ENTRY #3
April 12
10:30 AM
Dear diary,
UMAGANG kay ingay ni Kuya Lio! Magsisimula na rin ata siyang mangolekta ng album at ibang merch ni Karmi. Nako. Bawat araw sumasama ang pakiramdam ko sa artistang ’to. Mauubos pati allowance ni Kuya Lio! Pero nakakamangha rin ano, gumagastos talaga ang mga tao para sa iniidolo nila? Bakit hindi na lang ibigay sa akin ni Kuya Yves iyong pera pang matrikula ni Kuya Lio? Ako pa itong tinatawag na waldasera eh napkin lang naman binibili ko buwan-buwan. Ewan. Nakakaloka. Nagugutom ako sa stress.
Talagang gumawa pa si Kuya Lio ng cabinet para sa mga kokolektahin na mga gamit na may koneksiyon do’n sa Karmi. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan niyang maging OA sa isang tao ‘di niya kilala. Kung ako naman, namamangha ako sa mga photographers, pero hindi ko para gawan ng altar ‘yang mga ‘yan! Hay, Kuya Lio.
5 PM
Kakauwi ko lang ng bahay galing sa pagbibisikleta sa Park. Mas nakakagaan kasi ng loob mag-ikot kesa makasama si Kuya Lio sa bahay. Mula no’ng umalis magulang at ang panganay naming kuya, boses na ni Karmi ang naririnig ko. Okay naman pero dapat bang marinig ko ang boses niya mula umaga hanggang hapon? Pakiramdam ko sasali na rin siya sa fanclub niya.
10 PM
Sumali nga. Dapat hindi ko na lang naisip.
Tinanong ko si Kuya Lio kung bakit sumali siya, ‘di naman niya kilala ‘yun at magiging busy rin siya sa kolehiyo. Aba. Ang sabi ba naman, “‘Wag kang makialam, bunso. Hindi mo lang gets kaya inggit ka.”AKO? INGGIT? Kung puwede lang ipikit ang mga mata ko tuwing nakikita ko si Kuya Lio at ang artistang ‘yon e ginawa ko na.
Hindi ko rin alam kung matutuwa ako, e. Medyo masarap na kasi ‘yong mga ulam na niluluto niya. No’ng agahan nagluto siya ng champorado at tuyo. No’ng meryenda naman ginawan niya ako ng toasted bread with strawberry jam. No’ng hapunan naman nag-spicy chicken adobo siya.
Hindi ko alam ang mararamdaman ko, pero basta! Ayaw ko pa rin sa Karmi na ‘yon. Hindi ko alam ang ginagawa niya sa Kuya Lio ko.

YOU ARE READING
entangled strings
Romanceshe wants nothing but a good future ahead of her, but as she met this woman in the limelight, she doesn't know how to navigate her life anymore. st. 030522 en. 030922