37

220 38 1
                                    

37

September 20

12 AM

Dear Karmi,

Pakiramdam ko sobrang haba ng araw, pero minsan sobrang ikli. Ewan. Fourth year na ako at sa totoo lang, baka Media Arts na lang ang kunin ko. Kahit ano’ng gawin ko parang doon ako mas may talent at passion, e. Ikaw lang naman ang pumipigil sa akin. Ang babaw, ‘no? Masyado akong tinamaan sa iyo, e. Tapos nakita pa kita kanina sa Unibooks habang namimili ako ng paint brushes para sa art class. Nagbabasa ka ng libro sa isang section habang may guwardyang nagbabantay sa iyo. Ang cute mong bumungisngis habang nagbabasa. Muntik mo pa akong makita kaya napatakbo ako papunta sa counter.

Napadaan ako sa Park kung saan tayo huling nagkasama. Naalala ko kung gaano ka kasigla magkwento kahit ang lungkot ng mga naririnig ko. Iyong pang-aasar mo sa akin habang kumakain tayo ng ice cream, kinakagat mo iyong pagkain kahit ilang beses kong sinabi na ayaw ko ng gano’n. Sobrang saya mo... tapos iniwan lang kita.

Pinanood ko ang paglubog ng araw. Paalis na sana ako nang may umupo sa tabi ko.

“Kumusta, Lianne?”

Iyon ang una kong narinig at hindi ko na kailangang isipin pa kung kaninong boses iyon. Ngumiti ka sa akin nang magtama ang mga mata natin. Lutang na lutang sa mga mata mo iyong lungkot at konsensya. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Natawa ka pa dahil natulala ako sa iyo.

“Kahit ako hindi ko rin alam ang sasabihin ko sa iyo, Lia. Ang tagal nating hindi nagkita. Hindi ka rin nagrerespond sa text at letters ko.”

Doon ko naalala si Kuya Lio. Ilang beses akong sinubukang kausapin ni Kuya Lio tapos biglang sasabihin na nakalimutan niya na ang sasabihin niya. Kuya Lio talaga. Hay. Mas lalo akong tumiklop sa narinig ko mula sa iyo. Sinubukan ko magsalita, pero hindi ko sigurado kung tama bang kamustahin kita e halos lagi kang nasa balita?

“Sige na. You don’t have to say anything. Naiintindihan ko. Naintindihan ko nga rin kung bakit mo ako biglang iniwan sa mismong lugar na ‘to. Aaminin ko... Nagalit ako sa iyo noong una, pero noong nalaman ko kung ano’ng nangyari sa iyo pagkatapos ng katangahang ginawa ko... ah, sa pagpost ng picture natin... Naiintindihan kong dapat lang talaga na iniwan mo ako.” Nangingilid iyong mga luha mo, pero pinipilit mong tumawa para mapagaan iyong atmosphere sa pagitan natin. Hindi ko napigilang hawakan ang kamay mo tapos... tuluyan ka nang naiyak. Ilang minuto kang nakayuko’t umiiyak sa harap ko habang nahawak rin ang kamay ko. Kulang na lang iuwi mo na ang kamay ko sa higpit ng kapit mo. Ramdam ko iyong konsensya at sinseridad sa bawat pagbitaw mo ng “sorry”.

Pagkatapos mong umiyak, nagpabili ka ng fried noodles sa guwardya mo. Tinanong mo ako kung pinanood ko ba iyong pelikula mo last year, tumango ako. Tinanong mo pa kung nagustuhan ko ba, umiling ako. Natawa ka at napatango rin. Ang sabi mo pa... kung pwede nga lang burahin lahat ng memorya mo habang shinushoot ang pelikulang iyon, nagawa mo na. Doon mo rin napagtantong hindi mo gustong magtagal sa industryang kinalakihan ng mga magulang mo. Sinabi mong pinagbigyan mo lang sila ng isang pang taon tapos aalis ka na. Panatag mong sinabi sa akin na magiging okay ka at nagtitiwala naman ako sa ‘yo, Karmi.

Pagkatapos nating kumain, nagpaalam ka na para umuwi. Nagsorry ka kaagad in case na may kumalat na namang litrato natin sa social media. Wala naman na akong pakialam doon. Kahit ano’ng gawin ko, may sasabihin at sasabihin ang mga tao.

“See you again, Lia. Sana kausapin mo na ako kapag nagkita tayo ulit. Alam ko parang sinumpa iyong friendship natin, pero kung magkakaroon man tayo ng isa pang chance maging magkaibigan ulit, sisiguraduhin kong wala nang kahit anong masama na mangyayari. Kahit ano kasing gawin ko, parang pinaglalapit pa rin tayo, e. Kita mo, nagkita tayo ngayon.”

“You will always be my best friend, Lia.”

Kahit ako rin naman alam kong magkikita pa rin tayo. Hindi ko lang inexpect na ngayon araw na ito mangyayari.

It was nice knowing that you’re doing okay, Karmi. It was nice to see you again.

entangled stringsWhere stories live. Discover now