Vol. 7 Kapitel Sixty Four:The Battle of Ir David(PartVIII):The Destroying Angel

1K 59 72
                                    

Kapitel Sixty Four: "The Battle of Ir David (Part VIII): The Destroying Angel"

*****

Hating-gabi
Sa lupain ng Ehipto
c. 1470 BC

Walang babala ng paparating na madilim at marahas na bagyo noong gabing iyon...

Dapat sana.

Subalit sa gabing iyon, may mas madilim at mas marahas na bagay ang magaganap. Magkakaroon ng malakas na paghagulgol sa buong Ehipto, mas masahol pa kaysa sa dati, at kailan man ay hindi na ito magkakaroon pa ng kaparis.

"Oras na."

Isang lalaki na nakasuot ng purong puti na damit at gintong panyapak ang nakatayo sa tuktok ng isang bundok. Tanaw ng lalaki mula sa kinatatayuan niya ang buong Ehipto na kasalukuyang pinamumunuan ng isang malupit na Paraon, na sa kabila ng mga naunang salot na ipinadala ng Diyos sa kaniya'y hindi parin nito hinayaan ang mga alipin na makalaya at makalabas ng lungsod.

Kaya naman sa gabing iyon, ibibigay na ng Diyos ang huli niyang hatol.

"Ang bawat panganay na anak na lalaki sa Ehipto ay mamamatay." Usal ng lalaki sa kaniyang sarili habang dahan-dahan niyang tinatanggal ang puting tela na nakabalot sa kaniyang kaliwang kamay. "Mula sa panganay na anak na lalaki ng Paraon, hanggang sa lahat ng panganay na supling ng mga hayop. Maliban sa mga haligi ng pinto na pinahiran ng dugo, wala akong ititira sa kanilang lahat, ni isa."

Pagkatapos tanggalin ng lalaki ang telang nakabalot sa kaniyang kaliwang kamay ay sumingaw mula roon ang isang makapal na itim na usok. Mistulan itong may sariling buhay na paroo't parito sa pagsirko't 'di na makapaghintay sa utos ng kaniyang amo.

"Malinaw ang instructions ni Boss: patayin ang lahat ng mga panganay sa Ehipto. Kolektahin at dalhin ninyo sa akin ang lahat ng kaluluwang makukuha ninyo. At huwag na huwag kayong magtitira ni isa, maliwanag?"

Walang anu-ano'y nahati sa pito ang makapal na itim na usok at ginaya ng mga ito ang hulma't anyo ng isang malaking aso.

"Sige na, kilos na."

Sumunod agad ang mga ito sa utos na ibinigay ng lalaki at sabay-sabay sila na nagtungo sa Ehipto. Pagdating nila sa pusod ng lungsod ay agad nilang ikinalat at inihalo sa hangin ang kanilang maitim na hininga na siyang gumalugad sa kasuluk-sulukan ng mga eskinita't kabahayan para salantain ang mga tao na mahimbing na natutulog sa kanilang mga kabahayan.

Mayamaya pa...

"Ahhh!"

Magkakasunod na sigaw ng matinding dalamhati ang kumain sa buong Ehipto. Wala ni isang hayop ang umalulong at bukod-tanging iyak lamang mula sa mga namatayan ang maririnig.

At para sa lalaking pakuya-kuyakoy lang na naghihintay habang kumakain ng minatamis na mansanas, ang iyak ng mga namatayan ang pinakamagandang musika na maririnig ng kaniyang tainga.

Ngunit siya ring tunog na pinaka ayaw niya.

"Argh, ano ba 'yan..."

Isang mahina ngunit klaradong iritasyon ang lumabas mula sa nagkiskisang ngipin ng lalaki na kilala ng lahat sa pangalan na Kamatayan. Ngunit mas gusto niyang tinatawag ang kaniyang sarili sa pangalan na Death. Dahil para sa kaniya, moderno itong pakinggan at cool.

"Ito 'yong parte ng job description ko na ayaw na ayaw ko talaga sa lahat eh."

At isang lalaki na may maalong pilak na buhok at gintong mga mata ang nagpakita sa likod niya't sumagot sa kaniyang pag-angal.

Ghost Retriever [SELF-PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon