Chapter 53

2.4K 113 17
                                    

"Hindi ba natin siya dadalhin sa ospital? O kaya naman, tumawag man lang tayo ng doctor," pag-aalala ni Jane.



"Dito ka na lamang. Lilinisan ko lang siya pagkatapos ay papaltan ko na din siya ng damit. Sandali lang ito." Hindi na nakasagot pa si Jane at mabilis na pumasok sa loob ng kwarto ni Marsha si Yaya Minyang.



Umupo si Jane sa labas ng kwarto at matiyagang naghintay kay Yaya Minyang. Balisa siya at bakas ang matinding pag-aalala para kay Marsha. At makalipas ng ilang minuto ay lumabas na si Yaya Minyang. Agad na tumayo si Jane para salubungin ito, "Kamusta na po si Marsha? Is she okay now?"



"Maayos na siya at mahimbing na ang kanyang tulog. Halika doon tayo." Sumunod si Jane kay Yaya Minyang at sila ay naupo sa dining table. "Siguro hindi mo na ako natatandaan, ano?



"Po?" nagtatakang tanong ni Jane.



"Kami 'yong pinagtanungan ninyo dati ni Marsha tungkol dito sa bahay, noong For Sale pa ito. Ako 'yong asawa ni Mang Canor," paliwanag ni Yaya Minyang.



Bahagyang napakuno't noo si Jane at nag isip, "Ahh...yes, Yaya Minyang and Mang Canor...I remember you now. Sorry po kung hindi ko kayo agad naalala. Si Mang Canor po, kamusta na? Nandito po ba siya?"



"Wala na siya, dalawang linggo matapos bilhin ni Marsha itong bahay ay pumanaw na rin ang aking asawa. Bangungot. Para nga lang hinintay niya si Marsha."



"Ah ganoon po ba? I'm sorry to hear that, Yaya Minyang."



Hinawakan ni Yaya Minyang ang kanang tuhod ni Jane at ngumiti, "Laking pasasalamat ko na lang kay Marsha at tinupad niya ang sinasabi mo noong nagpunta kayo dito. Na kapag nabili mo itong bahay ay kukupkupin mo na lang din kami. Hindi ba ikaw talaga ang unang nagka-interes sa bahay na ito? Hinihintay nga namin ang pagbabalik mo noon. Si Canor nga, puspusan ang paglilinis dito. Madami din ang tumingin at nagka-interes dito sa bahay, kadalasan ang habol nila ay ang overlooking view. Ewan ko kung bakit hindi matuloy-tuloy ang bentahan nila. Napakadali naman kausap nina Mam. Siguro talagang inadya na kay Marsha mapunta itong bahay, ano?" nakangiting kwento ni Yaya Minyang.



"Siguro nga po," pilit ang ngiti ni Jane. "Uhmm...Yaya Minyang may alam ba kayo kung bakit bigla na lang nag-collapse si Marsha? Tsaka bakit siya dinugo? Ano ba talagang problema sa kanya? Nagpa-check na ba siya?" paguusisa pa ni Jane.



"Hindi pa ba sinabi sa'yo ni Marsha?" Umiling lamang si Jane. "Malubha ang sakit ni Marsha. Meron siyang Cancer sa kanyang obaryo."



Nandilat at nanliligid sa luha ang mata ni Jane, halos hindi makapaniwala sa sinabi ni Yaya Minyang, "Cancer?"



"Nasa Australia pa siya nang malaman nila ang kanyang karamdaman. At stage 3 na ito. Matagal na atang hindi regular ang kanyang menstruation pero ipinagsawalang bahala ito ni Marsha. Pagkatapos ay bigla na lang siyang dinugo ng malakas. At nalaman na nga nila na Cancer na pala ito, Stage 3 na. Ang alam ko nga ay hindi niya tinapos ang kanyang mga Chemo Theraphy sessions sa Australia at nagpumilit siya na umuwi dito sa Pilipinas. Kaya nga tutol ang lahat, lalo na si Mamang, 'yong Tiya niya na kumupkop sa kanya. Mahal na mahal siya nito at siya talaga ang nag-alaga kay Marsha lalo nang magkasakit. Nagkaayos lang naman sila ng Mama at ng mga kapatid niya noong nalaman nilang may Cancer na si Marsha."



Dumilim ang paligid, kumapal ang fog at tila nagbabadya ang ulan. Tumayo si Yaya Minyang sa kinauupuan para magsara ng mga bintana. Maya-maya din ay bumuhos na ang malakas na ulan. At kasabay nang pagluha ng langit ay ang hindi napigilang pag iyak ni Jane.



Bumalik si Yaya Minyang dala ang dalawang tasa ng mainit na kape, "Mag-kape ka muna," sabay hawak sa kamay ni Jane. "Alam mo, matagal-tagal na din akong naninilbihan kay Marsha pero kahit minsan ay hindi ko ito nakitang masaya. Ang una't huling beses lang ay noong nagpunta kayo dito para magtanong tungkol sa bahay. Pagkatapos noon lagi na lang siyang malungkot. Kada umaga, uupo na iyan dyan sa garden, doon sa kanyang paboritong silya at pagkatapos ay maghapon niyang pagmamasdan ang Taal. Alam ko may hinihintay siya-at alam ko din na ikaw 'yon."



Lalong lumakas ang pag iyak ni Jane at napahagulgol ito. Nilapitan siya ni Yaya Minyang at niyakap siya, "Anak, ang mahalaga ay nandito ka na...at nagkita na kayo. At alam ko... nararamdaman ko, na sobra mong pinasaya si Marsha."



"Pero huli na po ang lahat," ang iyak ni Jane.



"Anak, hindi pa huli ang lahat. Naandyan pa si Marsha. Hindi naman nalilimitahan ang pagmamahal sa isang tao. Kahit na may asawa o anak ka pa, may sakit man siya o wala, o kahit naandyan man siya sa tabi mo o wala na, pwede tayong magpatuloy magmahal. Dahil hanggang ngayon hindi ko sinukuan ang pagmamahalan namin ni Canor," nakangiting paliwanag ni Yaya Minyang.

The Girl at 829 (girlxgirl) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon