CHAPTER 27: THE TRUTHS (PART II)

384 29 0
                                    

Malalim ang paghinga ni Clark na tadtad na ng sugat ang buong katawan. Ngunit nakapagtataka na nagawa pa niyang ngumiti. Ginamit niyang suporta ang Gungnir upang makatayo.

"Ano? Sumusuko ka na ba?" tanong ni Ashton na katulad niya, tadtad na rin ng sugat at punit-punit na ang suot.

Tiningnan ni Clark si Ashton at nginisian na tila ba inaasar niya ito. "Ngayon lang ulit ako nakaranas ng ganitong laban," sambit niya sa kabila ng bawat malalim na paghinga. Tiningnan niya si Ashton. Nanlilisik ang kanyang mga mata ngunit hindi nawawala ang kanyang malaking pagkakangiti. "Wag ka makikialam, talunan! Masayang kalaban ang Jotun na 'to!" sigaw niya na mukhang nawawala na sa sarili.

Ngumiti si Utgard-Loki at dinilaan ang dugong tumutulo sa gilid kanyang labi. Katulad ng dalawa, sugatan din siya at nahihirapan nang makatayo ng diretso. "Salamat at ganyan ang tingin mo sa akin, Heimdall. Ngunit nagbitiw ako ng isang salita kay Vidar."

Napakibit-balikat na lamang si Clark at mabilis na sumugod kay Utgard-Loki. Mabilis namang nasalag ng Jotun ang kanyang espada gamit ang kadenang hawak nito. Ramdam ni Clark na kumilos rin si Ashton na naghahandang atakihin rin siya.

Dumistansya si Clark kay Utgard-Loki at bumuwelo na atakihin si Ashton. Nagawa niyang maunahan ito at masipa sa tagiliran, ngunit nagawa rin nito na masugatan siya sa braso gamit ang espada nito. Susugurin niya sanang muli si Ashton ngunit narinig niya ang paggalaw ng kadena ni Utgard-Loki na biglaang pumulupot sa kanyang leeg at unti-unting gumapang ang kadena sa kanyang mga braso at binti na parang may sariling buhay. Pinilit niyang makawala ngunit mas lalong humihigpit ang kadena.

"Hawakan mo siyang mabuti!" utos ni Ashton sa Jotun.

Hinila ni Utgard-Loki si Clark. Mas nilakasan ni Clark ang kanyang pwersa upang sapilitang makawala mula sa mga kadena ngunit mas lalong humihigpit ang pagkakapulupot nito sa kanyang katawan sa bawat pagpupumiglas niya. Nang humigpit pa lalo ang mga kadena ay nabitawan niya ang Gungnir.

"Ano'ng kalokohan 'to?!" sigaw ni Clark. "Lumaban nga kayo ng patas!"

Tumawa ng malakas si Ashton at nilapitan siya. "Gusto ko sanang patayin ka ng madalian ngunit mas naisip ko na mas masaya kung maririnig kitang magmaka-awa at sumigaw," bulong niya kay Clark. Sinaksak niya ito sa tagiliran. Nadismaya siya nang hindi ito sumigaw dahil sa sakit, tanging mahinang pag-ungol lamang ang ginawa nito.

"Sumigaw ka!" galit na utos ni Ashton.

"Ano'ng gusto mong isigaw ko!" sigaw naman ni Clark na mukhang balewala lamang ang pagkakasaksak sa kanya.

Mas lalong nainis si Ashton at sinuntok siya sa pisngi.

Napabuntong-hininga naman si Clark bago humarap muli kay Ashton. "Mas malakas manuntok si Raven kaysa sa'yo," sambit niya na ipinapamukha na balewala ang suntok nito.

"Utgard-Loki!" sigaw ni Ashton na mukhang nagsusumbong. "Patahimikin mo siya!"

Agad naman lumapit ang Jotun at sinuntok sa sikmura si Clark na ubod ng lakas na naging dahilan ng pagsuka nito ng dugo.

"Sasagutin ko na nga pala ang mga tanong mo," mayabang na sambit ni Ashton na natutuwa sa walang laban na anyo ni Clark. "Una, ang Mjollnir. Ako ang nagbigay ng link ng bidding site kay Balder. Siniguro ko na makikita ninyo ang pagkawala ng pinakamalakas ng sandata sa siyam na mundo sa kamay ng mayabang na Thor na iyon! Matagal kong pinlano ang paghihiganti ko dahil sa pambabalewala niyo sa akin sa Asgard. Alam mo ba na kasama ka sa listahan ko na paghihigantihan? Kasama rin si Balder at lalo na si Thor!"

Napasipol na lamang si Clark matapos iyon sabihin ni Ashton. "Wow, typical movie cliché."

Tiningnan siya ni Ashton bago ito tumango kay Utgard-Loki. Isang suntok muli ang kanyang natamo, ngunit sa pagkakataong ito hindi na sa sikmura, sa kanyang kaliwang tadyang. Narinig pa niya ang pagkabali ng ilang buto sa kanyang rib cage. Napasuka siyang muli ng dugo at naramdaman na niya ang hirap ng paghinga.

THE FALL OF ASGARD (COMPLETED)Where stories live. Discover now