Vol. 8 Kapitel Seventy Two: "Throw Dust in One's Eyes"

396 28 43
                                    

Kapitel Seventy Two: "Throw Dust in One's Eyes"

*****

Limang minuto.

Ito lang ang ibinigay na palugit ni Doktor Barry kay Haru para gawin ang dapat nitong gawin. Isang plano...na sa tingin ng binata ay siyang magsasalba kay Dante mula sa nakaamba nitong parusa na puwedeng mauwi sa bingit ng kamatayan.

Ngunit isang minuto na lang ang natitira sa pinag-usapan nilang oras. Hindi narin mabilang ng doktor kung ilang beses siyang napatingin sa kaniyang kinakalawang na orasan. Sa madaling sabi, naiinip na ang doktor at gusto na niyang simulan pagtapos sa kaniyang trabaho. Subalit siya rin ang tipo ng tao na may isang salita. Kailangan niyang tapusin ang napagkasunduang oras tulad ng isang tunay na sundalo. Ganoon kasi siya minulat at hinulma ng kaniyang panahon.

"Masuwerte ka parin..." Pasaring ng doktor sa nananahimik na si Dante habang nakatitig ito sa patay na kulay ng kisame sa kanilang inookupahan na silid. "Kung nabuhay ka sa panahon ko kung saan ang mga gaya mo ay hindi kinahahabagan at hindi na pinaghihintay pa ng oras, kanina pa sana kita hinihiwa at tinatanggalan ng lamang-loob para isama sa aking mga pinag-aaralang specimen."

"Heh..." Kumawala sa bibig ni Dante ang mapambuyo nitong ismid at sumagot ito sa doktor, "Hindi mo naman kailangan na sundin ang gusto ng lampang 'yon. Kung talagang gusto n'yo akong patayin, kayang-kaya n'yong gawin 'yon na hindi hinihingi ang kondisyon ng iba. Hindi ka sana ngayon naghihintay d'yan na parang tanga sa kaniya para sa isang sagot na hindi ko maibibigay sa inyo."

"HAHA!" Napahagalpak ang doktor sa mga sinabi ni Dante dahil totoo ang mga sinabi nito. Kung siya ang tatanungin, hindi kinakailangan ni Dante ng pagsagip ng sinoman sa kaniyang mga kasama. Subalit ang utos ay utos. Napagutusan siyang gawin ito, at siya ang tipo ng tao na sumusunod muna sa utos bago magreklamo.

"Commander's rule..." Sagot ni Doktor Barry kay Dante. "Obey first before you complain. Sundalo ako, hindi lang basta isang doktor. Nasunod lang ako sa utos, hindi tulad mo na...alam mo na kung ano."

"Wala kang alam..."

Halos pabulong na iyon na sagot ni Dante kay Doktor Barry. Pero hindi nakalagpas ang mahinang sagot na iyon sa matalas na pandinig ng doktor. Inudyukan ng sagot na iyon si Doktor Barry na lumapit kay Dante, at pagkatapos ay saka niya binulungan ang binata malapit sa tainga nito at nagwika...

"Malalaman natin 'yan..."

At pagkatapos ay narinig ng doktor na nagbukas ang pintuan ng silid at pumasok ang dalawang tao: si Haru, kasama ang dalaga na kabilang sa pitong Ace Holders...

Si Feah.

Subalit may napansin siyang hindi tama...

Hm?

Kitang kita na tumaas ang isang kilay ni Doktor Barry pagkakita nito kay Feah. Walang kurap niya itong tinitigan mula ulo hanggang paa hanggang sa makumpirma nito ang kaniyang hinala.

Oh, kung ganoon ito pala ang plano n'ya...

Napangisi ng bahagya ang doktor at walang anu-ano'y nilapitan nito ang dalaga. Sobrang lapit...na halos sanghap na ng dalaga ang nangangamoy-tsiko na hininga ng doktor.

"May inimbitahan pala na bisita si Ginoong Haru. Kumusta, binibini?" Pinunasan muna ng doktor ang kaniyang kamay gamit ang laylayan ng suot nitong purong puti na lab coat at saka nito mabilis na kinuha ang kamay ng dalaga para halikan. "Ako nga pala si Doktor Barry. Ikaw marahil si...?"

Halos mangamatis naman ang mukha ng dalaga habang hawak ng doktor ang kaniyang kamay. Ngunit ang pamumula niya ay hindi dahil sa hiya, kundi dahil sa matinding pagkailang niya lalo na't nasa harapan pa siya ng kaniyang kasamahan at katrabaho sa pabrika na si Haru.

Ghost Retriever [SELF-PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon