Chapter 28 ♬ Behind the Shadows

55.5K 981 46
                                    

CHAPTER 28 - BEHIND THE SHADOWS


"Boss! Hawak na po namin si Lady Magdeleine." payukong sambit ng isang lalaki. "Ano na pong susunod na gagawin?"

"Wala na kayong ibang gagawin kundi manood. Ako na mismo ang tatapos sa matandang iyon."

Pagkatapos sabihin iyon ay tumayo siya sa kinauupuan niya. Agad namang sumunod ang iba pa nitong kasama nang mag-umpisa na siyang maglakad papunta sa kinalalagyan ng mga bihag.

Madilim ang lugar, natatakpan ng anino ng dilim ang mukha ng pinuno nila ngunit alam ng mga kasama niya na seryoso siya sa kanyang sinasabi, sa tono ng pananalita at pati na rin sa galaw. Sa oras na nakapagdesisyon ito, wala nang atrasan pa. Mahirap nang kalabanin dahil baka sila pa ang mapahamak. Alam nila kung ano ang kakayanan ng tinatawag na 'pinuno o boss' kaya walang nagtatangkang lumaban sa kanya kahit sino pa man.

Nagtuloy-tuloy silang maglakad hanggang sa ilang hakbang na lang ay malalapitan na nila ang mga bihag. Ngunit noong mapuputol na nila ang distansya sa pagitan nila at ng mga bihag, biglang huminto ang kanilang pinuno. Sa dilim bago pa man makalabas sa liwanag ay doon sila tahimik na nanatili. Nagtatago sa likod ng anino ng dilim.

"Boss? May problema ba?" Taka nilang tanong matapos makita ang kakaiba nitong ikinikilos. Halata ang pagtataka sa kanilang mga mukha dahil minsan lang mangyari ito. Kahit sa dilim ay halata ang gulat at lungkot sa kanyang mukha— isang bagay na ni minsan hindi nila nakita mula sa kanya lalo sa ganitong uring sitwasyon.

"Bakit may kasama si Lady Magdaleine?"

Natatarantang sumagot ang isa. "E-eh kasi po, nakita po niya ang lahat ng mga pangyayari kaya dinukot na rin po namin siya sa takot na baka magsumbong sa mga pulis—"

"Hindi niyo dapat siya idinala rito!" galit niyang bulyaw na mas lalo pang ikinagulat ng lahat.

Umatras siya sa kanyang kinatatayuan at muling bumalik sa dilim na pinanggalingan.

"Gawin n'yo ang dapat gawin sa matanda. Pero 'wag na wag nyong gagalawin o sasaktan ang kasama niya dahil kung hindi," Matalim na mata ang binigay nito sa kanilang lahat. "kayo ang tatapusin ko." Seryoso nitong banta sa kanilang lahat na nakapagpaatras mula sa kani-kanilang kinatatayuan.

May halong gulat at takot ang naramdaman ng mga kasama nito at saka kunot-noong nagtinginan dahil sa pagtataka. Tahimik nilang sinundan ng tingin ang pinuno na naglakad papalayo mula sa kanila.

Hindi pwedeng basta na lang umatras ng ganu'n ang kanilang pinuno lalo na ang magmukhang malungkot na para bang pumasok sa isang laban at nakatanggap ng isang pagkatalo. Hindi. Hindi siya gano'n. Wala pang nakakagawa nito sa kanya. Wala pa kahit minsan. Gayunman, may kilala silang pwedeng gumawa at makapagpabago sa isip nito, ang nag-iisang pinakaimportanteng tao sa buhay nito na siya lang ang nakakapagpaamo sa pinuno nila.

Bigla silang napatingin sa mga bihag na agad na napalibutan ng ilan pang mga kasama nang mag-umpisa silang lumaban sa mga ito. Walang kupas pagdating sa pakikipaglaban si Lady Magdaleine pero sa iisang tao lang nakatutok ang kanilang mga mata... sa kasama nito na abala rin sa pagpapabagsak sa mga kasama nilang nagtatangkang lumapit sa kanya.

Magaling, malakas at mabilis din ito tulad ng matanda subalit nakikita nila na sa bawat galaw nito ay hindi siya isang ordinaryong babae lang. Siguro nga nagkamali sila at naisama pa nila ito ng 'di sinasadya imbis na ang matanda lang ang nakuha. Dahil alam nilang hindi magiging madali ang misyon nilang patumbahin ang matanda kung may kasama itong magaling na katulad niya.

Malakas na ihip ng hangin ang bumungad sa kanila ng makalapit sa dalawang bihag na tapos nang patumbahin ang lahat ng mga kasamahang nagtangkang lumaban sa kanila. Takot at gulat ang kanilang naramdaman matapos makita ng malapitan ang babaeng kasama ng matanda. Sa isang ihip ng hangin ay naihangin nito ang full bangs na nagtatakip sa kanyang mukhang. Bukod pa roon ay natanggal ang itim na wristband sa kanan niyang pulsuhan kaya malaya nilang nakikita ang tattoo niya roon na siyang nagpaliwanag ng lahat.

Ang magandang mukha sa nag-iisang litrato na nakikita nila sa kwarto ng kanilang pinuno... Isang litrato na lagi niyang hawak-hawak sa tuwing akala nito ay walang nakakakita sa kanya mula sa dilim. At ang G-Clef tattoo na kaparehas na kaparehas sa singsing na lagi nitong hawak sa tuwing tahimik at malalim ang iniisip...

Siya. Siya ang babaeng iyon.

Ang babaeng nakapagpabago sa pinuno nila noon.

Hanggang ngayon.


© G. J. Dion (wistfulpromise) 

Listen To My SongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon