Vol. 2 Kapitel Eighteen: Ghost of a Chance

2.7K 139 119
                                    

Kapitel Eighteen: "Ghost of a Chance"

*****

Walang kalaban-laban na hinigop sina Kendall at Haru papunta sa nabuong itim na lagusan kasama ng iba pang mga nahigop na Astral Forms. Ilang minuto matapos silang higupin ay nagsara na ang lagusan, at unti-unti nang nagbalik sa normal ang kapaligiran.

"Mahusay ang ginawa mo, Raven." Ang sabi ng dalagang nakadamit-panluksa sa binatilyong si Raven. "Hindi ako nagkamali nang pagpili sa iyo. Halika, tayo na..."

Inakay na ng dalagang ito ang binatilyo papasok sa isang itim na hardin na bigla na lamang lumitaw sa kanilang likuran. Pagpasok nila sa hardin ay agad na nagsara ang entrada nito. Walang anu-ano'y nawasak ang buong hardin, at ang naiwan na lang na bakas ay ang napakaraming talulot ng itim na rosas na dumilig sa paligid.

Samantala...

"Ahh!!!"

Mabilis na hinahatak sina Haru at Kendall patungo sa karimlan. Para silang mga troso sa ilog na marahas na inaanod ng malakas na ragasa ng tubig papunta sa talon. Gustuhin man nila na labanan ang pwersa'y hindi nila magawa sapagka't masyado itong malakas para sa kanila. At habang lumilipas ang bawat minuto ng kanilang pananatili sa madilim na kawalan ay mas lalu silang napapalapit sa kanilang katapusan.

"Kendall!!!" hiyaw ni Haru sa kaniyang kasamahan na si Kendall. Nang mga sandaling iyon ay pareho silang hinahatak ng pwersa papunta sa pinaka-mata ng lagusan. Sinubukan ni Haru na ilapit ang kaniyang sarili kay Kendall, subalit hindi niya magawa dahil sa kalat-kalat na paghatak ng pwersa sa kanila. Lalu lamang nagkalayo ng distansya ang dalawa, at imposible nang masagip pa nila ang isa't-isa.

H--hindi ito maaari!

Walang nagawa sa pagkakataong iyon si Haru kundi ang saksihan ang tuluyang paglamon ng kadiliman sa kasamahan niyang si Kendall. Hindi nagtagal ay tumindi pa lalo ang paghatak ng pwersa, at siya naman ang sumunod na nilamon ng karimlan.

Katapusan ko na ba ito?

Nangibabaw kay Haru ang takot nang mga oras na iyon. Kasabay ng takot na kaniyang nararamdaman ay ang matinding panghihina ng kaniyang katawan. Para siyang nauupos na kandila habang palutang-lutang na kasama ng iba pang mga nahigop na Astral Forms. Sa lugar na iyon, ang lahat ng bagay na nahigop ay unti-unting pinupupulbos. Maihahalintulad mo ang senaryo sa proseso ng pagtunaw ng pagkain sa sikmura, kung saan ang mga natutunaw na pagkain ay nagiging bahagi na ng katawan.

Dito na ba ako mamamatay? Usal ni Haru sa kaniyang sarili. Nauna nang bumigay ang katawan ni Haru dulot ng dahan-dahang pagkatas sa kaniyang lakas. Hindi magtatagal at maging ang diwa niya ay tuluyan na rin na mawawala. Subalit ang inakala ni Haru na katapusan niya ay hindi pa pala. Walang anu-ano kasi ay nagliwanag ang kaniyang kwintas na si Graal. Nagbukas sa harapan ni Haru ang isang portal na mistulang tubig, at mula roo'y lumitaw ang isang kamay.

T--teka, anong---!

Mabilis na hinatak ng kamay na iyon si Haru papasok sa mala-tubig na portal. Mababakas naman sa mga nanlaking mata ni Haru ang pagkasindak, ngunit dahil sa labis na panghihina kung kaya hindi siya nakapagbigay ng nararapat na reaksyon.

Anong nangyayari?!

Malabong imahe na ang nakikita ni Haru. Hindi na niya maaniniag ng mabuti kung sino itong nagtatangka na sagipin siya. Gusto niyang manatiling gising, subalit pilit na nagsasara ang kaniyang mga mata. Ang huli niyang naramdaman ay ang pagtawid ng buo niyang katawan sa banayad na tubig habang siya'y inaahon pataas. Kasunod niyon ay ang nakabibinging katahimikan na bumalot sa paligid, na tila ba huminto bigla ang oras na maging ang kaniyang paghinga'y sandaling naimpit.

Ghost Retriever [SELF-PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon