Vol. 7 Kapitel Sixty Eight: "White Angel"

1.1K 50 39
                                    

Kapitel Sixty Eight: "White Angel"

*****

--At para sa iba pang mga ulat--

"Isang 'di pangkaraniwan na insidente ang naganap sa Jerusalem, bansang Israel kahapon, Disyembre 25, araw ng kapaskuhan. Namataan ang isang ipo-ipo sa pusod ng siyudad na sinabayan pa ng ilang malalakas na mga paglindol na bumuwal sa ilang mga gusali't kabahayan. Ayon sa ulat ng mga awtoridad, nagtala ang nasabing insidente ng humigit-kumulang na isandaang sugatan. Wala namang naitala na namatay sa pangyayari, ngunit nag-iwan ito ng malaking pinsala lalo na sa mga sinausang istruktura ng nasabing siyudad. Kasalukuyan pa na nasa pagsusuri ng mga dalubhasa ang naturang pangyayari at..."

"...hindi pa ba tumatawag si Kuya Haru?"

Biglang napunta ang atensyon ng binatang si Ken sa kaniyang kapatid na si Maria. Kasalukuyang nanonood ng balita ang dalaga nang bigla nitong naitanong kay Ken ang kanilang nakatatandang kapatid na si Haru na tatlong araw nang hindi umuuwi sa kanilang tahanan.

"Wala pa nga eh."

Kakatapos lang patulugin ni Ken ang kanilang bunsong kambal na sina Nina at Nelo. Bitbit niya sa isang kamay ang isang baso ng hindi naubos na gatas at sa kabila nama'y isang libro na paboritong ipabasa ng kambal sa kanilang ate't kuya.

"Siya naman ang nagsabi na matatagalan bago siya makauwi."

"Hm...." napaisip si Maria habang nakatutok ang kaniyang mga mata sa telebisyon. "Ano na kaya ang ginagawa ni Kuya ngayon? Nakakalungkot lang kasi na hindi natin siya nakasama sa pagdiriwang ng pasko ngayong taon."

Inilapag ni Ken ang baso at ang libro sa mesa na nasa salas. Tumabi siya sa kapatid niyang si Maria habang nakatutok ang mga mata nito sa balita.

"Oo nga eh." Sinangayunan ni Ken ang sinabi ng kapatid. "Ito ang unang beses na hindi natin siya nakasama sa pagdiriwang ng pasko. Naubusan na nga ako ng palusot kina Nina at Nelo kung bakit wala pa si Kuya eh. Sana naman ay makauwi s'ya bago mag bagong taon."

"Sana nga."

Ang hindi alam ng magkapatid ay higit pa sa karaniwang "trabaho" o "business trip" ang pinagkakaabalahan ngayon ng kanilang Kuya Haru.

"Ahhh!"

Dahil sa mga oras na iyon ay kasalukuyang bumubulusok pababa ang kanilang Kuya sa kalupaan kasama ng iba pa nitong mga kasamahan na nanggaling pa sa banal na lungsod ng Jerusalem.

"Waaah!"

Hindi ito ang unang beses na nangyari ang mga ganitong bagay kay Haru. Subalit hindi parin ganoon kahanda ang puso niya sa mga ganitong eksena, lalo na kung biglaan na lang siyang mahuhulog mula sa kung saan papunta sa lugar na hindi niya tiyak kung ligtas ba o ikamamatay ulit niya. Ngunit noong mga oras na iyon, higit na inaalala ni Haru ang kaligtasan ng kaniyang kababata na si Lumier kaysa sa kaniyang sarili. Mahigpit ang naging yakap niya sa walang malay niyang kababata habang unti-unti silang papalapit sa isang liwanag na siyang huling destinasyon nila.

Ghost Retriever [SELF-PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon