XCII

3.5K 320 16
                                    

Nang mamatay si Koronel Fernan Fernandez, ang kapatid niyang mamamahayag at manunulat na si Manuel Fernandez ang naging utak ng rebolusyon at nagsilbing tagapayo ni Heneral Enriquez.

"Hindi mabibigo ang rebolusyon hangga't tama ang pamumuno rito." Ito ang wika ni Manuel Fernandez sa tuwing tinatanong sa kaniya kung may patutunguhan pa ba ang rebolusyon. Ito ang mga salitang naging sandigan ng mga Pilipino upang magkaisa sa ilalim ng pamumuno ni Heneral Enriquez sa rebolusyon.

"Huwag kayong lumaban para sa pangalan ko. Huwag kayong lumaban dahil lang sa utos ko. Manindigan kayo. Lumaban kayo para sa inyong prinsipyo at hindi para sa mga taong inyong iniidolo. Lumaban kayo para sa bayan." Mga salita ito ni Heneral Enriquez na kinakapitan ng kaniyang mga sundalo at maging mga kapwa heneral, kabilang na sina Heneral Gregorio del Pilar, Heneral Manuel Tinio, at iba pang mga sumanib sa kanilang puwersa upang lumaban. At ngayong nandito na naman sila sa harap ng kamatayan, ito ang mga salitang kanilang kinakapitan. Na lumalaban sila para sa kanilang sariling prinsipyo bilang mga Pilipino, na lumalaban sila para sa kalayaan at hindi para sa kung sino.

"Handa ba kayong mamatay para sa bayan?!" sigaw ni Niño.

"Opo, heneral!" sabay-sabay na sagot ng mga sundalo.

"Kung gayon ay lumaban tayo para sa kalayaan!" muling sigaw ni Niño at kinasa ang hawak na baril, gano'n din ang iba pang mga sundalo.

"Fuego!!!"

Tumagal ng ilang taon ang pakikipaglaban ng mga sundalong Pilipino sa mga Amerikano. Patuloy na lumaban ang mga Pilipino, pinatunayan na marunong tayong makipagdigma nang may kadakilaan at paninindigan... na hindi na tayo mga bata.

Pagkatapos ng ilang taong pakikipagdigma na tila ba wala nang katapusan, kinilala na rin ng mga Amerikano ang kalayaan ng Pilipinas. Nagwagi tayo. Nagwagi ang puwersa ng batang rebolusyonaryong heneral.

Ngayon na ang araw ng pagpili ng bagong presidente ng republika. Ito ang pinaka-aabangan ng lahat, ang pag-upo ng heneral na nanguna sa rebolusyon laban sa mga Amerikano. Ngunit imbis na nasa pagpupulong ay nasa puntod ng kaniyang kaibigan ang heneral.

"Nandito ka lang pala, Kuya Niño!"

Napalingon si Niño kay Manuel. Napatukod ang mga kamay ng binata sa kaniyang tuhod atsaka hinabol ang hininga. Napagod siya sa pagtakbo papunta kay Niño. Nang nakakahinga na ulit siya nang maayos ay tumayo na siyang muli nang tuwid atsaka nagpatuloy sa sasabihin.

"Kanina ka pa hinahanap sa pulong. May iilan ding sibilyan na kinuwestyon ang pagpapalit ng presidente dahil hindi pa naman tapos ang paglilitis kay Aguinaldo at hindi naman daw naghirap ang bayan nang siya ang nasa puwesto kaya kinausap ko sila at napagtanto rin naman nila ang punto ko. Pero huwag kang mag-alala, Kuya. Lahat ng heneral at ating mga kasamahan ay walang duda sa iyong pamununo." nakangiting balita ni Manuel.

"Ano ang nangyari sa pagtutol ng mga sibilyan? Ano ang iyong sinabi sa kanila?" tanong ni Niño.

"Sinabi kong hindi porque hindi sila ang naghihirap at nagdurusa ay wala nang mali sa sistema." sagot ni Manuel.

"Mapang-abuso ang pamumuno ni Heneral Aguinaldo kaya dapat lamang itong palitan ng patas, tapat, at mabuting pamumuno."

"Isa pa, ang mabuting pinuno'y hindi nagtatagal sa puwesto. Ang pagtatagal sa kapangyarihan ay nagdudulot ng kasakiman sa kapangyarihan at pang-aabuso sa mga mahihirap na patuloy na naghihirap dahil sa maling pamamalakad. Ang mabuting pinuno'y handang ipasa ang kapangyarihan at responsibilidad sa susunod na mamumuno upang ipagpatuloy ang kaniyang mga magagandang nasimulan at itigil naman ang mga hindi nakatulong sa mga mamamayan." dagdag pa ni Manuel sa lahat ng kaniyang sinabi.

Way Back To YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon