Vol. 6 Kapitel Fifty One: "Death Drill (Last Part): "A Fool's Paradise"

1.5K 103 117
                                    

Kapitel Fifty One: "Death Drill (Last Part): "A Fool's Paradise"

*****

Nagising si Haru sa huni ng mga ibon na nakadapo sa maliit na bintana ng silid kung saan siya kasalukuyan na namamahinga. Sa pagmulat ng kaniyang mga mata, napansin agad niya ang 'di pamilyar na ayos at hitsura ng silid na kaniyang tinutulugan. Sigurado siya na wala siya sa santuwaryo ng mga kaluluwa, o sa sleeping quarters ng pabrika, at lalong wala rin siya sa tahanan ng magkapatid na Grail kung saan siya kasalukuyang naninirahan.

"Teka..." Nagtatakang sabi ng binata. "Nasaan ako?"

Dahan-dahan na bumangon si Haru sa kutson na hinihigaan niya. Nang nakabangon na siya ay saka pa lang niya napansin na may katabi pala siya sa higaan; isang batang babae. Nakatalikod lang kasi ang batang babae sa kaniya kaya hindi nito nakita ang mukha ng bata. Bahagya pa ngang nagulat si Haru noong una, subalit habang tumatagal ang pagtitig niya sa bata gayundin sa kaniyang paligid, hindi niya maiwasang maalala ang larawan ng kaniyang kabataan.

"Imposible..." Nag-umpisa nang mahiwagaan si Haru sa mga bagay na kaniyang napapansin. Ang pamilyar na lumang kuwartong walang kalaman-laman na gamit, ang masangsang at kulob na amoy ng silid, ang agiw sa kisame't alikabok sa sahig, lahat ng mga ito'y katulad na katulad ng dating kuwartong tinitirahan noon nina Haru at Yufa sa Birmingham sampung taon na ang nakakaraan.

Hindi na nagdalawang-isip pa si Haru. Agad niyang sinilip ang mukha ng nakatagilid na batang babae sa kaniyang tabi. At doon siya mas lalong nagulat, dahil ang batang babae na kanina pa niya katabi sa higaan ay walang iba kundi ang nakababata niyang kapatid na si Yufa Farell.

"Y--Yufa?!"

Sa gulat ni Haru ay napalakas ang boses niya. Dahil doon kaya nagising ang natutulog na batang si Yufa.

"Ugh...kuya Haru?" Papikit-pikit pa ng mga mata si Yufa habang kinukusot niya ito ng kaniyang maliliit na kamay. "May problema ba? Ang aga mo namang nagising?"

Imbis na matuwa'y lalong naguluhan ang binata. Hindi niya maintindihan kung paano nangyari na kasama niya sa mga oras na iyon ang kapatid niyang si Yufa na anim na taon lang ang hitsura, kung bakit naroon siya sa dati nilang bahay at kung bakit wala siya sa Santuwaryo ng mga Kaluluwa kung saan dapat ay tinatapos niya ang kaniyang pagsasanay.

"Imposible, anong nangyayari!" Naguguluhan niyang tanong sa kaniyang sarili.

Hindi pa man humuhupa ang pagkalito ni Haru sa mga nangyayari ay nasundan pa iyon ng mas matindi pang rebelasyon. Napansin niya ang anyo ng kaniyang mga kamay at paa. Mas maliit ang mga ito kumpara sa pagkakaalala niya. Maski ang tono ng kaniyang boses ay nagbago rin, tulad ng boses ng isang batang nasa pagitan lang ng walo hanggang sampung taon; manipis at maliit ang tinig.

Kaya naman hindi na nag-atubili pa si Haru at dali-dali siyang tumayo para humanap ng salamin. Sakto naman dahil may maliit na salamin na nakasabit sa kanilang kuwarto. Agad siyang humarap doon para pagmasdan ang kaniyang sarili. At mukhang tama ang kutob ni Haru sa mga nangyayari, dahil ang nakitang anyo ni Haru sa salamin ay ang hitsura niya noong siya'y siyam na taong gulang pa lang. At ang silid? Iyon lang naman ang silid na inuupahan nila noon ng kapatid niyang si Yufa, kung saan pareho pa nilang kasama ang kanilang mga magulang.

"I--imposible, paano ito nangyari!"

Litung lito si Haru noong mga sandaling iyon. Gusto niyang isipin na nananaginip lang siya at ang lahat ng nakikita niya'y hindi totoo. Subalit paano ipagkakaila ni Haru na hindi totoo ang lahat kung ramdam na ramdam niya ang pagiging totoo ng lahat ng bagay sa kaniyang paligid? Ang ingay, ang amoy, ang pakiramdam, maging ang nakikita ng dalawa niyang mga mata tulad nalang ng anyo ng kaniyang nakababatang kapatid na si Yufa na nababahala sa mga ikinikilos niya.

Ghost Retriever [SELF-PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon