47

603 100 2
                                    

Biglang humawi ang dahon ng mga puno at unti-unting nasilayan ng mga nasa ibaba ang nakalutang na si Lux.

Nanlaki ang mga mata ng babae. "S-Siya ang nakikita ko sa aking mata at tama nga ako isa siyang bata." Habang nakaturo ang hintuturo kay Lux.

"Papaanong isang bata ang may kagagawan nito?" nakakunot noong saad ng lalaki. Nagsimula na ring magbulungan ang lahat.

"Siya ba ang nagpatawag sa atin dito? Bakit isang bata? Kung ganoon ay inaaksaya ko lamang ang aking oras sa pagpunta rito."

"Marahil isa lamang siyang Anak ng taong may kagagawan nito. Napakaimposible namang siya ang may kagagawan nito."

"Makaalis na nga! Talagang umalis pa talaga ako sa trabaho ko para lang dito pero ito lang ang bubungad sa akin. Distorbo!"

Halos lahat ay nagsisigawan sa galit dahil akala nila nagsasayang lamang sila ng oras sa pagpunta. Ang ilan ay nagsimula na ring umalis doon. Hindi nagsasalita si Lux at nakamasid lamang sa mga tao sa ibaba habang lumulutang sa harapan nila. Matapos ang limang minuto ay 100 nalang ang makikita sa harapan niya kabilang na roon ang lalaki at babae na may kapangyarihang makakita sa hinaharap.

"Shane, umalis nalang tayo. Pinaglalaruan lang ata tayo ng batang iyan. Tingnan mo," sabay turo kay Lux. "Nakamasid lang sa atin at hindi man lang nagsasalita." Tatalikod na sana ang lalaki ng bigla itong hinablot ng babae.

"Teka lang Andre, may pakiramdam ako na siya na ang solusyon sa kaginhawaan ng ating buhay," nakatitig pa rin si Shane kay Lux at hindi man lang nagawang lingunin si Andre nang hablutin nito ang balikat.

Pinanlakihan lamang siya ng mata ni Andre at magsasalita na sana nang mapahinto dahil narinig ang boses galing kay Lux.

"Wala na bang aalis? Alam kong iniinsulto niyo na ako ng inyong mga mata pero bakit nanatili pa rin kayong nakatayo rito?" saad ni Lux.

May isang matandang lalaki ang nagsalita. "Ikaw ba ang may pakana nito?"

"Oo, ako ang nagpaunlak nito sa kagustuhan kong makakuha ng mga blacksmith, formation master, at alchemist. Hindi ko nga inaasahang libo-libo ang dadating pero nang makita ako ay singbilis nilang umalis dahil nalaman nilang isang bata ang may kagagawan nito. Kayo, hindi ba aalis?"

"Aalis ako kapag napatunayang walang saysay ang nakasaad sa papel. Ibinuwis ko ang aking trabaho para lamang pumasok dito at kung aalis ako nang hindi inaalam ang totoo ay walang silbi ang pagsakripisyo ko sa dati kong trabaho. Ngayon, sabihin mo sa amin kung totoo ba iyong nakasulat sa papel. Kapag nalaman kong walang katuturan iyon ay hindi kita papaslangin at aalis ako ng matiwasay."

Sumilay ang ngiti sa labi ni Lux sa narinig sa matanda. "Maganda ang desisyon mo at hindi ka magsisi. Totoo ang nakasaad sa papel, naghahanap ako ng tatlong propesyon na may mahuhusay na kakayahan doon dahil pagta-trabahuin ko sila sa aming lugar. Totoo rin iyong kada buwan ay makakatanggap sila ng 1,000,000 gold coins kung pagbubutihan nila ang kanilang trabaho."

Tutop ang mga mata ng iba sa dalawang nag-uusap. Pinapakinggan ang salita ni Lux kung nagsasabi ba ito ng totoo.

"Ano ang patunay mo na makatatanggap kami ng ganoong kalaking suweldo? Ang magigiting nga na alchemist, blacksmith, at formation master sa royal palace ay hindi nga nangangalahati sa ganoong suweldo. Ang angkan niyo pa kaya?"

Itinaas ni Shane ang kamay. "Mawalang galang lang sana. Gusto ko lang itanong kung bakit ikaw ang gumagawa nito? Nasaan ba ang nakatatanda sa inyo para siya ang kausapin namin."

"Ako ang namamahala ngayon sa aming lugar kaya walang dahilan para ipasa ko sa iba ang tungkulin ko," parang matandang tao kung magsalita si Lux sa harapan nila.

My Mage SystemWhere stories live. Discover now