CHAPTER 25: REVENGE OF VIDAR

379 27 0
                                    

"Kamusta, Heimdall?" tanong ng isang lalaki mula sa kanyang likuran.

Agad tiningnan ni Clark ang may-ari ng boses. Isang lalaking mayroong kulay tsokolateng buhok na mukhang tinadtad ng gel, ang mga mata nito ay kulay abo. Hindi na siya nagsalita ngunit pinanatili niyang alerto ang kanyang sarili sa kung ano man ang maaaring maganap.

"Ako nga pala ang nag-imbita sa inyo dito sa engagement party ko. Dito tayo magkakaroon ng reunion," sambit pa ng lalaki na malaki ang pagkakangiti.

Nanatiling walang imik si Clark, ngunit dahil sa sinabi ng lalaki ay napagtanto na niya na ito si Ashton Steele.

"Ngayong gabi, ipapatikim ko sa inyo ang paghihiganti ng isang nilalang na minamaliit, itinuturing na walang halaga at binabalewala!" nakangiting sambit ng lalaki ngunit bakas sa mga mata nito ang pait at galit sa bawat salitang kanyang sinasabi.

Nanatili paring tahimik si Clark. Dahil doon, mas nainsulto si Ashton. Kasasabi lamang niya ng kanyang mga hinanakit at ang pinakamasakit para sa kanya ay ang pakiramdam na binabalewala, ngunit ito si Clark sa kanyang harapan at mukhang binabalewala ang mga sinasabi niya.

"Huwag mo nga akong balewalain!" sigaw ng lalaki na napapadyak sa sahig dahil sa nararamdamang sama ng loob. Ang kanina'y pormal niyang postura ay napalitan ng isang batang nagwawala.

"Sino ka ba?" tanging nasabi ni Clark.

Dahil doon ay napanganga si Ashton at mas lalong nanlumo. Natanggap na niya ang pinakamasasakit na insulto mula sa iisang tao palang. Sinubukan niyang tumayo ng diretso at tumawa ng pilit upang magpanggap na hindi siya naiinsulto. "Ipapaalala ko lamang ang aking pangalan. Ako si Vidar...-"

Biglang tumunog ang iPhone ni Clark. "Wait, may tumatawag," paalam ni Clark.

Naiwang nakanganga si Ashton dahil sobra-sobra na natatanggap niyang insulto.

"Sige po, uuwi kami agad pagkatapos ng party. Sige po," sambit ni Clark bago tapusin ang tawag. Tiningnan niyang muli si Ashton na namumula ang buong mukha. "Ano na ulit 'yung sinasabi mo?" inosente niyang tanong dito.

Naramdaman ni Clark ang galit na aura ni Ashton na kumakalat sa paligid. Nagtitigan sila, mata sa mata na tila ba sinusukat ang tapang ng bawat isa.

"Sa gabing ito, sinisiguro ko na makakapaghiganti ako!" malakas na sigaw ni Ashton.

-*-*-

Mabilis na nagtungo si Dash sa ikadalawampu't palapag kung saan niya nararamdaman ang mahinang aura ni Raven. Doon naabutan niya si Kaizer na nagmumura dahil nahihirapang buksan ang pintuan ng misteryosong silid.

"Akala ko ba Daddy, alam mo ang basics ng lockpicking?" tanong ni Dash na nagkakamot sa makapal nitong buhok na hindi man lamang nilagyan ng gel.

"Oo! Pero hindi ang lock ang problema! Nabuksan ko na ang lock!" sigaw ni Kaizer na pilit itinitulak ang pintuan. "May nakaharang sa likuran nitong pinto!"

Nagkibit-balikat si Dash at lumapit sa pintuan dahil siya na ang gagawa ng paraan upang sapilitang buksan ang pintuan. Pinatabi niya pa si Kaizer palayo sa pintuan. Paglapat ng mga kamay niya sa pintuan ay nakaramdam siya ng matinding kilabot. Agad siyang napaatras upang makalayo sa pintuan.

Nakita ni Kaizer ang takot sa mukha ni Dash. "Oy, bakit?"

"Na-nandito si Hel...s-sa silid na i-ito," mahinang sambit ni Dash.

-*-*-

Mabilis na sumugod si Ashton kay Clark. Nakaiwas din naman agad si Clark at bumawi ng suntok na tumama sa mukha ni Ashton. Dahil sa lakas ng suntok ay napa-atras si Ashton at sinadyang dumistansya. "Magaling! Magaling! Hindi ka parin nagbabago!" sigaw niya habang pinupunasan ang dugo sa gilid ng kanyang labi.

THE FALL OF ASGARD (COMPLETED)Where stories live. Discover now