Tatlong kulay ng Ating Pag-ibig

94 0 0
                                    

A spoken poetry. (credits sa may-ari)

Sa pagitan ng paglubog ng araw at pagsilip ng buwan sa kalangitan,
Nagtatalik ang kulay pula at gintong sinag sa sangtinakpan,
Nagliliyab ang damdamin sa ilalim ng karagatan,
Sumasayaw ang mga dahon sa lirikong ibinubulong ng hanging amihan,
Kinukumutan ng mga nalagas na ginto at kulay kahel na dahon ang nilalamig na kalupaan.
Niyayakap--
Pinaparamdam ang pagmamahal.
Naghahasik ng pag-ibig, pinaglalaban ang nararamdaman.
Pula, dilaw at kahel ang kulay ng ating pag-iibigan,
Wari'y sumisimbolo sa ating pagkatao at pinagsamahan.
Tatlong kulay na bumuo sa k'wentong "Ikaw at ako".
Tatlong kulay na nagsilbing tulay hanggang umabot tayo sa dulo.
Sa mga kulay na ito umikot ang ating mundo,
Sa mga kulay na ito nakabuo tayo ng paraiso.
Sa mga kulay na ito dumanak ang saya at naparam ang kawalan ng pag-asa.
Tatlong kulay na ipinahid sa ating mga puso.
Tatlong kulay na naglarawan ng ating pagsuko.
Pula, ang unang kulay ng ating pag-iibigan,
Ang pisi na nag-ugnay sa puso't isip
nating nagmahalan.
Ang rosas na inaruga at inialay sa'yong paanan.
Ang kulay ng pagsuko ng puso ko sa puso mong walang takot na lumaban.
Ang kulay ng nagliliyab nating pagtitinginan,
Ang kulay na ipinipinta ng labi mo sa labi kong sabik na madiligan.
Ang kulay na bumabalot sa tuwing nag-iisa ang ating katawan.
Pula, ang unang kulay na bumuo sa mga salitang "Ako at Ikaw".
Dilaw, ang pangalawang kulay na naghatid sa atin sa kalawakan,
Ang gumabay sa araw nating mapanglaw,
Ang humawi ng lumbay sa pusong minsa'y kinakain ng selos at maling pakiramdam.
Ang nagsilbing kalasag sa hindi pagkakaintindihan.
Ang humaplos at yumayakap kung may gusto nang bumitaw.
Dilaw, ang kulay ng talang nag niningning sa dilim,
Ang sumisimbolo sa'yo irog kong humawi ng kalungkutan sa 'kin piling.
Kahel, ang huling kulay na bumuo sa salitang "Ikaw at ako" na ngayo'y naghatid sa atin sa dulo.
Sa mga katagang "Tayo".
Sa mga binitiwang pangako.
Sa mga pagkakataon ang langit ay naging impyerno,
sa mga sandaling ang malinaw ay naging malabo.
Na kung minsa'y ang dating maayos ay nagulo.
Subalit heto tayo hanggang sa dulo,
Ikaw at ako pa rin, magkasamang tinapos ang k'wentong binuo ng ating mga puso...
Pula, dilaw at kahel...
Ang kulay ng ating pag-iibigan,
Ang kulay na dumanak sa kalangitan.
Ang bakas ng ating pagmamahalan,
Ang palatandaan na naghasik tayo ng kasiyahan.
Ang kulay ng puso at pag-ibig na ating pinagsaluhan.

Mga Tula Ni Mang WengsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon