong hindi niya binasa noon. Hindi gawain ng presidente ang basta na lang makialam nang hindi niya pag mamay-ari kahit pa kay Auriel 'yon.



Umakto akong parang walang nangyari at tahimik na naupo sa dating puwesto ni Yasmin na ngayon ay may plake na ng pangalan ko. Sa pagdaan ng oras, isa-isang nagdatingan ang iba pang miyembro ng student council. Nauna si Xander na ilang minuto lang ay sinundan ni Stephan. Saglit kong ibinaling ang mga mata sa presidente na tuloy lang sa ginagawa bago ibinalik 'yon kay Stephan na tahimik na naupo.




Kung noon nakakalokong ngiti ang mapapansin sa mukha ng huli, ngayon ay seryosong ekspresyon ang laging bubungad sa sinumang makakakita sa kanya. Nabura yata ng nangyari kay Yasmin ang ngiti sa mga labi niya.




Wala mang nagpapansinan at lahat ay abala sa kanya-kanya nilang gawain, lutang naman ang tensyon sa loob ng kuwarto na lalo pang nadagdagan nang pumasok si Auriel. Uupo na sana 'to ngunit bigla siyang hinatak ng presidente palabas. Agad ko silang sinundan. Naiwang walang pakialam ang dalawang natira sa loob ng opisina.


K-High (Korosu High) Under RevisionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon