Vol. 3 Kapitel Twenty Nine: "Frozen Thriller"

2.1K 119 151
                                    

Hi po! Ni-repost ko po ulit ito (for the last time around since may nakakita po ng mga errors--- nag loloko na naman po yata ang wattpad) pinublish ko lang po ulit ito para maaayos ang typos at mga nawalang sentences dahil sa mahinang signal ng wifi. XD

Sorry sa mga nakapag basa na!

Mag-enjoy po sana kayo. XD

*****

Kapitel Twenty Nine: "Frozen Thriller"

*****

December 10, 1988
11:36 pm
Pilcante, Brentonico Italy

Isang magarang itim na sasakyan ang huminto sa tapat ng isang lumang bahay sa gitna ng kasagsagan ng malakas na pagbuhos ng niyebe.

"Nandito na po tayo." Ang sabi ng tagamaneho ng sasakyan.

Hindi nagtagal, isang matandang lalaki ang lumabas mula sa bahay na tila nagmamadali. Hindi nito alintana ang makangatal-panga na lamig ng panahon at ang makapal na niyebeng pumapasok sa kaniyang suot na itim na bota. Kapansin-pansin rin ang maalsa at mangitim-ngitim na munglo sa ilalim ng kaniyang mga mata na marahil ay dulot ng ilang araw na pagpupuyat. Walang agam-agam na nilapitan ng matandang lalaki ang itim na sasakyang pumarada sa tapat ng tahanan nito at mangiyak-ngiyak na dumungaw sa bintana.

"S--salamat sa Diyos, d--dumating kayo!" ang sabi ng lalaki. Nangangatog ang kaniyang tinig. Hindi mo malaman kung dulot ba iyon ng matinding lamig ng panahon o dulot ng nakapangingilabot na bagay na ilang lingo nang gumagambala sa kanilang payapang pamumuhay.

Ilang sandali pa'y lumabas mula sa itim na kotse ang sakay nito, isang lalaki na nakasuot ng itim na sutana na pinatungan ng makapal na panlamig. Bitbit nito sa kaniyang kanang kamay ang isang Bibliya at sa kaliwa naman ay isang pilak na krus. Sa unang tingin ay hindi mo aakalaing isang propesyunal na pari ang lalaki. Masyado kasi siyang batang tignan kumpara sa mga karaniwang pari na nakasanayang makita ng karamihan.

"N—nasa loob po siya, Father..." ang sabi ng matandang lalaki sa pari.

Pinagmasdan ng pari ang kabuuan ng bahay mula sa kaniyang kinatatayuan. Ramdam niya ang kakaibang awrang sumisingaw mula sa loob nito, na para bang harap-harapang sinasabi sa kaniya ng awra na hindi basta-basta ang nilalang na kaniyang kakaharapin sa loob.

Pumasok na sa loob ng bahay ang pari at ang matandang lalaki. Doon ay sinalubong sila ng mahina ngunit makapanindig-balahibong bugso ng hangin na nanggaling sa pinakamadilim na bahagi ng pasilyo. Nasindak ang matandang lalaki at agad na umatras, ngunit hindi naman nagpadaig ang binatang pari at sa halip ay nagpatuloy ito sa pagsulong. Binuksan nito ang kaniyang bitbit na Bibliya at mahigpit na hinawakan ang pilak na krus na bahagyang nakalapat sa kaniyang labi, sabay sambit ng mga katagang hindi kayang indahin ng sinomang alagad ng dilim...

"Prayer to St. Michael the Archangel..."

Dahan-dahang iniangat ng pari ang kaniyang kamay upang gawin ang senyales ng krus.

"In the Name of the Father, and of the Son, and of the Holy Ghost..."

At biglang nangamatay-sindi ang mga ilaw sa pasilyo na nananatili pang bukas. Para bang natatakot ang mga ito sa bawat salitang binibitawan ng binatang pari. Hindi nagtagal ay tuluyan nang napundi ang mga ito at binalot ng matinding kadiliman ang buong tahanan. Matinding katahimikan ang pumalit. Nakakakilabot ang lamig na umihip at dumampi sa kanilang mga balat. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito'y 'di nagpasindak ang binatang pari, at sa halip ay binigkas nito ang huling salitang kukumpleto sa kaniyang binigkas na panalangin...

"Amen."

Pagkatapos ay biglang nagningas ang kandilang nakapatong sa isang lumang kandelarya sa tabi ng isang lumang santo. Lumabas ang maitim at mabahong likido sa mga mata, bibig at tenga ng rebulto. Biglang nagbukas ang mga bintana at pumasok ang malamig na hanging may kasamang mga butil ng niyebe. Sinubukan ng matandang lalaki na isara ang mga bintana, subalit nasindak siya nang biglang nitong napansin ang mga nagkalat na abo sa sahig.

Ghost Retriever [SELF-PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon