Kabanata 16

371 64 16
                                    

NAALIMPUNGATAN si Alira nang tumunog ang kaniyang cellphone. Gumalaw ang dalaga at kinapa ito sa ilalim ng kaniyang unan. Nakapikit nitong sinagot ang isang tawag. Ramdam niya ang sinag ng araw na tumatama sa kaniyang mukha ngunit wala pa siyang lakas na bumungad dahil halos madaling araw na rin siyang natulog.

"Hello?" bungad ng dalaga nang sagutin ito.

"Magandang umaga po, Ma'am."

Kumunot ang noo ng babae nang marinig ang boses ng isang lalaki sa kabilang linya. Inilayo niya ang kaniyang telepono at tiningnan ang numero ng tumatawag. Isang unregistered number ang bumungad sa kaniya.

"Sino ito?" tanong niya.

"Naku, ma'am. Mukhang kagigising niyo lamang po. Pasensya na sa abala. Ako po si PO1 Fuentes ng Quezon Police Station."

Tuluyan nang nawala ang antok sa katawan ng dalaga. Bigla siyang napaupo sa kaniyang kama dahil sa pagtataka. Wala siyang maalalang may kakilala siyang pulis. Bukod pa doon, wala rin siyang nagawang masama upang tawagan siya nito ng ganitong oras.

"Ano po ang kailangan ninyo?" takang tanong niya.

"Ma'am Alira, tama? Alira po ang pangalan niyo, hindi ba?" sambit ng kabilang linya.

"Paano mo nalaman ang pangalan ko? Sandali, saan mo nakuha ang number ko? Anong kailangan mo sa'kin?"

Narinig niyang tumawa ang lalaki. "Ma'am, sandali lang po. Hindi po ako masamang tao. Humuhuli po ako ng masamang tao kaya relax lang po kayo. May naghahanap po kasi sa inyo rito sa police station."

Napapikit si Alira nang biglang sumakit ang kaniyang ulo. Wala sa sarili niyang hinilot ang kaniyang sintido nang maubusan siya ng pasensya sa kausap. Hindi siya makapaniwalang uso pa rin ngayon ang mga prank calls. Malas lamang siya dahil siya ang naging biktima ngayon.

"Alam niyo po kung may naghahanap man sa akin, hindi ko iyan pamilya dahil mag-isa na lang ako sa buhay. Hindi ko rin iyan kaibigan kaya huwag niyo na akong guluhin, pwede ba?"

Biglang tumahimik ang kabilang linya. May narinig pa siyang kaluskos na mistulang may dalawang taong nagbubulungan doon ngunit masyado itong mahina upang maintindihan niya.

"Pasensya na po, Ma'am. Nagkamali yata ako ng number," paumanhin ng lalaki.

Napabuntong hininga na lamang si Alira. Hindi na niya hinintay na muli pa itong magsalita kaya't kaagad na niyang pinutol ang tawag.

Muling inihagis ng dalaga ang kaniyang cellphone sa gilid ng kaniyang unan at humiga sa kama. Nagtalukbong ng kumot si Alira at muling pumikit ngunit kahit na anong gawin niya ay hindi na siya nakaidlip. Nilayasan na siya ng antok dahil sa isang walang silbing tawag na natanggap niya.

Malalim na bumuntong hininga ang dalaga at winakli ang kumot na nakatabing sa kaniyang buong katawan. Mataas na ang araw at pumapasok na ang sinag nito sa awang ng kaniyang bintana. Sinipat ni Alira ang kaniyang malaking orasan na nakasabit sa dingding. Pasado alas otso na.

Gising na ang kaniyang diwa kaya't wala siyang ibang mapamimilian kundi simulan na lamang ang kaniyang araw.

PABAGSAK na ibinalik ng pulis ang teleponong hawak. Kita ni Arkin ang inis sa mukha nito nang gumawi ang tingin nito sa kaniya. Bukod sa naninibago siya sapagkat maaari pa lang kausapin ang isang tao gamit ang isang kakaibang bagay kahit na malayo ay nagugulat rin siya sa paraan kung paano siya tingnan ng lalaking kaniyang kaharap ngayon. Humingi lamang siya ng kaunting tulong rito kaya't anu't galit ito ngayon.

The Wandering PrinceWhere stories live. Discover now