Chapter 9 ♬ Music Camp

68.2K 1.1K 56
                                    

CHAPTER 9 – MUSIC CAMP

SERENE

Sabado ng umaga, sabi ni Mr. Valdez may pupuntahan daw kaming Music Camp for three days sa Batangas kaya sabi niya magdala raw kami ng mga gamit. Kinausap na raw niya ang mga teacher namin kaya excuse kami sa Monday. Sa totoo lang hindi ang pagpunta sa Music Camp ang inaabangan ko kundi ang hindi ko pagpasok sa Lunes. Kung may pagkakataon lang na hindi ako makakapasok sa nakakabagot na mga klase ni Ms. Christina, game akong pumunta kahit saan!

Magmula noong umuwi ako rito sa Pilipinas ay hindi pa ako lumalabas ng Manila. Kaya naman noong malaman iyon ni Ate Desi ay siya pa ang sabik na sabik na naghanda ng mga gamit ko. Sabi niya ito raw kasi ang unang pagkakataon na nagkaroon ako ng interes na bumalik sa music. Kaya maganda raw na simula ito para sa akin.

"Serene hija, behave ka roon ah. Lalo na puro lalaki ang mga kasama mo. Magpaka-Maria Clara ka. No wedding. No loving!"

Namula ako bigla dahil sa sinabi niya. "Ate naman, wala namang gano'n. Mga kaibigan ko lang sila."

"Hala siya o, namumula!" asar na sita niya pa sa akin na may kasamang tawa. "Sa susunod ipakilala mo sa akin ang mga kaibigan mong 'yan at nang makilatis namin ni manong mo."

"Ate Desi wala talaga. Wala namang gano'n sa amin." Tinulungan ko na siyang isara ang bag ko. "Kaibigan ko lang talaga 'yun. Wala nang iba."

"Aysus, sabi mo eh." Pero naroon pa rin ang nakakalokong ngiti sa mga labi niya. Sinimangutan ko siya. "Pero panatag ang loob ko na kasama mo ang Mr. Valdez mo roon."

"Kilala mo siya ate?" Umupo ako roon sa malambot kong kama. Marahan pa akong tumalbog-talbog roon habang hinihintay ang magiging sagot niya sa tanong ko.

"Si Raziel Valdez? Aba oo naman. Akalain mo nga naman ang batang 'yun oo. Lalaki na maginoo." Nakatingin siya sa malayo, may ngiti sa labi niya na tila ba masaya niyang ginugunita sa isipan ang nakaraan. Inabot niya sa akin ang bag ko.

Raziel? Iyon pala ang pangalan ni Mr. Valdez?

"Sabi po niya sa akin malapit daw silang magkaibigan ni mama, tama po ba?"

"Oo naman. Si Jenna at si Raziel ay magkababata. Halos sabay silang lumaki kaya malapit talaga sila sa isa't isa. Sayang nga lang eh. Pero gano'n siguro talaga ang buhay. Nakaguhit na sa mga bituin ang lahat, bago pa man mangyari." Bahagya pa niyang hinaplos ang pisngi ko at saka ngumiti sa akin. Itatanong ko pa sana kung ano ang ibig niyang sabihin pero tinatawag na ako ni Manong Raul.

"Serene hija, halika na. Baka ma-late ka pa."

Tumayo na ako ng maayos at niyakap si Ate Desi bago nagpaalam. Talaga ngang mas sabik pa sila para sa akin kaysa ako para sa sarili ko. Kanina pa nila ako pinagmamadali.

"Sige po ate, aalis na kami!"

"'Yung baon mo ha. 'Wag mong kalimutan sa kusina. Mag-ingat kayo!"

Masaya niya akong kinawayan kaya iyon din ang ginawa ko sa kanya.

Pagdating ko sa harap ng school kung saan kami magkikita-kita, halos wala pang tao. Sandali kong sinulyapan ang suot na relo at nakita na alas-sais pa lang ng umaga. Alas-siyete pa talaga ang meeting time pero sobrang aga ko. Sisihin talaga sina manong at ate. 'Yung sinabi ko nga ito kay manong ay nginitian lamang niya ako, labas ang mga ngipin.

Ngayong mag-isa na lang ako rito, anong gagawin ko?

Papasok na sana ako sa loob ng school noong makita ko si Jace na nakatayo roon sa may tabi ng gate. Nagtama ang paningin namin at alam ko na parehas kami na nagulat na makita ang isa't isa. Kanina pa siya narito? Akala ko maaga na ako, mas maaga pa yata siya sa akin.

Listen To My SongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon