III - 46.1 Brat Cousin

725 32 8
                                    

A/N: Puro flashback ni Suzelle and short preview kay L... enjoy! Sorry natagalan!

------------------------------xx**

|Suzelle Grace|

Napulot lang ako sa basurahan. Sanggol pa lang ako noong natagpuan ako nang mga madre sa tabi ng basurahan at kinupkop sa kumbento. Pinangalanan nila akong Grace.

Buong buhay ko ay nasa kumbento lang ako, kasama ang mga batang iniwan na ng mga magulang, mga batang sinaklolohan mula sa child abuse, o ang mga nawalan na ng mga magulang dahil sa aksidente. Sabi nila, kapag kinupkop ka ng mga madre sa loob ng ampunan, mapupuno ka ng pagmamahal. Kaya nga daw Love House Sister's Convent ang pangalan nito.

Pagmamahal? Ewan.

Lumaki akong may kulang sa pagkatao ko. Ang raming tanong sa isip ko. Sino sila... bakit nila ako iniwan... basura lang ba ako para sa kanila kaya naman iniwan nila ako sa basurahan? Bakit kailangan kong tumira sa lugar na ito na kung tutuusin eh dapat nasa pangangalaga ako ng mga magulang ko?

Gusto kong magalit. Gusto kong tanungin ang Diyos kung bakit. Kahit puno ng pangaral sa banal na bibliya ang mga madre na kinalakihan ko, puno pa rin ako ng pagdududa. Bakit... bakit sa milyong- milyon na bata, ako pa ang pinarusahan na mawalan ng magulang--mali-- iwanan ng magulang.

Dahil isa ako sa pinakamatanda sa ampunan, ako ang nagsilbing Ate ng mga bata. Gising, Ligo, Dasal, Kain, Linis, Laro, Dasal, Kain, Tulog, Dasal... paulit-ulit ang ginagawa namin sa kumbento. Merong Children's Party, Christmas, Valentines Day at kung ano-ano pang okasyon. Kahit pa nga mismong araw na gawa-gawang birthday ang pinaghahandaan sa ampunan. Hanggang isang araw na may bagong miyembro sa pamilya... sa araw ng pekeng birthday ko.

Peke... dahil hindi naman nila alam kung kailan talaga ako iniluwal ng walang kwenta kong nanay sa mundo.

"Happy birthday, Happy birthday~ Happy Birthday to you!!!"

Kakatapos pa lang nila na kantahan ako ng Happy Birthday at sa pagihip ko ng kandila mula sa aking birthday cake, bumukas ang pinto, may kasama si Sister Anne na pamilyar na mukha.

"May bago kayong makakasama, bagong kapatid"

Tinignan ko siya ng mabuti. Kilala ko siya, namumukhaan ko siya... sa pagkakatanda ko, siguro, mga ilang taon na rin ang nakakalipas. Siya iyong bata... si Suzy.

"Siya si Suichiko. Nakasama niyo na siya dati sa mga Children's Party noon. Kakagaling lang niya sa ospital, pero ngayon makakasama niyo na siya. Maging mabait kayo sa kaniya, okay?"

Suichiko... Suzy... natatandaan ko pa, kasama pa niya ang kapatid niyang si Yuri. Iyon ang araw na nakilala ko si Link. Iyong araw na hindi ko makakalimutan.

----------------------------------------------------**

"Anong pangalan mo?"

Tinignan niya ako na may halong panghuhusga. Iyon ay matapos na tawagin ako ni Link mula sa kotse nila... bilang "Suzy", dahil iyon ang pagkakakilala niya sa akin.

"G-g-grace"

"Grace? Pero bakit Suzy ang tinawag sayo noong bata sa kotse?"

"Ah... kasi--"

Sa totoo lang, nahihiya ako noon kay Link. Anak siya nang pamilya na naghanda para sa party namin sa kumbento. Nahihiya ako sa pangalan ko na Grace, napakamakaluma. Nahiya ako sa itsura ko. Nahiya ako dahil nadapa ako, dahil umiyak ako sa harapan niya, o baka nga dahil nahihiya ako sa buong pagkatao ko. Basta't nahihiya ako. Maliban sa lahat ng binanggit ko, hindi ko tiyak ang dahilan kung bakit, pero nahihiya ako. Ayokong maging si Grace noong nakilala ko siya. Alam kong bata pa ako noon, pero hindi ko talaga gustong maging si "Grace", na lumaki sa kumbento at walang magulang. Isang Grace na hindi bagay na maging kaibigan niya.

Beautiful Disaster: Soul Guardians (Updated, 2020)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon