LXXVIII

2.9K 281 8
                                    

Naglalakad-lakad si Fernan sa paligid ng barong-barong kung saan pansamantalang naninirahan si Niño at iba pang mga sundalo habang kani-kaniya ng ginagawa ang mga ito.

"Kuya Fernan!"

Agad na napalingon si Fernan at nakita ang nakababatang kapatid na si Manuel. Naka amerikana ito't puting polo at suot ang kaniyang bilugang salamin.

"Manuel, paano mo—"

"Ikakasal na si Binibining Juliet kay Angelito Custodio!" sabi ng binata sa kuya na para bang nagsusumbong ito. Nanatiling walang imik si Fernan at inalis nalang ang tingin sa kapatid.

"Ba-Bakit—Alam mo ba ang tungkol rito??" tanong ni Manuel na ngayon ay nakakunot na ang noo.

"Ito ang mas makabubuti kay Binibining Juliet." tipid na sagot ni Fernan kay Manuel at akmang aalis na sana nang magsalita ulit ang huli.

"Ngunit mahal mo siya!"

Agad na napalingon si Fernan kay Manuel. Bakas ang pagkagulat sa ekspresyon ng mukha nito. Sobrang bilis ng kabog ng puso niya dahil sa narinig mula sa kapatid. Naging palaisipan sa kaniya kung paano nito nalaman ang tungkol sa bagay na iyon. Gayumpaman, pinilit niya ang sariling maging kalmado at humarap muli sa kapatid. Lumunok muna siya bago nagsalita.

"Wala na akong magagawa."

Walang ka-ekpresyon-ekpresyon sa mukha ni Fernan nang bitawan niya ang mga salitang iyon na nakapagpainit nang todo sa ulo ni Manuel. Paano nito nagagawang talikuran nalang ang dalagang iniibig? Paano nito nasisikmurang ipakasal ang dalagang kaniyang minamahal sa taong hindi naman nito gusto?

Bago tuluyang makatalikod sa kaniya ang koronel ay hinila ni Manuel ang kapatid at pinadapo ang kaniyang kamao sa mukha nito. Agad na napalingon ang mga sundalo sa kanilang koronel na bumagsak sa lupa at agad ding pinagtulungan si Manuel.

"T-Teka! Tumigil kayo!" Saway ni Fernan sa mga sundalo pagkabangon ngunit huli na ang lahat. Halos lahat ng sundalo ay nadapuan na ng kanilang kamao o paa ang kawawang binata.

Natigilan naman agad si Eduardo na kalalabas lang mula sa barong-barong at nanlaki ang mga mata nang makilala ang binatang nasa lapag. Agad itong lumapit kay Manuel at inalalayang tumayo ang binata.

"Anong ginawa niyo kay Ginoong Manuel?" nagtatakang tanong ni Eduardo sa mga kasamahan pagkatayo nila ng binata.

"Sinuntok niya si Koronel Fernandez!" sagot ng isa kaya naman agad na napatingin si Eduardo kay Fernan at nakita nga ang pasa sa mukha nito. Napatingin si Eduardo kay Manuel atsaka ibinalik ang tingin kay Fernan at lumingon sa kaniyang mga kasamahan. Napakunot na ang noo niya sa pag-iisip kung ano ang nangyari.

"Ilang segundo lang akong nasa loob..." nasabi niya dahil gulung-gulo siya kung anong puwedeng nangyari sa sandaling pumasok siya sa barong-barong at paglabas niya'y nagkagulo na nang ganito ang lahat.

"Hayaan mo na. Iwan niyo na kami ni Manuel." malumanay na wika ni Fernan at isa-isa na ring nag-alisan ang mga sundalo kasama na si Eduardo.

"Manuel? Si Manuel Fernandez ba ang binatang iyon?" bulong ng isa sa mga sundalo habang palayo sila sa koronel at binatang pinagtulungan nila kani-kanina lang.

"Sa palagay ko..." sagot ng isa.

"Manuel na kapatid ng koronel?!" gulat at pabulong na tanong ng isa pa.

"Hindi ba tayo malintikan nito?"

"Huwag kayong mag-alala." nalang ang nasabi ni Eduardo at tuluyan na nga silang nakalayo kung nasaan ang magkapatid na Fernandez.

"Ayos ka lang ba?" Lapit sana ni Fernan kay Manuel ngunit agad itong lumayo sa kaniya at binigyan siya ng masamang tingin.

"Kung wala kang gagawin, ako ang gagawa." wika ni Manuel at agad na sumakay sa kaniyang kabayo at mabilis itong pinatakbo palayo.

Way Back To YouWhere stories live. Discover now