Vol. 4 Kapitel Thirty Seven: "The Worst of Demons"

1.8K 91 110
                                    

Kapitel Thirty Seven: "The Worst of Demons"

*****

At sa wakas, huminto rin ang unos ng niyebe na buong magdamag na namayani sa buong lupain ng Pilcante...

"Hay, sa wakas!" masiglang binuksan ni Haru ang pintuan ng imbakan. Sinalubong siya ng mainit sinag ng bukang liwayway, sapat upang pawiin ang matinding lamig na inabot ng katawan niya sa buong magdamag. "Mabuti naman at huminto na ang blizzard! Sigurado nang makakauwi na kami sa amin!"

Sumunod na lumabas sa imbakan ang pari na si Eli. Naglabas siya ng sigarilyo sa at agad itong sinindihan gamit ang paborito niyang gintong panindi.

"Hmm...mukha nga." at hinithit ng pari ang usok mula sa sinindihan nitong sigarilyo. Pagkatapos ay ibinuga ng bibig niya ang usok nito na humalo sa papahupang malamig na hamog.

Samantala, sa loob naman ng imbakan ay abala na naghahanda si Dante para sa pag-alis nila ng kaniyang mga kasama sa Pilcante. Kasalukuyan namang malalim ang himbing ng binatilyo nitong kasama na si Allain. May pagkakataon pa nga na nahuhuli ni Dante si Allain na bigla nalang nagsasalita habang mahimbing na natutulog sa mainit-init na tambak ng dayami.

"Hot springs...white beach...ah! Disyerto! Ang sarap....ang init!"

Hindi naman napigilan ni Dante ang kaniyang sarili at agad siyang nairita...

"Hoy, tama na ang paglamaw!" at hinampas ni Dante si Allain ng bungkos ng tuyong dayami sa mukha. Nabigla naman si Allain sa ginawa ni Dante at walang anu-ano'y bigla itong bumangon.

"Waaah!"

"Magtanggal ka na ng muta mo, bubwit. Uuwi na tayo." diretsahang saad ni Dante sa kagigising lang na si Allain.

"Eh? Dante? T---teka....?" Takang taka naman ang binatilyo kung bakit sila napapaligiran ng dayami at kung bakit may bendang nakabalot sa kaniyang leeg. "Anong nangyari? Bakit may benda ako?"

"Hindi mo maalala? Inatake tayo ng isang 'di kilalang kalaban at kamuntikan na niyang ihiwalay ang ulo mo sa leeg mo."

At saka lang nagbalik sa alaala ng binatilyo ang mga nangyari...

"Oh....naaalala ko na." at ang buong akala ni Allain ay sina Dante at Haru ang nagligtas sa buhay niya. Kaya naman hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang binatilyo at agad itong nagpasalamat.

"H--hindi ko alam kung paano n'yo napaghilom ng mabilis ang mga sugat ko pero...salamat sa inyo ni Haru, iniligtas n'yo ang buhay ko."

Subalit imbis na sumagot sa pasasalamat ay isang dismayado at tila ba naiiritang buntong hininga ang ginawa ni Dante at sinabing....

"Huwag ka sa akin o sa lampang si Haru magpasalamat..."

"Eh?"

"Magpasalamat ka roon sa huklubang bampira." At tumayo na si Dante mula sa kaniyang puwesto at lumabas na ng imbakan. Dali-dali namang bumangon si Allain mula sa hinihigaan niyang dayami at sinundan si Dante sa labas. Doon ay kapwa nila naabutan sina Father Eli at Haru na pinagmamasdan ang pagsikat ng bukang-liwayway.

"Hindi pa ba tumutulo ang mga luha ninyo sa kakatitig d'yan sa bukang-liwayway?" sita ni Dante sa dalawang binata. Nilingon naman ni Haru ang kasamahan niyang si Dante at nakita niyang kasama na nito si Allain na mabuti na ang kalagayan.

"Kayo pala! Mabuti na ba ang mga pakiramdam ninyo?" tanong ni Haru sa dalawa. Masigla namang sumagot si Allain at sinabing...

"Ayos na ayos! Hindi ko alam kung anong ginawa ni Father Eli para gamutin ang mga sugat ko pero sobrang sigla ko ngayon!"

Ghost Retriever [SELF-PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon