X

6.1K 443 42
                                    

Juliet

"Ah, hindi pala muna dapat 'yon. Kailangan mo pala muna akong makilala upang mapag-isipan mo nang mabuti." saad ni Niño at nakahinga naman na ako nang maluwag nang malamang hindi na niya itutuloy ang sasabihin niyang naging dahilan ng near-death experience ko kanina.

Teka, ano bang sasabihin niya at kailangan pang kilala ko siya bago niya sabihin?

"Ang alam ko lang... ikaw si Enrique Enriquez IV, tatay mo si Enrique Enriquez III at nanay mo si... Isabela Sebastian atsaka... may kuya ka na si Ernesto na nagpari." sabi ko naman.

Napatangu-tango siya atsaka biglang ngumisi nang nakakaloko.

"Mukhang pinaggugulan mo ng oras ang pananaliksik ng mga bagay tungkol sa akin, binibini."

"Hoy! Anong pinaggugulan, ha? Sinabi lang sa akin nung koronel na nagpahamak sa akin, 'no." sagot ko naman.

Ang feeler ng lolo niyo, grabe!

"Koronel? Ang tinutukoy mo ba'y si Fernan?" tanong niya at inalala kong mabuti kung ano nga bang pangalan nung koronel na 'yun.

"Oo... yata..." sagot ko nalang kasi hindi ko talaga maalala.

Napatangu-tango naman siya atsaka umayos na ng upo. Mukhang sisimulan na niyang magpakilala.

"Magsisimula ako sa aking mga magulang. Bagama't kilala mo na sila, sa palagay ko'y may ilang mga detalye akong kailangang sabihin sa'yo. Ang aking ama'y nag-aaral ng abogacía nang makilala niya ang aking ina. Sa kuwento niya'y napaibig siya ni Ina mula lang sa mga sulyapan nila at ayun, nauwi rin sa kasalan ang kanilang mga munting sulyapan." kuwento niya sa love story ng mga magulang niya.

"Sana gano'n kasimple lahat ng pag-iibigan." nasabi ko nang hindi ko namamalayan.

"Hindi gano'n kasimple ang pag-ibig nila." sabat niya atsaka ko narealize 'yung sinabi ko.

"Hindi binigyan ng basbas ni Lolo, ama ni Ina, ang kasal dahil may iba siyang gustong lalaki para kay Ina. Natuloy lang ito dahil sa basbas na ibinigay ni Lola at sinabing ibinigay na rin ni Lolo ang basbas niya kahit na alam nilang lahat na hindi 'yon totoo. Naging mahirap kay Ama ang bawat araw na ginugol niya sa bahay ng mga Sebastian dahil hindi pumayag si Lolo na mahiwalay sa kaniya si Ina kaya't nagtiis si Ama sa loob ng pamamahay nito. Sabi ni Ama, mas masarap ang bunga kung paghihirapan mo ang pag-aalaga sa puno nito kaya't nagtiis siya. Nang ipagbuntis na ni Ina si Kuya Ernesto ay unti-unting lumambot ang puso ni Lolo hanggang sa sakaniya ipasa ang pagiging alcalde mayor ng San Sebastian." kuwento ni Niño at parang bata, napapalakpak ako.

"Bilib na ako kay Don Luis sa pagiging matiyaga niya para kay Doña Isabela." sabi ko.

"Sabi ni Ina'y hindi niya inakala na magtitiis si Ama para sa pag-ibig nila dahil nagmula si Ama sa pamilyang mas mayaman pa sa mga Sebastian. Hindi nga rin daw niya inakala na papayag ang pamilya ni Ama na sakaniya ito makasal."

Napatangu-tango ako.

"Ibig sabihin mababait ang mga Enriquez. Hindi sila katulad nung mga nasa telenovela na ayaw sa babae ng pamilya ng lalaki dahil lang—"

Napahinto ako sa sinasabi ko dahil nakatitig lang si Niño sa akin.

"M-May mali ba... akong nasabi?" tanong ko at mukhang nagulat siya bigla.

Napalunok siya atsaka umayos ng upo.

"W-Wala, wala... Binibining Juliet." Ngiti niya.

"Ah, 'yung kuwento ko nga pala... noong ipanganak si Kuya Ernesto, nagplano sina Ama't Ina na gusto nila magkaroon ng tatlong anak na lalaki. Sina Ernesto, Enrico at Enrique." tuloy niya sa kuwento.

Way Back To YouWhere stories live. Discover now