Vol. 4 Kapitel Thirty Nine: "Broken Cries..."

1.6K 85 59
                                    

Kapitel Thirty Nine: "Broken Cries..."

*****

"Hindi ako naniniwala sa mga multo."

Ito ang mga katagang sinabi ni Ally, ang guwardyang nagbabantay sa abandunadong gusali ng Nocton Hall. Kasalukuyan nitong kausap ang beteranong Retriever na si Hue Garland na nagpanggap na kasapi ng isang pribadong samahan para imbestigahan ang naganap na insidente sa nasabing abandunadong gusali.

Subalit...

"Parang...may hindi tama?"

Bahagyang napaisip ang binatang si Hue sa mga pahayag ng nagpakilalang guwardya na si Ally.

"Bakit parang gusto na niya akong umalis agad?"

Minabuti na lang ni Hue na manahimik habang pasimple siyang nakikiramdam at nagmamasid. Abala naman nang mga sandaling iyon ang dalagang guwardya na si Ally sa pagtatala ng pangalan ni Hue sa pahina ng record book. Sinamantala naman iyon ni Hue para makakuha ng ilang impormasyon na kakailanganin niya para sa kaniyang misyon. Tumingin-tingin siya sa mga papel na nakalatag sa mesa, mga dyaryo, mga talaan at iba pa. Hanggang sa may isang kulay krema na papel siyang nakita sa ilalim ng mga tambak na papeles na umagaw sa kaniyang atensyon. Palihim niya itong kinuha at saka niya ito ikinuyom sa loob ng kaniyang palad.

Ilang sandali pa ay nilapitan na ni Ally si Hue at sinabing...

"Sasamahan kita sa loob ng Nocton Hall. Mahirap na, baka kung saan-saan ka pa mapunta." Ang sabi ni guwardyang si Ally pagkatapos nitong itala ang pangalan ng binatang si Hue sa pahina ng kaniyang record book. Agad naman na pinaunlakan ng kalmadong binata ang alok ng dalagang guwardya na samahan siya sa loob ng abandunadong gusali at sinabing...

"Walang kaso sa akin. Sige, samahan mo ako."

****

Pinasok nina Ally at Hue ang unang palapag ng abandunadong gusali. Makikita pa sa unang palapag ang ilan sa mga naiwang kasangkapan na ginamit noong mga panahon na ospital pa ang nasabing bahay. Naroon ang mga lumang mesa, silya, mga sirang linya ng tubo at iba pa.

"Gaya ng nakikita mo, dati itong naging ospital ng mga sundalo. May mangilan-ngilan na lang na mga gamit ang naiwan dito. Karamihan sa mga pundasyon ay sira na at literal nang napabayaan sa matagal na panahon."

"Oo, nakikita ko nga."

Nang sinabi ni Hue na "Nakikita ko nga", hindi niya tinutukoy rito ang mga kagamitang bumungad sa pagpasok nila sa lumang gusali, kundi ang mga kaluluwa na nagkalat sa lugar. Karamihan naman sa mga kaluluwa ay hindi agresibo, at ang ilan naman ay mgashadow people o yaong mga entities na nag-aanyong itim na usok at kung minsan ay ginagaya ang hulma ng isang tao.

"Gusto mo bang pasukin ang mga kuwarto?" tanong ni Ally sa binatang si Hue na abala sa pagmamasid sa paligid. Agad naman na nagkainteres ang binata sa alok ng dalagang guwardya kaya agad itong pumayag.

"Sige. Gusto kong makita ang mga silid dito."

Nagpatuloy sa paglilibot ang dalawa at inisa-isang silipin ang mga silid. Pinasok ni Hue ang ilan sa mga kuwarto at hinawakan ang ilan sa mga gamit doon. Mabilis na rumehistro sa isip niya ang ilang piraso ng mga alaala mula sa mga gamit na kaniyang nahawakan. May nakita siyang mga sundalo, mga pasyente, mga sugatan at marami pa. May bahagi rin ng alaala ng lugar na nakita siya gaya ng mga unang tumira sa bahay bago ito naging isang ospital. Hanggang sa may isang partikular na alaala ang agad na umagaw sa atensyon niya at agad niyang naisambit nang hindi niya sinasadya...

Ghost Retriever [SELF-PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon