PROLOGO

906 90 11
                                    

HUMIHINGAL na napahinto ang prinsipe nang matapos niyang patumbahin ang mga Zither na umaatake sa kaniya. Balot na ng dugo ang dulo ng hawak niyang espada dulot ng napakaraming buhay ang nakitil nito. Hindi pa rin nauubos ang mga kalaban. Hindi niya maipaliwanag kung saan nanggagaling ang mga nilalang na ito. Buong akala niya ay naubos na ang lahi ng mga Zither noong nakaraang digmaan. Nahihirapan man ngunit sinubukan niyang muling lumingon sa ilog, nakahinga siya nang maluwag nang tuluyan nang nakatawid sa ibang mundo ang mga mortal. Bagama't batid niyang isang malaking pagkakasala itong kaniyang ginagawa ngunit sa hindi malamang dahilan, nais niyang protektahan ang dalagang iyon.


Muling iwinasiwas ng binata ang kaniyang espada nang isang Zither ang nangahas na muli siyang kalabanin. Yumuko ang lalaki nang umakmang hampasin siya nito ng sibat, agad naman niyang pinuruhan ang tuhod nito kung kaya't napaluhod ang nilalang dahilan upang magkaroon siya ng pagkakataong sasaksakin ito sa bungo. Ngunit hindi namalayan ng prinsipe ang paglapit ng isa pang kalaban sa kaniyang likuran kaya't huli na nang masugatan siya nito sa balikat. Bumagsak ang prinsipe sa lupa sapo-sapo ang kaniyang natamo.


"Mahal na prinsipe!" sigaw ng brievamusa ng kahariang Avaerze nang makita ang kalagayan ng binata.


Akmang sasaksakin na ng kalaban ang prinsipe ngunit agad na pinalipad ng Brievamusa Aticus ang kaniyang hawak na sibat patungo sa kalaban. Mabilis na bumulusok ito sa ere na siyang tumusok naman sa katawan ng Zither. Bumagsak ito sa lupa.


Gulat na napalingon si Arkin sa pinuno ng kaniyang kawal. Tumakbo si Aticus papalapit sa kaniya.


"Ayos lang po ba kayo?" tanong ng Heneral.


Tiningnan ni Arkin ang natamo niyang sugat. Bagama't daplis lamang, nakikita niya ang sunud-sunod na pagtulo ng dugo mula rito. Tumango na lamang siya sa kaniyang kasama at tumayo.


"Huwag mo akong alalahanin. Daplis lamang ito," sagot niya.


"Mahal na prinsipe, sa tingin ko ay ligtas nang nakatawid ang mga mortal sa kanilang mundo. Wala nang saysay ang digmaang ito, bumalik na tayo sa palasyo."


Umiling ang binata habang pinagmamasdan ng paligid. Patuloy sa pakikidigma ang kanilang mga kawal laban sa mga Zither. Marami na ang namatay at nakaratay sa malamig na dalampasigan ng ilog ngunit marami pa rin ang natitira.


"Hindi pa nauubos ang kalaban, Aticus," sambit ng prinsipe. "Hindi ako tatakbo na lamang na animo'y talunan habang ang aking mga kawal ay narito at nakikipaglaban. Isa pa, kapwa nating batid na nalipol na ang lahi ng Zither nitong nagdaang digmaan kaya't hindi ko maipaliwag kung saan nanggaling ang mga nilalang na ito."


"Isang malaking misteryo nga ang nangyayari ngayon sa Catharsis. Hindi ba't sapat na itong dahilan upang umatras na lamang at bumalik sa ating kaharian? Hindi ka maaaring mapahamak rito, mahal na prinspe. Tiyak akong—"


"Batid ko iyon, Aticus. Ngunit, ang labang ito ay akin. Hindi ako aatras."


Sa sinabing iyon ng prinsipe, agad niyang binitawan ang hawak niyang espada. Wala na siyang ibang pamimilian kundi ang gamitin ang kaniyang kapangyarihan. Inangat niya ang kaniyang palad sa ere. Kumunot naman ang noo ng heneral nang mahulaan ang gagawin nito. Ilang sandali pa, natigil ang mga naglalabang nilalang nang biglang lumakas ang ihip ng hangin. Napalayo ang mga kawal at napatago sa mga puno nang isang malaking alimpoyo ang kanilang namataan na unti-unting nabubuo sa dalampasigan. Halos mataranta naman ang Zither habang isa-isang nililipad ng hangin ang kanilang mga kalahi. Pawang hinigop ng hangin ang mga kalaban at inangat ang mga ito sa ere. Ilang beses na inikot ng alimpoyo ang mga ito sa himpapawid hanggang sa tuluyan itong manghina at malugutan ng hininga.

The Wandering PrinceWhere stories live. Discover now