XXXI

4.4K 384 62
                                    

"Nakita mo ba si Kuya Fernan?" tanong ni Manuel sa isang binatang kumakain ng adobo sa gitna ng selebrasyon.

Nagkibit-balikat lamang ang may katabaang binata kaya't nagtanung-tanong ulit si Manuel sa iba pang mga bisita.

Nang halos lahat ng tao sa silid-tanggapan ng mansyon ay hindi alam kung nasaan si Fernan ay umakyat na si Manuel upang sa taas naman maghanap. Dumiretso siya sa kuwarto ng kuya at kumatok bago magtangkang buksan ito at nagulat siya nang pagpihit niya ng busol ay bumukas ang pinto kaya naman pumasok na siya.

"Kuya Fernan?" tawag niya ngunit walang sumagot.

Lalabas na sana siya nang maagaw ang kaniyang atensyon ng isang maliit na kuwadernong nakapatong sa lamesa ng kuya kasama ang ilang mga libro at ilan pang mga kuwaderno. Lumapit siya sa lamesa upang tignan ang kuwaderno at nang makita na ito nang malapitan ay naalala niyang ito ang kuwadernong laging bitbit ng kaniyang Kuya Fernan saan man ito magpunta.

'Mukhang tinanggal niya ang kuwadernong ito sa kaniyang uniporme nang magpalit siya kaninang umaga at napagpasyahang huwag nang dalhin sapagkat sa bahay lang naman siya pagkatapos sa simbahan.' naisip ni Manuel at kinuha ang kuwaderno.

Ang kuwadernong ito rin ang kinuha ni Fernan mula sa kaniyang bulsa nang lokohin niya si Niño na may ahas sa magubat na bahagi ng hacienda Enriquez, parehong kuwadernong nais malaman ni Andong kung para saan ngunit sinabi lang ni Fernan ay listahan ito ng mga utang.

Binuklat ni Manuel ang maliit na kuwaderno at pinalipat-lipat ang mga pahina nito.

'May talaarawan pala si Kuya Fernan.' nasabi ni Manuel sa sarili matapos makita ang sunud-sunod na petsa sa bawat pahina ng kuwaderno.

Nahinto siya sa paglipat ng mga pahina nang mapunta sa pahina kung saan may nakaipit na papel. Kinuha niya ang papel at binuklat ito mula sa pagkakatupi at nakitang may iginuhit na larawan sa papel na iyon.

Larawan ng isang babaeng may kwintas. Napansin ni Manuel na mga letra ang nasa kwintas ng babae sa larawan kaya tinignan niya itong mabuti at nagulat nang mabasa ang pangalang 'Juliet.'

Agad na tinignan ni Manuel ang pahina kung saan nakaipit ang papel at nakita ang petsang Mayo 31, 1899 at binasa niya ito.

Mayo 31, 1899

Maaga kaming nagtungo nila Niño at Andong sa daungan ng Maynila upang umuwi sa aming mga tahanan. Nakasabay namin sina Ginoong Palma, Ginoong Alba at Ginoong Delos Santos na pawang uuwi rin sa San Sebastian upang makipista. Nang magsisimula na ang sayawan ay lumabas na kami sa aming mga silid at tutungo na rin sana ako sa baba ng bapor upang sumali sa sayawan nang mamataan ko ang mang-aalahas na anak ni Don Horacio, si Ginoong Caden Cordova. Naalala kong nais nga pala ni Pia ng pasalubong at regalo na rin para sa kaniyang nalalapit na kasal kaya minabuti ko nang maglakad patungo sa ginoo nang mapansin ko ang dalagang kaniyang kasama. Mestisahin ito't mukhang mahiyain. Mamula-mula ang kaniyang pisngi marahil na rin siguro sa init ng sinag ng araw na tumatama sa kaniyang mukha. Pinagmasdan ko siyang bumaba kasama si Ginoong Cordova at mukhang tuwang-tuwa siya sa kaniyang nakikita na ipinagtaka ko. Bakas sa kaniyang mukha na ngayon palang siya nakakita ng mga bagay na nakikita niya nang mga sandaling iyon kaya naman naisip kong maaaring galing siya sa ibang bayan. Hindi nakalampas sa aking paningin ang kulay ginto niyang kwintas na hindi ko mawari kung ano ang nakasulat kaya't bumaba na ako at lalapit sana sa kaniya nang paligiran siya ng mga kalalakihan. Nagtaka ako nang bigla ring mag-alisan ang mga lalaking kanina lang ay pumalibot sa kaniya atsaka ko nakita si Niño na lumapit sa dalaga at yayain itong magsayaw. Ngayon ko lang naramdaman ang matinding pagkadurog ng aking puso nang makita kong magkasama silang pumunta sa sayawan ngunit ngayon ko lang din nakita ang mapupungay na mga mata ni Niño na umaliwalas nang ganoon kaya umatras ako sa sayawan at piniling manood nalang. Halong pagkabigla at pagkabigo ang naramdaman ko habang nanonood. Sa dinami-rami ng mga kababaihan dito ay sa iisang dalaga pa kami parehong nahumaling ng kaibigan kong tinuturing ko nang kapatid. Tahimik akong nanood at pinagmasdan kung paano sila magsayaw at dahil dito, sa wakas ay nabasa ko na rin nang maayos ang nakasulat sa kwintas ng dalagang bumihag sa aking puso... Juliet.

Way Back To YouWhere stories live. Discover now