Vol. 7 Kapitel Sixty Five: A Place of No Return

1K 61 44
                                    

Kapitel Sixty Five: "A Place of No Return"

*****

September 29, 1817

Venice, Italy

Wala na sigurong mas nakakatakot pa kaysa sa walang hanggan na pag-iisa sa lugar na tanging mga pader at rehas lamang ang makikita. Walang sinoman ang maaari mong makasama o makausap, at kung minsa'y mas nanaisin mo pa ang sakit para lang makaramdam kaysa sa yakapin ng kadiliman at kawalang-pag-asa na pupunit sa iyong katinuan.

Tama...

Doon sa lugar na iyon ay walang sinoman ang makakatakas.

Walang puwang ang salitang "kalayaan".

Natutunan na ng mga bilanggo sa lugar na iyon na tuluyang takasan ang realidad at magpakain sa mga demonyong nananahan sa kanilang mga isipan. Tutal naman, ganoon sila kung ituring ng mga tao na nasa labas.

Mga baliw. Mga taong wala sa tamang kaisipan.

Ngunit siya? Hindi siya kabilang sa mga iyon.

Hindi siya isang baliw, ngunit walang may gustong maniwala sa kaniya.

"Hoy, ikaw!"

Isang malaking lalaki na nakasuot ng unipormeng kulay tsokolate, may sukbit na pamalo at sandamakdak na susi sa tagiliran ang dumating sa tapat ng isang madilim na selda bitbit ang isang nanggigitatang bandehado na may laman na isang piraso ng tinapay at malamig na sopas na ang tanging sahog ay patatas.

"Oras na ng pagkain!"

Mula sa isang sulok ay dahan-dahan na gumapang patungo sa malamlam na liwanag ang isang binatilyo. Mayroon siyang mahaba at dikit-dikit na itim na buhok na nakaharang sa matatalim niyang mga mata na kakulay ng abo. Gula-gulanit ang suot niyang damit na sa kalumaa'y hindi na matukoy kung ano ang orihinal nitong kulay. Ang isang paa niya'y may nakapulupot na kadena, habang ang pareho niyang mga kamay ay kapwa may nakakabit na pulseras na bakal na siyang lumilimita sa mga kilos niya.

Inunat ng binatang ito ang kaniyang kamay at mabilis na kinuha ang bandehadong may laman na pagkain. Walang anu-ano'y sinunggaban niya agad ang tinapay at ang malamig na sopas, at wala pang limang minuto ay ubos na niya ang laman ng buong lalagyan.

"Iyan na ang huling kain mo sa lugar na ito."

Bigla tuloy napatingin ang binata sa nagsalitang lalaki para magpakita ng nakakatakot nitong tingin. Ngunit hindi iyon nagustuhan ng lalaki kung kaya hinampas niya ng malakas ang rehas na bakal upang masindak ang binata at tantanan siya nito masamang tingin.

"Magpasalamat ka na lang at makakaalis ka na sa lugar na 'to!" pabulyaw na sagot ng lalaki. "Dahil doon sa pupuntahan mo, siguradong magiging malaya ka na."

Malaya?

Umugong sa pandinig ng binata ang salitang iyon, kalayaan. Ang buong akala niya'y isang pantasya lamang ang salitang iyon at hindi ito kailanman naging isang katotohanan. Subalit ngayon, naging isang munting liwanag iyon na nagbigay ng kaunting pag-asa sa kaniya na maisasalba ang natitira pa niyang katinuan.

"Dante Guttuso, tama ba?"

Tinanggal ang nakakabit na kadena sa paa ng binatang tinawag ng bantay sa pangalan na "Dante". Pagkatapos niyang matanggalan ng mga kadena'y saka siya dinala ng bantay sa isang bangka kung saan may naghihintay na isang bangkero at dalawang matatangkad at mabubultong mga lalaki na nakasuot ng purong itim na kapote.

"Siya na ang huli." Tinukoy ng bantay sa dalawang lalaki na kanina pa naghihintay sa nakadaong na bangka ang tahimik na si Dante. "Alam na ninyo ang gagawin sa kaniya."

Ghost Retriever [SELF-PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon