LXII

3.1K 312 20
                                    

Juliet

"Matulog ka na." Napa-angat ang ulo ko nang marinig ang boses ni Angelito Custodio.

"Hindi naman nakakatulong sa kaniyang paggaling ang pagtitig at pagbabantay mo." dagdag pa niya pero hinayaan ko lang siya.

Wala na ako sa mood makipag-usap. Habang patagal nang patagal kaming nandito, mas lumalala ang masamang pakiramdam ko. Ayaw kong nakikitang nahihirapan si Niño, ayaw kong makita siyang ganito.

Ilang oras na rin simula nang magsipasok dito sa kubo ang ilang mga sundalo kasama na sina Fernan at Andong at kani-kaniya ng hanap ng puwestong matutulugan pero hanggang ngayon ay hindi ko man lang magawang pumikit nang ilang minuto. Gusto kong makita munang magising si Niño bago ko ipikit ang mga mata ko, kahit mukhang malabong mangyari 'yon.

"Oo nga pala, Binibining Juliet..." Napalingon ako kay Angelito nang magsalita siya ulit.

Halos matumba ako sa kinauupuan ko dahil sa gulat nang ilapit niya ang ulo niya sa tainga ko.

"Bala mula sa baril ng isang sundalong Pilipino ang tumama kay Heneral Enriquez." bulong niya na nakapagpatigil sa akin.

Alam kong magkaiba ang bala ng mga Amerikano dahil malamang ibang mga baril ang gamit nila pero... paano naman nangyaring baril ng kasamahan nila ang makakatama kay Niño? Tanga bumaril kaya nabaril 'yung kasamahan? Nangyayari ba talaga 'yun?

Napatingin ako sa may pintuan ng kubo nang marinig na bumukas 'yon at nakita si Angelito Custodio na palabas kaya naman napatayo agad ako at lumapit sa kaniya.

"Saan ka pupunta?" tanong ko.

"Uuwi, saan pa ba?" sagot niya kaya pinanliitan ko siya ng mga mata.

"Iiwan mo nalang si Niño rito?"

"Nandito ka naman, hindi ba? Naniniwala akong hindi ka aalis sa tabi niya hangga't hindi niya naimumulat ang kaniyang mga mata kaya paalam na, binibini. Hanggang sa muli." saad niya at dire-diretsong sumakay sa karwahe niya na mukhang kanina pa ready na ready 'yung manong kutsero na umalis at tuluyan na nga silang umalis. Sinara ko na ang pinto at bumalik sa tabi ni Niño.

Hindi talaga ako mapakali. May parte kasi sa akin na kumakapit pa talaga sa possibility na malalagpasan lahat 'to ni Niño pero may parte rin sa akin na sinasabing huwag na ako masyadong umasa dahil mas malaki ang possibility na hindi niya kayanin lalo na sa kalagayan niya ngayon.

Lord, please naman po. Iligtas niyo si Niño.

Hindi yata kakayanin ng konsensya ko kapag namatay si Niño na masama ang loob sa akin. Nasaktan ko pa siya nung huli kaming magkasama dahil sa katangahan ko, ghad! Naiiyak na talaga ako.

Napatingin ako sa maputlang mukha ni Niño at hahawakan ko sana ang kamay niya pero pinigilan ko ang sarili ko. Wala akong karapatang hawakan siya pagkatapos ng mga sinabi ko.

Tumayo nalang ako at dire-diretsong lumabas sa kubo atsaka umupo sa pahabang upuan na gawa sa kahoy dito lang sa may labas. Pumikit ako at pumasok agad sa isip ko lahat ng efforts ni Niño para sa akin. Lalo na nung huling araw kaming nagkasama... kagabi lang. Bawal kaming magkita pero pinuntahan pa rin niya ako para alamin ang nararamdaman ko para sa kaniya at para sabihin ang nararamdaman niya para sa akin.

Naramdaman ko nalang ang pamumuo ng luha sa mga mata ko nang maalala bawat salitang lumabas mula sa labi niya nung gabing 'yun. Sinabi niyang papakasalan niya ako dahil 'yon ang gusto niya. Dahil ako ang gusto niyang makasama kahit pa bukas na ang araw ng paghuhukom. Dahil ako ang gusto niyang makapiling kahit pa huling hantungan na niya ang susunod na gyerang kabibilangan niya. Dahil ako ang gusto niyang makita tuwing umaga pagkagising niya. Dahil ako lang ang gusto niyang mahalin sa nag-iisang buhay niya at kahit ilang beses pa siyang ipanganak... ako lang ang tanging mamahalin niya.

Niño... kahit iba ang lumabas sa labi ko nung gabing 'yon, ikinagalak ng puso ko ang bawat salitang binitawan mo sa akin sa pagtatapat mong 'yon. Hindi man halata, tumatatak sa puso at isip ko ang bawat salitang sinasabi mo. Kaya please... pakiusap, lumaban ka. Bigyan mo pa ako ng isang pagkakataon para itama ang lahat. Para maging totoo sa nararamdaman ko para sayo. Para sabihin sayo na mahal din kita.

Napahawak nalang ako sa bulsa ko at kinuha mula rito ang letter ni Niño para sa akin. Ito nalang ang pinanghahawakan ko ngayon. Ito nalang ang nagsisilbing lakas ng loob kong magtiwala kay Niño... ang mga salitang nanggaling mismo sa kaniya.

"Hindi ka ba nilalamig?"

Halos atakihin ako sa puso nang biglang may magsalita kaya agad akong napatingin dito.

"F-Fernan..." bigkas ko sa pangalan niya habang nakahawak sa dibdib ko dahil sa gulat.

"N-Nagulat ba kita? Ipagpaumanhin mo ako, binibini." sabi niya at yumuko onti bilang sorry.

Umupo rin siya sa upuan na gawa sa kawayan na kinauupuan ko pero mga ilang dangkal ang layo sa akin. Nagulat ako nang ipatong niya ang uniform niya sa balikat ko kahit pa mukhang medyo naiilang siya. Grabe, ang gentleman talaga ni Fernan.

"Pasensiya na kung... marumi. Makakatulong pa rin naman iyang panangga sa lamig at iyon naman ang mahalaga." sabi niya.

"At... maligayang kaarawan, kahit pa... hindi talaga maligaya ang araw na 'to para sa'yo." dagdag pa niya kaya agad akong napalingon sa mga mata niya. Naalala niya ang birthday ko kahit na ako mismo ay nakalimot.

"Salamat, Fernan." sagot ko at nakita ko siyang bahagyang ngumiti pero 'di nagtagal ay nawala rin 'yun na para bang bigla siyang may naalalang kung ano.

♤♤♤


Sandaling namayani ang katahimikan sa pagitan nila Fernan at Juliet. Nanatiling nakatingin sa kawalan si Juliet na hawak-hawak ang uniporme ni Fernan na nakapatong sa kaniyang balikat at bahagya namang nakayuko si Fernan.

"Juliet," Basag ni Fernan sa katahimikan.

"Mahal mo ba si Niño?" tanong niya na nakapagpatigil sandali sa dalaga.

Hindi inaasahan ni Juliet na lalabas ang tanong na iyon mula kay Fernan kaya naman ilang segundo muna siyang nanahimik bago sumagot.

"Mahal na mahal." sagot ni Juliet sa wakas.

Agad na napalunok si Fernan nang maramdaman ang biglang pagkirot ng puso niya dahil sa narinig. Masaya siya para sa kaibigan dahil minamahal rin pala ito pabalik ng kaniyang iniibig pero hindi niya maipagkakaila na masakit pa rin para sa kaniya na ang dalagang minamahal niya ay kasintahan ng kaniyang matalik na kaibigan.

Hindi naman lingid sa kaalaman nila ang mga usap-usapan ng mga kababaihan sa kanilang bayan na napilitan lang magpakasal si Niño kay Juliet ngunit siyempre, iba ang opinyon ng mga kalalakihan tungkol dito na ang sinasabi naman ay si Juliet ang napilitang magpakasal sa heneral dahil hindi na nga naman ito makakatanggi pa kung si Heneral Niño Enriquez na ang nag-aya ng kasal.

Sigurado si Fernan na hindi totoo ang mga usapan ng mga kababaihan dahil nakikita niya mismo sa mga kilos ni Niño na tunay ang nararamdaman nito para sa dalaga ngunit kay Juliet... hindi siya sigurado noon kaya ngayong sinagot ni Juliet ang kaniyang katanungan, nakasisiguro na siyang walang katotohanan ang mga usap-usapang kumakalat sa kanilang bayan pero ang kailangan naman niya ngayong solusyonan ay ang kaniyang sariling damdamin.

"Sisikat na ang araw, mabuti pa't matulog ka na. Ako na ang bahala kay Niño, huwag kang mag-alala." sabi ni Fernan.

"Salamat, Fernan." saad ni Juliet at nagbigay-galang bago tuluyang pumasok sa loob.

Naiwan si Fernan na nakaupo sa pahabang upuan na gawa sa kahoy. Tumingala siya sa kalangitan atsaka ito pinagmasdan.

"Bayan bago ang sarili..." wika niya atsaka kinuha sa bulsa ang telegramang kinuha pa mula sa Binondo mahigit isang buwan na ang nakalilipas.

♤♤

Maraming salamat sa pagbabasa!

Hello, guys! So as promised, andito na ulit ang update for today! Sana nag-enjoy kayo hehe. Don't forget to vote and comment! 💙

- E

Way Back To YouWhere stories live. Discover now