Vol. 3 Kapitel Twenty Six: "To Hell and Gone"

2K 119 94
                                    

Kapitel Twenty Six: "To Hell and Gone"

*****

Ang nakaraan sa Ghost Retriever...

"Kumusta ka, binibining retriever!"

Hindi inasahan ng dalagang retriever na si Feah ang pagsulpot ng isang 'di pangkaraniwang kalaban habang sinusubukan nitong makalabas sa mula sa lugar na kung tawagin ay impyerno.

"Nagustuhan mo ba ang munti kong palabas? Gusto mo bang...ulitin ulit natin ang pag-ikot sa roleta? Sa pagkakataong ito ay hindi na ako mimintis..."

Isang lalaki na mukhang salamangkero ang biglang nagpakita sa eksena at bumihag kay Feah gamit ang isang roleta. Sinubukan pa nga ng lalaking iyon na gawing target ang dalaga. Mabuti nalang at nagmintis ang mga patalim at hindi ito bumaon sa mukha ni Feah.

'O baka naman...sinadya niya talagang magmintis?' haka ng dalaga habang siya'y nakatiwarik parin sa roleta. Pagkatapos ibida ng lalaking mukhang salamangkero ang kaniyang abilidad na maghagis ng patalim ay agad itong tumindig at muling isinuot ang kaniyang sombrero.

"Bueno, huwag na nating patagalin ang palabas!"

Pinainog ng lalaki sa kaniyang mga daliri ang kaniyang sukbit na baston. Makailang beses niya itong itinapon sa ere at pagkatapos ay sinalo. Nang kontento na siya sa kaniyang pagpapakitang-gilas ay magalang siyang yumuko sa harapan ni Feah at nakangising sinabi na...

"It's showtime!"

*****

Nasa bingit ngayon ng alanganing sitwasyon ang dalagang si Feah. Hindi niya magamit ang kaniyang mga kamay para tumawag ng baraha dahil nakatali ang mga ito sa roleta. Hindi pa kasama roon ang matinding pagkahilo at ang pakiramdam na ang lahat ng dugo niya ay napunta nang lahat sa kaniyang ulo dahil sa nakabalintuwad niyang posisyon.

'Hindi ito maganda! Kailangan kong makatakas!'

Pero bago pa nakagawa ng hakbang si Feah ay muling umikot ang malaking roleta. At mas mabilis ang pag-ikot nito ngayon kumpara kanina.

"Tignan natin ang suwerte mo, Retriever!" lumundag ang salamangkero at lumutang ito sa hangin. Hinubad niya ang kaniyang suot na sombrero at dinukot sa loob nito ang limang matatalim na punyal. "Heto na!"

Mabilis na inihagis ng lalaki ang mga hawak niyang punyal at...

Stab! Stab! Stab!

"Ah!" tinamaan si Feah ng punyal sa kanang binti. Dumaplis naman sa pisngi niya ang isa at nagmintis naman ang isa pa.

'M--masama ito!' ani Feah sa kaniyang sarili. Naroon ang kaba, pero mas matimbang parin sa kaniya ang kagustuhang mabuhay. 'Hindi ako papayag na mamatay sa lugar na gaya nito!'

Ipinikit ni Feah ang kaniyang mga mata. Itinikom niya ang kaniyang kanang palad at pasimple itong sinugatan gamit ang kaniyang kuko. Bagama't alintana ng dalaga ang matinding pagkahilo dulot ng mabilis na pag-ikot ng roleta ay tuloy parin siya sa plano niyang gantihan ang kaniyang kalaban.

"Aba..." napansin naman ng lalaking mukhang salamangkero ang biglaang pananahimik ng dalagang si Feah. "Alam kong may pinaplano kang gawin, retriever! Pero hindi mo ako basta-basta maiisahan!"

Sa pagkakataong ito ay pinainog ng lalaki ang kaniyang mga kamay at biglang lumitaw sa mga ito ang dalawang matatalim na punyal.

"Wala pa akong naririnig ma palakpakan, kaya gagawin nating mas kapana-panabik ang palabas!"

Ghost Retriever [SELF-PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon