23

262 41 28
                                    

23

May 26

12 AM

Dear diary,

OKAY. ANG WEIRD. Kahit sa google hindi magets kung ano iyong tinatanong ko. Bakit ako nakaramdam ng kiliti na parang kuryente no’ng aksidenteng napatong ni Karmi ang kamay niya sa kamay ko habang naglalaro kami ng monopoly? Ano’ng meron doon at nabobother ako sa pakiramdam? Hindi ko alam pero parang nakainom ako ng kape sa isang minutong pakiramdam na iyon.

ANYWAY, nagulantang ang lahat sa bahay noong dumating si Karmi. Walang magarbong kotse at walang kahit anong takaw pansin na dala ito. Naka-pants, sweater, sneakers, at cap lang siya. Pati guwardya niya naka-casual clothes lang. Motor ang ginamit nila papunta rito sa bahay. Grabe ang bungisngis niya habang binabati ang magulang at mga kuya ko habang bitbit ang monopoly board game niya. Wala akong narinig sa kanila bukod sa “Oo” no’ng tinanong ko kung pwede kami maglaro sa kwarto ko. Si Kuya Lio? Hindi ko mabasa ang mukha at iniisip niya. Natakot ako pero itong si Kuya Yves supportive.

Hindi ako alam kung paano laruin iyong board game kaya nagpaturo muna ako. Ang seryoso niya magturo. First time ko lang din makita na nakatali ang buhok niya. Doon ko nakita na hindi naman talaga kakinisan ang balat niya. May pimple scars and bumps din tulad ko. Mukhang kahit pagpasok sa school naka-makeup siya. Ngayon ni wala siyang kolorete sa mukha. Wala rin namang pinagkaiba, e. Natural na siyang maganda.

Noong nagstart na kami maglaro, tinanong ko siya kung bakit nag-eeffort pa siyang puntahan at kaibiganin pa ako e pwede niyang ikapahamak ito lalo na sa parents niya. Mukhang marami naman siyang kakilalang kalevel niya at hindi na niya kailangan magtago, pero ang sabi niya mas gusto niya raw ng taong hindi tumitingin sa antas ng pamumuhay niya. Ako raw ang perfect choice na maging kaibigan sa kategoryang iyon. Hindi ko raw kasi siya hinuhusgahan sa kahit anong ginagawa niya mapa-school man o sa labas.

Feeling ko kapag nabasa niya itong diary ko babawiin niya ang sinabi niya. HUHU.

Tapos ayon sa sobrang tuwa namin sa paglalaro, aksidenteng napatong ni Karmi ang kamay niya sa kamay ko and the rest is history :)))))))

Nagustuhan niya iyong mais con yelo na ginawa ni mama para sa amin. Pagkatapos namin maglaro, nahiga lang kami sa kama. Nagpakuha rin siya ng mga litrato. Mas natutuwa raw siya kapag ako ang kumukuha ng litrato sa kanya. Mas madalas pa raw siyang nakangiti dahil walang i-uutos na ibang pose. Pakiramdam niya raw malaya siya sa kung anong gusto niyang gawin kapag kasama niya ako.

Tinanong niya ako kung gusto ko raw ba siyang nakakasama. Sabi ko sakto lang. Sabi naman niya ayaw niya raw ng sakto, gusto niya raw magustuhan ko siya bilang kaibigan. Umuwi na siya ng ala-sais ng gabi at naulanan ako ng mga tanong ng magulang at mga kuya ko. HUHU.

Si Kuya Lio lang ata ang hindi masyadong nagtanong pero sinabihan niya akong huwag masyadong magtiwala sa mga Romano. Palibhasa iniwan lang siya ni Karmina sa ere. Si Kuya Yves naman nagtanong kung friends lang daw ba or more than friends tapos ginatungan ng parents namin na okay lang daw mag-explore. HUHU. Hindi ko gets pero okay.

Sa buong araw na nakasama ko si Karmi, naisip kong parehas kaming gusto lang makakilala ng kaibigang makakaintindi at makakapagpasaya sa amin sa maliliit na bagay lang. Bihira na iyon sa panahon ngayon. Madali na lang makahanap ng kakaibigan sa internet o sa labas, pero bihirang makahanap ng hindi ka huhusgahan kahit anong nakaraan o klase ng buhay ang meron ka.

Wala. Ewan. Ang dami kong sinasabi.

entangled stringsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon