Vol. 6 Kapitel Fifty Six: " Hell-Bent"

1.5K 102 58
                                    

Kapitel Fifty Six: "Hell-Bent"

*****

Matiyagang naghintay si Ashmedai sa napagkasunduang tagpuan kung saan sila magkikita ng isa sa mga ampon ni Mastema na si Ava dala ang mga bagay na hinihingi niya kapalit ng lokasyon kung saan nakatago ang singsing ni Solomon. Makalipas lamang ang ilang sandali ay dumating ang batang prinsesa dala ang isang lumang banga na may nakaukit na salita ng sinaunang Hebreo kung saan nakasilid ang mga hiniling ni Ashmedai.

"Narito na ang mga hiniling mo." Ang sabi ng batang prinsesa. Pagkatapos ay saka niya inilapag ang nasabing lumang banga sa lupa at dumistansya.

"Mahusay." Ang sabi ni Ashmedai. Lumapit siya at kinuha ang banga na iniwan ni Ava sa lupa. "Sabihin mo sa iyong panginoon na makipag-kita sa akin bukas sa lumang siyudad ng Jerusalem bago mag-ikatlo ng hapon. Alam na niya ang lugar na tinutukoy ko."

Tumungo lang ang batang prinsesa. At pagkatapos ng maikli nilang pag-uusap ni Ashmedai ay saka siya naglaho sa hangin at walang iniwan na anumang bakas.

Naiwan ang demonyong si Ashmedai sa lugar na pinagkitaan nila ng ampon ni Mastema na si Ava. Bitbit ang lumang banga ay nagtungo ang demonyo sa isang disyerto na madalang madiligan ng tubig-ulan. Pagkatapos ay binuksan niya ang banga at ibinuhos ang laman nito sa buhangin: isang pulang langis na may halong dinikdik na abo at asupre. Pagkatapos ay sinugatan niya ang kaniyang kamay gamit ang kaniyang kuko at hinayaan niya ang kaniyang dugo na humalo sa langis. Walang anu-ano ay may nabuong butas sa buhangin kung saan nahulog at kinain ang ibinuhos na langis kasama ng kaniyang dugo. Ilang sandali pa ay unti-unting lumaki ang butas sa buhangin na nagmistulan itong isang kumunoy at lumabas mula roon ang makapal na itim na usok na agad na sumuklob sa kaniyang buong katawan.

"Sabi ko naman sa iyo eh. Marunong akong tumupad sa usapan." ang sabi ni Ashmedai na tila ba mayroon itong kausap na nasa loob ng kumunoy na buhangin. "Oras na para ikaw naman ang tumupad sa kasunduan..."

-------

"Oras na..."

Tumindig si Graal mula sa kaniyang silya at kinuha ang kaniyang pilak na tungkod. Kaharap niya noong mga sandaling iyon ang binatang si Haru. Katatapos lang nilang pag-usapan ang mga bagay-bagay na may kinalaman sa bagong tuklas na kapangyarihan ng binata at kung paano niya ito gagamitin sa aktuwal na laban.

At ngayon...

"Oras na para bumalik ka sa pinanggalingan mo."

Tumayo si Haru at nagpasalamat.

"Maraming salamat sa lahat ng itinuro mo sa akin, Graal."

"Dapat lang na magpasalamat ka." Sarkastikong sagot ng pihikang treasure. "Hindi madali para sa akin na sanayin ang tulad mo na walang katale-talento sa katawan. Kung hindi ko pa ginising ang natutulog na craft sa katawan mo, wala kang kapaga-pag-asa na manalo sa malalakas na kalaban."

Hindi na lang sinagot pa ni Haru ang nakaka-insultong birada sa kaniya ng kaniyang treasure. Pinigilan niya ang kaniyang sarili na magpakita ng inis at sinakyan na lang niya ang pagiging "mataas" ng kaniyang pihikang sandata.

"Okay, sige..." ang sabi ni Haru sa kaniyang sandata. "Paano ako lalabas dito?"

Inilihis ni Graal ang kaniyang mga mata palayo kay Haru.

"Malay ko."

Pumintik pataas ang kilay ni Haru dulot ng pinaghalong inis at pagkapikon.

"Anong malay mo?"

Tumalikod bigla si Graal at saka ito sumagot sa tanong.

"Parang kang walang natutunan sa pagsasanay. Kailangan ba na sa akin mo parating hingiin ang sagot sa mga tanong mo?"

Ghost Retriever [SELF-PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon