CHAPTER 29: PUNISHMENT

605 44 0
                                    

Sandstone Park...

Naisipan nila Hunter, James at Christian na ibalita kay Raven ang nangyari. May karapatan siyang malaman iyon. Sangkot doon ang kanyang ama at...kung ano man ang mayroon sa pagitan nila ni Clark.

Blangko ang ekspresyon ni Raven habang nakikinig sa sabay na pagkukwento nila Christian at Hunter bago mawala sina Clark at Kaizer.

"Tapos sa cellar!" kwento ni Hunter.

"Oo, kinulong sila!" dugtong ni Christian.

"Tapos kami sa attic!"

Nanatili ang blangkong ekspresyon sa mukha ni Raven. Hindi niya maintindihan ang kwento ng dalawa. Parang nagdudugtungan lamang ang mga ito.

"Ikinulong kayo sa attic?" tanong ni Raven na naguguluhan. Napasandal na lamang siya sa isang puno ng acacia.

Umiling si Christian. "Hindi! Sila lang ang ikinulong."

"May ibinigay na task sa amin si Frigga," sabat ni James na nagnanais linawin ang mga pangyayari. "Kaming tatlo, pinaglinis ng attic. Silang dalawa sa garden, pero imbes na maglinis doon, nag-away sila kaya ikinulong sila sa cellar."

Tumango si Raven. Ngayon mas malinaw na ang lahat.

"At doon sa cellar nila natagpuan ang mga forbidden spells?" pagkukumpirma ni Raven sa mga naiintindihang impormasyon.

Sabay-sabay na tumango ang tatlo.

"Ang alam ko lamang sa mga Vanir spells, kapag ginamit ang mga ito sa kalokohan o kasamaan, posibleng bumalik ito sa nagbitaw ng spell," sambit ni James.

"Ibig sabihin...-" nanlaki ang mga mata ni Raven matapos maproseso ng kanyang isipan ang mga sinabi ni James, "kung ano man ang kalagayan ni Clark, ganoon din ang nangyari kay Kaizer." Napapikit si Raven at huminga ng malalim. "Tutulong ako sa paghahanap. Pakibalitaan ako kung nahanap niyo sila."

Tumango si Christian. "Sige, mas mabuti kung maghihiwa-hiwalay tayo."

Nagpalit-anyo si Raven bilang isang itim na ibon at lumipad na papalayo.

"Tama, mas mabilis kung sa ere tayo maghahanap," suhestiyon ni James. "Gullinbursti, tara na!"

Mula sa kanyang balikat ay bumaba si Gullinbursti at nagpalit-anyo bilang isang gintong baboy. Sinakyan niya ito at lumipad sa ibang direksyon.

"Tama!" nakangiting sabi ni Christian na may kasama pang pagpitik ng daliri. "Sa ere!" nagconcentrate siya at inalala ang isang spell na itinuro sa kanya ni Frigga. Nagpalit-anyo siya bilang isang puting kalapati at lumipad papalayo.

Mabuti na lamang at walang pumupuntang tao sa Sandstone Park kaya hindi sila natakot na doon magpalit-anyo.

Napabuntong-hininga na lamang si Hunter habang pinapanood silang makalayo. "Magaling!" sabi niya na kausap ang sarili. "Sila marunong magpalit ng anyo at may lumilipad na baboy. Samantalang ako?" Napakamot na lamang siya sa kanyang ulo. "Nevermind!"

-*-*-

Parehong naghahabol ng hininga sina Clark at Kaizer matapos tumakbo ng napakalayo mula sa mansion nila Frigga.

"Ka-kasalanan mo 'to!" pagsisi ni Clark na dinuduro si Kaizer. Nakaramdam siya ng kakaiba sa kanyang sarili. Nanibago siya sa kanyang boses. Tiningnan niya ang kanyang mga kamay. Ang maputlang kulay ng kaniyang balat ay naging kayumanggi.

Napasigaw rin si Kaizer habang nakatingin kay Clark. Hindi siya makapaniwala na nakikita niya ang kanyang sarili na kaharap niya.

"A-ako ba iyan?," sinubukan niyang lapitan si Clark na hindi makakilos dahil sa pagkalito. Kinapa niya ang braso, mukha at balikat nito. Mukha at katawan niya ang nakikita niya.

THE FALL OF ASGARD (COMPLETED)Tempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang