XLVII

3.6K 314 19
                                    

Ika-15 araw ng Agosto, taong 1899 at araw ng Martes. Maagang nagtungo si Niño sa daungan ng bapor nang mabalitaang babalik na mula sa Dagupan ang kaibigang si Fernan kaya sinalubong niya ito pagkababa sa barko. Isasama sana niya si Andong ngunit sinamahan nito ang ang kuyang si Jose Hernandez sa pag-aasikaso ng hacienda at mga tauhan nila dahil palapit na ang tag-ulan.

"Maganda yata ang gising mo?" nakangiting sambit ni Fernan nang makita ang maaliwalas na mukha ng kaibigang sumalubong sa kaniya.

"Aba'y siyempre naman! Sa wakas ay umuwi ka na rin!" sagot ni Niño at naglakad na sila patungo sa karwaheng sasakyan patungong Hacienda Fernandez. Ipinasok na nila ang mga bagahe sa loob pati na rin ang ilang gamit ni Pia na si Fernan na ang nagdala. Dala rin kasi ni Alejandro na asawa ni Pia ang sariling bagahe at ang bagahe ng asawa kaya't tinulungan na siya ni Fernan.

"Kamusta sa Dagupan?" tanong ni Niño habang hinihintay nila sina Pia at Alejandro at nagbago naman ang ekspresyon sa mukha ni Fernan.

"Naroon si Goyo, gobernador militar nga pala siya ng Pangasinan. Gabi-gabing nakikipista. Nagpasikat pa nga raw sa kabayo niya." pailing-iling na sagot ni Fernan.

Napabuntong-hininga nalang si Niño.

"Pagpalain ka nawa, Pilipinas."

"Oo nga pala, nagdadalang-tao na si Pia." sabi ni Fernan na ikinatuwa ni Niño.

"Sa Dagupan pa nga yata nabuo." mahinang biro pa ni Fernan dahil malapit na sa kanila ang mag-asawa at nagtawanan sila ni Niño.

Nang makarating sina Pia at Alejandro sa kanila ay agad na binati ni Niño ang mag-asawa at inalalayan nila si Pia sa pagsakay sa karwahe atsaka sila sumakay at nagtungo sa Hacienda Fernandez. Habang nasa karwahe ay kinu-kuwentuhan ni Pia si Niño tungkol sa mga nangyari sa Dagupan at mga kamag-anak nila roon. Pagkatapos ay sila naman ang nagtanong kay Niño tungkol sa mga nangyari sa San Sebastian at sa kaniya nang wala sila.

Lumawak naman ang ngiti ni Niño atsaka ibinuka ang labi upang magsalita.

"Ikakasal na ako sa katapusan ng Setyembre."

Halos mapatalon si Pia sa gulat at galak sa narinig kaya't pinakalma siya ng asawa samantalang halong gulat, pagtataka, at kaba naman ang bumalot kay Fernan.

"Kanino, Heneral?" tanong ni Alejandro.

"Kay Rosario ba?" tanong ni Pia habang naghihintay lang ng sagot si Fernan.

"Hindi." nakangiting sagot ni Niño.

"Kay Juliet."

Sandaling tumahimik ang buong karwahe dahilan para mas lalong maramdaman ni Fernan ang unti-unting pagkawasak ng kaniyang puso. Lumingon si Pia sa kapatid at kitang-kita niya sa mga mata nito ang sakit na nadarama kaya naman umarte siyang nahihilo upang mapunta sa kaniya ang atensyon at mawala na sa usapan ang nalalapit na kasal ni Niño at Juliet na kaibigan niyang iniibig din ng kaniyang kuya.

"A-Ayos ka lang ba? Anong nararamdaman mo, mahal?" natatarantang tanong ni Alejandro.

"Paumanhin, p-paumanhin, hindi ko sinasadyang biglain si Pia." natatarantang saad ni Niño.

Agad namang dumiretso ang karwahe nila sa pagamutan ni Angelito Custodio kung saan din tumutulong si Juliet para isugod si Pia. Halos mabato si Fernan sa kinatatayuan nang makita ang dalagang laman ng kaniyang puso na ikakasal na nga pala sa kaniyang matalik na kaibigan.

Mas lalo pang nadurog ang puso niya nang masaksihan ang palitan ng mga sulyap ng dalawa kaya itinuon nalang niya ang atensyon sa kapatid na hinimatay at inalalayan si Alejandro na buhat si Pia.

Way Back To YouWhere stories live. Discover now