CHAPTER 14: MEMORIES OF THE JOY AND DEATH

802 51 12
                                    

This chapter is written in Raven/Hel's point of view. A short story about Hel and Balder's relationship.

Mahal ng lahat si Balder. Siya ang nagbibigay ng kasiyahan sa Asgard bilang diyos ng kasiyahan at pag-asa. Siyempre, alam ko iyon. Kaya nga nagulat ako nang makita ko siya dito sa kaharian ng mga patay bilang isang kaluluwa, na ngayo'y kaharian ko na.

"Ito ba ang Niflheim? Nakakabilib! Ang lamig!" sambit ni Balder na niyayakap ang sarili dahil sa lamig. Buti na lamang ako, nasanay na sa lamig.

"Paano ka napunta dito?" tanong ko sa kanya na tila isang bata na kanina pa paikot-ikot ng tingin sa palasyo ko.

Mahal ng mga buhay na nilalang si Balder. Maliban kay Loki at ako. Hindi ko alam kung ano ang dahilan ni Loki ngunit ang dahilan ko, siya lang naman ang paboritong anak ng nagpatapon sa akin dito sa Niflheim.

Bakit ganoon? Walang personal na atraso sa akin si Balder ngunit naaasar ako sa kanya dahil sa ginawa ni Odin sa akin? Ganoon lang siguro talaga iyon. Ang kasalanan ng magulang, maipapasa sa anak. Tulad ng dahilan ng pagpapatapon sa aming magkakapatid. Dahil sa kasalanan ni Loki, kaming mga anak niya ang nagdurusa.

"Basta may naramdaman ako na tumusok sa puso ko at hindi ko na alam ang nangyari. Nakita ko na lamang ang sarili ko dito," mahabang paliwanag niya na paikot-ikot at tinitingnan ang bawat sulok ng palasyo. Sinubukan pa niyang hawakan ang mga dumadaang kaluluwa.

May pumatay sa kanya? Imposible. Mahal siya ng mga nilalang na nabubuhay. Ngunit mukhang alam ko na ang dahilan ng kamatayan niya. Si Loki, ang may kakayahan na gumawa ng mga pilyong bagay.

"Ano ba!" sigaw ng isang kaluluwa ng matandang lalaki na hinawakan ni Balder.

"Pa-pasensya na." Halatang gulat siya nang malamang tumagos lamang sila sa isa't-isa ngunit nararamdaman at nakikita ang kapwa niya kaluluwa.

"Ang gali...-" tiningnan niya ako at mukhang nagulat naman siya, "i-ikaw si Hel?" gulat niyang tanong.

Tinaasan ko siya ng kilay. Oo, kaharap niya ang tunay kong anyo. "Oo. Ako si Hel."

"A-ang ganda mo pala," sambit niya na mukhang namamangha.

Nakaramdam ako ng hiya sa sinabi niya kaya agad akong umiwas ng tingin sa kanya.

Lumapit siya sa akin, hindi ko alam ang gagawin ko kaya nanigas ako at pinanood ang isang Aesir na palapit sa akin. Siya ang diyos ng kasiyahan at pag-asa, kabaligtaran ko na diyosa ng kamatayan na puno ng kalungkutan.

Inilapit niya ang mukha niya sa mukha ko na tila iniinspekyon ako. "Bakit iba ang itsura mo noon nang pumunta ka sa Asgard? Ano ang tunay mong anyo?" inosente niyang tanong.

"I-ito ang tu-tunay na ako," nauutal kong sagot dahil sa pagkailang. Sino ba naman ang hindi maiilang kung may mukha na may sobrang lapit sa mukha mo?

"Ang ganda mo, bakit hindi ang anyong iyan ang ipinakita mo kay ama?"

Isang kahol ang narinig namin na dahilan upang magulat si Balder at mapalayo ng bahagya sa akin. Salamat Garm.

Lumapit sa amin si Garm. Masama ang tingin niya kay Balder. "Kamahalan, nakahanda na po ang mga pagkain ninyo."

-*-*-

"Nakakamangha! Ang mga pagkain dito sa Niflheim ay tulad din ng mga pagkain sa Asgard!" manghang sambit ni Balder habang nasa hapagkainan.

"Kumain ka na lamang," saway ko sa kanya.

Sumubo siya ng piraso ng karne. "Malungkot ka ba dito?"

Hindi ko maiwasang hindi mapatingin sa kanya. Ang tanong niya ay isang tanong ng inutil. "Oo, malungkot dito. Wala akong makausap. Si Garm ay abala sa pagbabantay ng kaharian at puro panaghoy lamang ng mga kaluluwa ang aking naririnig."

Kumuha ako ng piraso ng karne at ibinato ko kay Garm. Batid kong gutom na siya dahil agad siyang kumagat sa karne ngunit napansin ko ang pagtigil niya sa pagkain at pagtingin sa pintuan ng silid-kainan kung nasaan kami.

Kinahulan ni Garm ang parating na nilalang. Hindi iyon isang kaluluwa. Ramdam ko ang buhay nito. Ngayon lamang may naglakas ng loob upang pumasyal dito sa Niflheim.

"Hermod!" masiglang bati ni Balder sa kapwa Aesir at kapatid na kadarating lamang. "Ano'ng ginagawa mo dito?" nagawa niyang magtanong kahit puno ng pagkain ang bibig.

"Nandito ako upang kausapin si Hel. Nasaan siya?"

"Ako si Hel," walang kabuhay-buhay kong sagot.

Bakas sa mukha ni Hermod ang pagkagulat. "H-hel?"

"Ano ang kailangan mo?" taas-kilay kong tanong.

"Nandito ako upang sunduin ang kaluluwa ni Balder," sagot niya na diretso ang tingin sa akin.

Tiningnan ko si Balder kung gusto ba niya sumama kay Hermod.

Natural gusto niya. Hindi siya nababagay dito.

"Pakiusap, Hel, maraming malulungkot kung mawawala si Balder," pakiusap ni Hermod sa akin.

Nasa tabi ko si Garm na masama ang tingin kay Hermod. Pinapakalma ko siya sa pamamagitan ng paghaplos sa kanyang itim na balahibo.

"Hermod," sabat ni Balder. "Nais kong manatili dito."

Nagulat kami sa sinabi niya. Bakit?

"Una, hindi maganda ang naging turing natin kay Hel noong bumisita siya sa Asgard."

Kung ganoon, siya ang humihingi ng paumanhin sa ginawa ng kanyang ama?

"Pangalawa, kailangan ni Hel ng kasama."

Nagdabog si Hermod na dahilan ng pagkatapon ng mga inumin at pagtalon ng ilang mga pagkain sa lamesa. Na-alarma din si Garm sa ginawa nito.

"Ano na lamang ang sasabihin ko kay Inang Frigga?! Balder, nababaliw ka na!" sigaw ni Hermod na naniningkit ang mga mata sa inis. Hindi ko lamang alam kung dahil ba sa desisyon ni Balder o sa mga sinabi nito.

"Bumalik ka sa Asgard," utos ko sa nanghimasok sa aking kaharian, "patunayan mo na mahal ng lahat si Balder, kung ang lahat ng buhay na nilalang ay luluha at magdarasal na bumalik si Balder, hindi ako magdadalawang-isip na ibalik siya."

-*-*-

Nagising ako dahil sa sigaw ng isang batang kaluluwa, kasunod noon ay tunog ng nabasag na bagay. Agad ko iyong nilapitan at tinanong kung ano ang problema. Itinuro noon si Balder na nakangisi at may itinatago sa kanyang likuran na mukhang panghampas. Nakita ko din ang nag-iisang salamin na aking bintana sa Midgard na may lamat.

Oo, sumaya ang Niflheim nang dumating at manatili dito si Balder ngunit nagkaroon din ako ng sakit sa ulo.

Hindi siya nakabalik sa Asgard dahil hindi lahat ng nilalang ay nagdasal para sa kanya.

Oo, tama. Si Loki. Si Loki ang kaisa-isang nilalang na hindi lumuha upang ibalik ang buhay ni Balder.

THE FALL OF ASGARD (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon