LXXXVIII

3K 297 20
                                    

Nang makarating na si Juliet kay Angelito na naghintay sa kaniya sa may altar, nakahinga na nang maluwag ang lahat lalo na ang mag-asawang Cordova at si Pablo Custodio. Tuloy na ang kasal. Wala nang aatras.

Lahat ay masayang nakatingin sa dalaga at binatang nasa altar. Pag-iisang dibdib ito na pangalawang beses na nilang pinuntahan ngayon at salamat sa Diyos ay tuloy na ito sa pagkakataong ito.

"Kapag namatay si Angelito ngayon, sa tingin mo, kanino naman susunod na ikakasal si Binibining Juliet?" ngingisi-ngising tanong ni Estevan kay Fernan. Huminga nang malalim si Fernan bago humarap kay Estevan dahil nagpanting ang tainga niya sa narinig mula sa heneral.

"Isang dalaga si Binibining Juliet, Guillermo at ang mga kababaihan ay iginagalang, binibigyan ng respeto. Hindi pinag-iisapan ng kung anong masama at mas lalong hindi hinuhulaan kung kanino susunod na mapupunta dahil hindi sila laruan na pinagpapasa-pasahan pagkatapos kang paligayahin minsan." sagot ni Fernan.

"At huwag kang mag-alala, Guillermo. Kahit pa sunud-sunod na mamatay lahat ng binata rito sa San Sebastian, hinding-hindi siya mapupunta sa iyo. Kahit kailan." pahabol niya pa bago lumipat ng upuan.

'Bakit ba ako pumayag tumabi sa tarantadong iyon.'

Habang pinapanood ng mga bisita ang mga unang seremonya ng kasal, pasimpleng lumingon si Fernan sa likod at tumingin sa isa sa mga sundalo. Umiling-iling ito sa kaniya kaya napabuntong-hininga nalang siya at humarap na ulit sa altar.

Sa kabilang banda ay sumenyas si Estevan sa isang kasamahan. Pasimple namang tumango ang sinenyasan niya atsaka tumingala. Napansin ito ni Fernan kaya naman tumingin siya sa tinignan ng sundalo at nakitang may lalaki sa itaas. May hawak itong baril na nakatutok kay Angelito Custodio.

Sandaling natigilan si Fernan. Nag-isip siya ng maaaring gawin ngunit wala nang oras kaya kinuha niya ang baril niya, kinasa ito atsaka tumayo na naka-agaw ng atensyon ng lahat at pinutok niya ito sa lalaking nasa itaas kaya napatayo ang lahat sa gulat at takot.

Kani-kaniya ng kuha ng baril ang mga sundalo at dito na nakita ang tunay na hatian nila. Ang mga totoong sundalo ni Aguinaldo at ang mga nagpanggap lamang, ang mga kakampi ni Kapitan Hernando.

Nagulat si Estevan nang makita ang ilang mga sundalong bumaril sa mga kasamahan niya. Hindi niya inaasahan lahat ng ito. Plinano niya nang mabuti ang lahat, ang pagpunta sa kasal at malinis na pagpatay kay Angelito Custodio. Ang alam niya'y kakampi niya lahat ng sundalo rito, na tanging si Fernan lang ang hindi nakakaalam sa plano niya. Tama naman siya, si Fernan lang ang hindi nakakaalam sa plano niya at si Eduardo Gomez na laging kasa-kasama ng koronel ngunit mali siya sa pag-aakalang lahat ng kasama niya'y tunay niyang kakampi.

"Bumalik lang sa iyo ang ginawa niyo kay Niño." wika ni Fernan.

Tumawa nang mapang-asar si Guillermo.

"Ganiyan ba kalala ang paghahangad mo ng hustisya para sa kaibigan mong naging abo?"

"Wala pa ba sila?" tanong ni Fernan kay Eduardo at saktong may pumasok na mga armadong sundalo sa loob ng simbahan.

Puwersa ito nila Juan Hernando Hernandez.

Agad na lumapit ang mga bagong dating na sundalo sa mga sibilyan upang ilayo na sila sa gulo. Habang lumalabas ang mga bisita'y sunud-sunod na pumapasok ang mga sundalo.

Nang pumasok ang isang sundalong nakaputing uniporme ay napahinto ang lahat. Nabara ang daloy ng mga lumalabas na sibilyan dahil lahat sila'y napahinto sa paglalakad nang makita ang kakapasok lang na sundalo.

"Wala akong kaibigang naging abo, Guillermo."

Sa pagkakataong ito'y si Fernan ang ngumisi nang makita ang gulat na ekspresyon sa mukha ng heneral dahil sa nakita.

Way Back To Youحيث تعيش القصص. اكتشف الآن